3.3 SALAMAT PERO--

492 32 0
                                    

"Mukhang gusto mo na naman akong makita," biro ni Amado kay Symla. Napalunok siya at pilit na inignora ang pagtalon ng puso niya. Madalas pa rin siya nitong tudyuhin at dahil napipikon siya rito ay pinalalabas niya ito ng yungib. Hindi niya matagalan ang mga biro nito dahil nadadala siya. Gayunman, sa kabila noon ay napapansin niya ang kakaibang pananahimik nito sa tuwing nagiisa kaya hayun siya, nilapitan ito para malaman ang lahat.

Magmula ng dumating ito buhat sa kung saan ay ganoon na ito. May mga pagkakataong nahuhuli niya itong tila nagiisip ng malalim. At habang pinagmamasdan niya ito ay napansin niyang guwapo talaga ito sa kahit na anong anggulo. Kapag nakangisi ito ay mukha itong harot. Kapag tahimik ito ay napakamisteryosong tingnan at kapag ngumingiti ito na walang halong kapilyuhan ay nakikita niya ang isang Amado na kaibig-ibig.

Naipilig niya ang ulo. Isa itong lobo at hindi niya dapat iniisip na kaibig-ibig ito. Hindi niya maaaring hangaan ang lobong papatay sa kanya pagdating ng araw.

"Gusto ko lang naman magpasalamat sa pagligtas mo sa akin at gumawa ka ng paraan para gumaling ako. Utang ko pa rin sa'yo 'yon pero hindi ibig sabihin, p'wede mo na akong yabangan." Mataray na asik niya rito. Hindi pa siya nakakapagpasalamat dito at sa tuwing tatangkain naman kasi niya ay ganoon ito. Binibigyan nito ng kahulugan ang paglapit niya rito at hayun naman siya, napipikon dahil aminadong tinatamaan siya sa pasaring nito.

Napahalakhak ito at hindi niya mapigilang pagmasdan ito. Kapag ganoon si Amado ay parang wala itong problema. Napakaaliwalas ng mukha nito na tila kay sarap na pagmasdan. "Nagpapasalamat sa masungit na paraan. Ano pa ba ang aasahan ko sa isang masungit na santa?"

Namula ang mukha niya at nanggalaiti. "Hindi na kita kakausapin. Napakayabang mo!" asik niya at naiinis na pumasok sa yungib. Nagpupuyos ang kalooban niya hanggang sa napabuga ng hangin. Ano bang nangyayari sa kanya? Nagiging sensitibo naman yata siya pagdating kay Amado.

Napahinga siya ng malalim upang pakalmahin ang damdamin. Kaya kahit na madama niya ang pagpasok ni Amado ay hindi na lamang niya ito pinansin. Pihadong mauubos lamang ang pasensya niya rito.

"Itim na santa," untag nito pero hindi niya ito tiningnan. Naiinis pa rin siya rito. Siya na nga ang lumapit, iinisin pa siya? Napahinga na naman siya ng malalim hanggang sa narinig niya ang marahan nitong pagtawa. "Napipikon ka naman agad."

Gusto niya itong paulanin ng salita ngunit hindi na lamang niya ginawa. Baka kung saan pa mauwi iyon at maubos lang ang pasensya niya rito. Nang wala itong makuhang sagot mula sa kanya ay tumabi ito sa kanya. Bumilis na naman ang tibok ng puso niya. Nagtataka siya sa sarili. Hindi niya maunawaan kung bakit nagkakaganoon siya sa tuwing nagkakalapit sila nito.

"Nananahimik na ako, p'wede ba?"

Itinaas nito ang dalawang kamay tanda ng pagsuko nito. "Titigil na ako basta... ngumiti ka naman."

Umingos siya. Bakit niya ito ngingitian? Pagkatapos siya nitong inisin, saka naman ito hihirit ng ngiti?

"Sige na. Pasensya ka na sa mga nasasabi ko. Nagbabakasakali lang naman ako na mapangiti kita. Magmula ng magkakilala tayo, ni hindi mo man lang ako nginingitian. Maski pangalan mo, pinagdadamot mo sa akin,"

Napahinga siya ng malalim. "S-symla ang pangalan ko," aniya. Ayaw na rin naman niyang tinatawag siya ng itim na santa nito. Parang lalong idinidiin ang kanyang obligasyon sa kanilang angkan. Bagaman tanggap naman niya iyon ay mayroon pa rin naman talaga siyang pangalan na dapat nitong itawag sa kanya.

"Symla..." anas nito at napahinga siya ng malalim. Hindi niya sukat akalaing masarap palang pakinggan ang pangalan niya kapag si Amado ang bumibigkas noon.

"A-Alam mo na ang pangalan ng bampirang papatayin mo," anas niya. Isang bagay iyon kaya siya naiinis. Papatayin siya nito ngunit kung umasta ito, inililigtas siya at tinutukso-tukso. At siya namang bihag ay nadadala, nakakaramdam ng kakaiba sa simpleng gawi nito.

"Dadating ang araw, malalaman mo rin ang lahat kung bakit kailangan kong gawin ito," matalinghagang saad nito.

Napatingin siya rito. Seryoso na itong nakatanaw sa malayo at tila nahulog na naman sa malalim na pagiisp. Gusto pa niya itong ulanin ng tanong pero hindi niya nagawa dahil dama niya sa pananahimik nitong hindi nito gustong pagusapan iyon.

Napabuntong hininga na lamang siya dahil nakadama siya ng kahungkagan sa ideyang iyon.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA)  BOOK 1: SYMLA, ANG ITIM NA SANTATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon