KAPILTULO 31

216 0 0
                                    

Umaga nang imulat ng isang babaeng tinedyer ang kaniyang mga mata. 



Pagod at tila bagang may iniindang mga hapdi mula sa ilang gasgas na natamo sa pagkakabagsak at pagkakatumba. Sa unti-unting pagtayo ay makakaamoy ang dalaga ng mga kahun-kahong naglalagkitan na prutas... mga lanzones. Hanggang sa tuluyan niyang makita sa pagsinag ng araw ang mga prutas na ikakalakal sa siyudad kasama ng ilang gulay at iba pang laman-dagat. Katabi ng dalaga ang isang nakasaradong bag na ginagamit niya sa iskuwela ngunit nang buksan niya ang zipper ay makakaramdam siya ng pagkagutom mula sa tiyan. Ibabalik niya ang pagkakasara ng bag at dahan-dahang pipitas ng lanzones sa katabing kahon.

PLOK!

Nang hindi makuntento sa isang pirasong lanzones ay kumuha pa muli ito ng marami hanggang sa mabusog. Naiwan niyang kalat ang mga pirasong balat sa sahig at makakarinig ito ng pagyabag ng paa at pagsipol na papalapit na tao sa kaniyang kinalalagyan. Agad tuloy nagtago sa siksik na mga kahon ang tinedyer.

"Ahhhh! Sa wakas... nakarating din!", banggit ng lalaking naka-boxer shorts lamang na tumitingin sa labas katapat ng papasikat na araw habang iniinat-inat ang dalawang kamay at itutukod ang siko sa railings. Maya-maya ay lilingunin nito ang parte ng kinainan ng dalaga at  magtataka sa mga kalat. Kinakabahang nagmamasid naman sa gilid ang babae hanggang sa papalapit ng papalapit pa ang lalaki sa mga kahon at biglang may susulpot mula sa itaas ng mga kahon.

MEOOOOOOOOW!


Isang matambok na pusa ang bababa sa sahig at aamuy-amuyin ang mga nakakalat na balat ng lanzones. Mapapahinto saglit ang lalaki.

"Aguy! Misay lang pala ini...", banggit ng lalaki na itataboy sana ang pusa nang bigla siyang tawagin ng kapitan mula sa malayo, "Sige...Pupunta na ako diyan!!!"

Nang tuluyang lisanin ng lalaki ang mga nakaimbak na prutas ay siya namang paglabas mula sa kinatataguan ang dalaga at titingin sa gilid ng railings. Mamamangha sa makikita at aamuyin ang simoy ng dagat.

"Oh... mga gusali!!!", wika ng dalagang si Chela na makikita ang malawak na mga building at ilang mga barkong naka-istambay sa pantalan. Ang maliit na barkong kinalalagyan ni Chela ay papalapit din sa mga naghihintay na cargo truck sa pinaka-kalupaan katabi ng mga nagtatayugang puno ng niyog at opisina ng Coast Guard.

Nang bumusina ng malakas ang barko ay hindi maipinta sa itsura ni Chela kung saan siya magtutungo at kung paano siya makakadaong sa lupa nang hindi napapansin ng ilang taga-barko o umuwi pabalik sa kanilang lugar. Nang makatuntong sa pier ay itatabi ng kapitan ang barkong pang-eksport sa daanan at isa-isang ibabagsak ang mga produkto.
HIGH-HO! HERE WE GO!


Magsisipaglabasan ang ilang karga ng barko at mga kawani nito upang asikasuhin at i-tsek ang kanilang mga iaangkat na produkto. Bitbit ang bag,mapupuna ni Chela ang tagong parte sa isang jeep na puno ng mga prutas at ito ay sasakyan niya ng patago. Pag-usad ng jeep padaan ng kalsada ay ilalantad ni Chela ang ulo hanggang sa mapahinto muli sa stoplight at tuluyang bababa nang hindi napapansin ng iba pa.



Maynila.

Sentro ng komersiyo at pananalapi. Ang Maynila na sa mga libro at palabas lamang nakikita ni Chela malayo sa lugar na mabundok sa Kabisayaan. Sandamakmak ang mga tao. Iba-iba rin ang pamumuhay... maiingay... mauusok... mapangahas. Maraming mga establisimiyentong pinupuntahan ng mga tao. May ilang mga puno... mga gusali... at higit sa lahat, mga sasakyan. Sa paglalakad-lakad pa ni Chela ay madaraanan niya ang isang monumento... ang bantayog ng Pambansang Bayaning si Jose Rizal. Ibabaling niya ang tingin sa paligid hanggang sa makakita siya ng sementadong upuan na nililimliman ng puno. Dito siya naupo at nagpahinga.

Palaisipan pa rin sa kamalayan ni Chela kung paano siya napadpad dito. Dito na hindi naman niya ninais na tunguhin upang takasan ang isang bangungot mula sa mga natuklasan sa pamilya. Hindi niya rin alam kung paano mamuhay o magsimula ng buhay sa lugar na ito bagkos ay nais niya sanang bumalik sa probinsiya upang makita ang kaniyang mga pamilya, buhay man o patay na. Mapapatitig sa malapit na fountain area ng parke si Chela at may matatandaan... ang dating fountain area noong maliit pa siya sa labas ng kanilang mansiyon, ang pagligo nilang magkakapatid sa tubig ulan, ang pagseserve ng tubig sa baso ng kaniyang ina, at ang outing sa isang talon ng kaniyang mga kabarkada.May mamumuong luha sa mga mata si Chela hanggang sa may kumalabit sa kaniya.

Ning KalibutanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon