PROLOGUE (SYLVIA & SAYA)

1K 44 1
                                    

"ATE! MAY nasusunog!" sigaw ni Sylvia sa kapatid na si Sayah. Agad itong napatingin sa itinuturo niyang malaking apoy sa kanilang nayon. Bigla nitong nabitawan ang mga napulot nilang kahoy para gawing panggatong at mahigpit na hinawakan ang kanyang kamay saka sila kapwa kumaripas ng takbo.

Hingal na hingal sila pagdating sa itinuring nilang kanlungan ng kanilang kabataan. Kapwa walong taong gulang sila nito. Si Sayah ay kakambal ni Sylvia ngunit tinatawag pa rin niya itong ate dahil nauna ito ng ilang minuto sa kanya. At bilang nakatatandang kapatid ay inaalagaan siya nitong maigi at ito ang tumatayong magulang niya kapag wala ang kanyang mga magulang. Kaya hayun ito, inilagay siya nito sa likuran upang protektahan sa kung anumang mangyayari ng oras na iyon.

"Ang init dito, ate," angal niya at pinahid ang pawis sa noo. Pinilit niyang sumilip upang makita kung bakit ito natulala. Mas matangkad din kasi ito sa kanya. Alam niyang may sunog pero hindi niya iyon ganap na makita dahil tinakpan nito ang lahat.

"Shh..." saway nito at napatingin siya rito. Napakunot ang noo niya nang maramdaman ang panginginig ng kamay nitong nakahawak sa kanyang kamay.

"Ate—"

"May sumalakay..." anas nito at bigla siyang hinarap saka tinitigang maigi. Namumutla na ito ngunit nakikita niya ang matinding determinasyon sa mukha nito. Napalunok siya. "Kahit na ano'ng mangyari, dito ka lang. Hintayin mo ako," mahigpit nitong bilin at iniupo siya sa likod ng malaking puno.

"Pero Ate—"

"Hahanapin ko sina ina. Sige na. Makinig ka sa akin," anito. Punung-puno ng kumbiksyon ang mukha nito at napatango na lamang siya. Ganoon ito kapag hindi niya ito pwedeng suwayin. Parang nagiging katono ng boses nito ang kanilang ama kapag gusto nitong masunod. "Babalik agad ako,"

Tumango siya at naupong muli. Napatingin siya sa kapaligiran at damang-dama niya ang takot ng sandaling iyon. Nagiisa siya at dinig ang ingay sa kapaligiran. Nakakabingi ang mga panaghoy. Ang mga tunog ng tila mababangis na hayop at sigaw ng mga nagmamakaawang tao.

"Hanapin niyo ang itim na santa! Nandito lang siya!"

Napasiksik siya sa puno nang marinig ang malakas na boses. May halong bagsik iyon na tila nagmumula sa isang mapanganib na hayop. Bigla siyang nangatog sa takot at agad na hinanap ng katawan niya ang presensya ng nakatatandang kapatid.

Kumakabog na ang puso niya ng sandaling marinig ang mga yabag na tila papalapit sa kanyang lugar. Nahigit niya ang hininga at pinagpawisan. Pakiramdam niya ay nanganganib siya kahit pa sabihin wala naman siyang alam na ginawang masama. Mariin niyang ipinikit ang kanyang mga mata. Pakiramdam niya, sa ganoong paraan ay hindi siya nito makikita...

"Nakita ko na ang itim na santa, Diego! Magmadali ka!"

Napaigtad siya nang makarinig ng panibagong pagsigaw. Humigpit ang kanyang dibdib kakahintay sa susunod na mangyayari ngunit ng maramdaman ang papalayong yabag ay hinang napasandal siya sa malaking puno. Lihim siyang nagpasalamat sa diyos dahil hindi siya nakita ng kunsinumang iyon.

"A-ang ate ko!" bigla niyang anas at napatayo. Saglit na nagtalo ang kanyang kalooban kung pupuntahan ito o hindi dahil sa tuwing kikilos siya paalis ng punong iyon ay bigla niyang maaalala ang bilin nito.

Napakagat siya sa kuko at litong napatingin sa malaking sunog. Sa pagkakataong iyon, halos lahat ng kubo sa nayon nila ay nilalamon na ng apoy. May mga kalalakihang nakasakay ng kabayo na iniikot ang buong lugar at panay ang hagis ng mga apoy para tuluyan iyong tupukin.

Doon na siya hindi mapakali at lakas loob na nilisan ang puno. Kailangang makita ang ate niya at mga magulang. Kailangan makasama niya ang mga ito para hindi na sila magkahiwa-hiwalay pa.

Papuslit-puslit siyang sumuong sa buong nayon. Pawisan na siya bagaman pagabi na dahil sa init na nagmumula sa mga kubo. Gayunman, hindi iyon naging hadlang bagkus, pinanghawakan niya ang matinding kagustuhang makita ang mga kaanak ng sandaling iyon. Hindi siya maaaring magisa. Napakabata pa niya para doon.

Nang may dumaang isang kabayo na may sakay na malaking taong may peklat sa kanang pisngi ay agad siyang nagkubli sa tabi nang malaking sisidlan ng tubig. Todo-kabog ang kanyang puso nang huminto iyon sa hindi kalayuan at tinapunan nang tingin ang kanyang pinagkukublihan. Nanalangin siyang sana'y umalis na ito. Dumating na sa puntong nasa ngalangala na niya ang puso at hirap na hirap na siyang huminga.

"Kamahalan, nakatali na ang itim na santa,"

Napasilip siya nang marinig ang tinig na iyon. Sa pagkakataong iyon, nakaharap na ang lalaking may peklat sa isang kawal at bumaba ito ng kabayo. Hindi na siya nito muling tinapunan ng pansin bagkus, natuon na ang atensyon nito sa taong tinatawag nitong santa.

Napalunok siya at lakas-loob na sinundan ang mga ito hanggang sa tumambad sa kanya ang ilang taong nayong nakapila. Nakaluhod ang mga ito at nakatali ang mga kamay. Nakapiring ang mga mata at halatado ang takot sa mga mukha.

Naiyak siya nang makita ang kanyang mga magulang. May sugat sa bibig ang kanyang ama at panay ang iyak ng kanyang ina sa tabi nito. Sinakmal nang matinding takot ang kanyang puso sa nakikita at sa batang edad, nauunawaan niya ang maaaring maganap ng sandaling iyon.

"Nasaan dito ang itim na santa?" anang malagom na tinig. Buo iyon at may halong gaspang. Tinig pa lang ay tumatayo na ang kanyang balahibo. Sa gitna ng ingay at kaguluhan, nanatiling pumaimbabaw ang mabagsik nitong tono.

Nang tumayo ang itim na santang tinutukoy nito at natulala siya. Ang ate Sayah niya ang tinutukoy ng mga ito at labis siyang nagtaka. Wala siyang matandaan na tinawag itong itim na santa at mas lalong wala siyang nakitang dahilan para tagurian itong ganoon. Para sa kanya, isa lamang itong simpleng anak at napakabait na kapatid. Wala siyang nakitang kakaiba dito.

Gayunman, kung anumang tanong ang naglalaro sa isip niya ay bigla ring naglaho dahil sa mga sumunod na pangyayari. Wala awang pinugutan ang kanyang kapatid gamit ang isang napakahaba at matulis na itak nang lalaking sakay ng kabayo lamang kanina. Ang lalaking mayroong malaking peklat sa kanang pisngi at nagmamay-ari nang malagom na tinig.

Isang malakas na tili ang kumawala sa kanyang lalamunan.



***


ANNOUNCEMENT!!!

you can also purchase the edited version in Precious Pages ebookstore. the link is posted on comment section. <3


YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA)  BOOK 1: SYMLA, ANG ITIM NA SANTAWhere stories live. Discover now