15.3 ANG YGNACIA ESCONDIDO

403 17 0
                                    

"Malapit na tayo, Symla." anas ni Amado at napatingin siya sa harapan.

Nanikip ang kanyang dibdib ng unti-unting maging malinaw sa kanya ang kastilyong sinasabi nito. Kulay puti iyon at tila isang maliit na mundo ang nasa loob noon. Mayroon iyong napakalawak na hardin na halos hindi masukat ng kanyang paningin sa sobrang laki!

"Ang ganda..." hangang-hanga anas niya. Para iyong maliit na Madrid. Malinis at sariwa ang mga puno at halamang nakapalibot sa buong kastilyo. Napakalawak noon at ang mga tore na nabanggit ay halos hindi na niya matanaw sa sobrang layo noon. Walang bakod iyon at ang nagsisilbing harang na tila isang kulambo ang proteksyon mula sa labas. Ilang kilometro ang layo ng hardin sa harang.

Habang papalapit siya ay napansin niyang mayroon din siyang nakikitang maliit na talon sa kaliwang panig na tila regalo ng kalikasan. Halatadong hindi iyon inihulma ng isang tao at natural na lamang nandoon iyon. May mga gazebo rin sa hindi kalayuan at napapaligiran din iyon ng bulaklak. Nalulula na siya sa tila paraisong iyon, ni hindi pa niya iyon ganap na nakikita ng buo. Sa lawak noon ay siguradong aabuting siya ng buong araw sa paglalakad!

Habang pinagmamasdan niya iyon, pakiramdam niya ay isang mundo ang nasa loob ng harang. Langit para sa mga bampirang tulad nila dahil sa kapayapaan. Doon ay magiging malaya sila at walang ibang iniisip na aatake sa kanila. Mananatiling nakakulong sila doon at hindi man lang madaramang nakakulong sila.

Naipaliwanag na ni Amado sa kanya ang lahat. Hindi iyon makikita ng mga lobo. Ito lamang ang nagiisang lobong maaaring makakita noon dahil ito ang may likha ng Ygnacia Escandido.Habang nasa loob daw ang mga bampira ay walang ibang maaaring makakita, makakaamoy at makakarinig sa mga ito kahit pa na anong uri ng nilalang.

"Natutuwa ako at nagustuhan mo," nakangiting anas nito at nagulat na lamang siya ng isuot nito ang isang singsing sa daliri niya. Kulay ginto iyon na mayroong malaking bato sa gitna. Gulat na napatingin siya rito at natawa ito. "Pumayag ka ng pakasal sa akin kaya dapat lang na isuot mo 'yan. Tanda na akin ka lamang..."

Naluluhang napangiti siya rito at agad itong siniil ng halik. Saktong tumagos na sila nito sa harang at kahit huminto na ang kabayo ay wala pa rin sila nitong pakialam. Magkasanib pa rin ang kanilang mga labi at halos hindi na niya gustong mahiwalay rito.

Napaigtad na lamang sila ng makarinig ng malalakas na pagbayo sa harang. Agad silang naghiwalay ni Amado at labis siyang namangha sa kanyang nakikita.

Ilang beses na binabangga ang harang ng sandamakmak na lobo ngunit tumatalbog lamang ang mga ito. Hanggang sa nakita niyang bumaba ng kabayo ang ama ni Amado. Nakatitig lamang siya sa mukha nito na gahibla na lamang ang layo sa kanya. Ni hindi na niya namalayang nakalapit na siya sa harang.

"Amado! Lumabas ka! Alam kong nasa loob lang kayo!" sigaw nito at inilabas ang espada. Panay ang ginawa nitong pagbayo sa harang. Galit na galit at habang pinagmamasdan niya ito ay nakaramda siya ng kakaibang habag para rito.

Kawawa ang hari ng mga lobo. Walang natitira sa puso nito kundi paghihiganti at galit. Wala ng pagmamahal sa loob ng puso nito at nalungkot siya para kay Amado. Nagkaroon ito ng ama na kahit kailan ay hindi na ito mamahalin pa.

"Amado..." mahinang anas niya ng makitang titig na titig din ito sa ama nito.

Napalunok siya ng makita ang matinding kalungkutan doon. "Ama ko pa rin siya..." mahinang saad nito at napahinga ng malalim. "Pero wala na akong magawa para mabago pa siya."

"Amado..."

Tumaas-baba ang dibdib nito hanggang sa malungkot na napatingin sa kanya. "Naaawa ako sa kanya pero... alam kong siya lang ang makakatulong sa sarili niya." mapait nitong saad.

Hinawakan niya ang palad ni Amado saka pinisil. Pinadama niya kay Amado na nasa tabi lang niya ito... na mayroon pang nagiisang babaeng mamahalin ito sa kabila ng lahat.

"Tara?" anas nito saka napahinga ng malalim. "Aalis din ang mga 'yan kapag nakita na nilang walang ibang paraan para makapasok dito."

Muli siyang napatingin sa nagwawalang ama nito at napahinga ng malalim. Tama si Amado. Ginawa naman ni Amado ang lahat ngunit sadyang marahil hindi iyon ang kailangan ng ama nito kundi ang matuto itong magpatawad at matanggap ang lahat ng nangyari.

Napatango siya at magkahawak ang kamay nilang iniwan ang ama nito. Sabay sila nitong pumasok sa malaking kastilyong iyon at napangiti siya ng halikan ni Amado ang palad niya. "Mahal kita," anas nito.

Naginit ang puso niya sa masuyong anas nito. Naluluhang natawa siya rito. "Halatado Amado... halatadong-halatado..."

Hindi na nila nagawa pang makaalis sa pintong iyon dahil agad na siya nitong isinandal sa pader at hinalikan ng buong alab. Tinugon niya iyon at damang-dama niya na wala na siyang mahihiling pa. Ibinigay ni Amado ang Ygnacia Escandido, ang kapayapaan para sa mga bampira at katumbas noon ay kung gaano siya kahalaga dito. Isang lobo na yumukod sa isang bampira at isang bampirang tinanggap ang lobo ng hindi na nito kailangan pang yumukod...

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA)  BOOK 1: SYMLA, ANG ITIM NA SANTAWhere stories live. Discover now