4.1 ANG PLANO

446 24 0
                                    

"Saan ka kumuha ng kabayo?" takang tanong ni Symla kay Amado habang abala ito sa pagaayos sa kabayong kulay itim para magamit nila. Ilang araw itong nanatili sa labas ng yungib upang magbantay samantalang inaamag siya sa loob dahil wala naman siyang makausap. Naging tahimik ito matapos ang kanilang paguusap ilang araw ng nakararaan. Ang tanging ginawa lamang niya ay umawit ng mahina para malibang.

Hindi na siya nagtangka pang makipagusap dito dahil na rin sa kalamigan nito. Madalas niya itong makitang nagiisip ng malalim at hindi niya mapigilan ang sariling titigan ito. Minsan ay nanalangin siyang sana sa pagiisip nito'y mayroon itong maalalang makakapagpangiti rito ngunit bigo siya. Sa paglipas ng mga araw ay hinahanap niya ang mga ngisi nito. Parang hindi kasi siya sanay na makita itong ganoon kaseryoso. Napakahirap kasi nitong lapitan kapag ganoon.

"Symla—"

"Amado—,"

Agad siyang napayuko ng magkasabay sila nitong magsalita. Bigla siyang nailang na hindi niya maintindihan. Natigil ito sa pagayos ng kabayo at napaharap sa kanya. Napalunok siya. Bagaman nawala ang gatla nito sa noo ay nakaramdam pa rin siya ng kaba sa tiim ng titig nito. Nagbago ang kulay ng mga mata nito. Lalong tumingkad iyon. Gusto niya itong suwayin sa pagtitig nito. Lalo siyang nagiging alumpihit tuloy at parang nakikiliti ang gulugod niya.

"Bumaba ako ng kapatagan kaninang madaling araw. Kinuha ko ito ng malingat sila," simpleng paliwanag nito. "Kailangan na nating umalis. Narinig kong susuyurin nila ang kabundukan,"

Nabigla siya sa narinig at agad itong nilapitan. "Susugod na sila sa amin?"

Kinabahan siya. Agad siyang nanalangin na sana'y nakalikas na ang mga magulang niya. Sana'y nasa mabuting kalagayan ang mga ito. Mahigpit niyang pinagsalikop ang mga palad dahil sa labis na pagaalala. Alam niyang malulupit ang mga lobo at sana'y mayroon siyang magagawa para doon.

Napasinghap na lamang siya ng hawakan ni Amado ang kamay niya at hinigit siya palapit. Bahagya siyang napasubsob sa dibdib nito. Agad napuno ng mabining amoy nito ang ilong niya. Sa lahat ng lobo, ito ang pinakagusto niya ang amoy. Hindi iyon mabaho bagkus, may kakaibang kiliti iyon sa pangamoy niya. Dahil sa kabila noon ay nananaig ang personal nitong amoy. Malinis at lalaking-lalaki ang dating.

"Dito ang tumbok nila para hanapin ka. Narinig kong usap-usapan iyon. Huwag kang magalala. Poprotektahan kita."

Nalungkot pa rin siya. Alam niyang kaya lamang nito gagawin iyon ay dahil kailangan siya nito sa mga plano nito. Kapag nakuha na nito ang gusto ay ito rin ang papatay sa kanya. Sinubukan niyang kumawala rito ngunit nagulat na lamang siya ng yakapin pa siya nito ng mahigpit.

"Kakalabanin mo ang angkan mo para lang sa plano mo?" diretsang tanong niya rito.

Inilayo siya nito at pinakatitigan sa mga mata. "Oo. Kung sa ganoon ko makukuha ang gusto ko, gagawin ko. At habang kasama mo ako, hindi ko hahayaang makanti nila ni dulo ng buhok mo," seryosong sagot nito.

Pumitlag ang puso niya. Pinakatitigan niya ito at napalunok siya. Seryoso talaga ito. Hindi ito mangingimi base sa nakikitang determinasyon nito at napatunayan na nito ang bagay na iyon sa kanya ng maraming beses. "A-ano ba talaga ang gusto mo?" lakas-loob na tanong niya rito.

"Gusto kong maging hari ng mga lobo," seryosong sagot nito. Walang kakurap-kurap at punong-puno ng determinasyon.

Nabigla siya sa sinabi nito. Napakurapkurap siya. Alam niyang wala siya sa posisyong kuwestyunin ito pero labis na naantig ang kuryusidad niya. "P-pero malakas pa naman ang ama mo. Bakit iyon ang gusto mong hilingin? Alam mong hindi niya ibibigay sa'yo ang trono ng ganoon na lang,"

Tumingin ito sa malayo at napahinga ng malalim. "Ibibigay niya... dahil hawak kita. Binigyan ko siya ng dalawang linggo para makapagisip. Babalik ako doon pagkatapos kitang ilipat at sa pagkakataong iyon, huwag kang aalis. Hintayin mo ako,"

Napalunok siya. Napakurap-kurap siya dahil sa pamamasa ng mga mata. Nalalapit na pala ang kamatayan niya sa mga kamay nito. Gusto niyang magalit dito ngunit hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit hindi na niya magawa. Parang may nagbubulong sa kanya na sundin ito, na parang mayroon pa siyang dapat na malaman sa lahat ng plano nito. Kaya hayun siya, nananatili sa mga bisig nito habang hinihintay nito ang sagot niya.

"Ipaliliwanag ko ang lahat sa'yo. May isang bagay lang akong kailangang matiyak." Anito saka siya hinawakan sa magkabilang pisngi. Doon niya napagtantong masarap palang damhin ang init nito sa pisngi niya. Nakakatunaw iyon ng kalamigan ng kanyang puso. "Symla, makakaasa ba ako?"

Saglit na nagtalo ang kanyang isip. Dapat ay hindi siya nagtitiwala rito. Dapat ay tinatakasan niya ito. Pero alam niyang kahit na gawin niya iyon ay mahahanap siya nito. At dama niyang kahit hindi sangayon ang isip niya, gusto ng puso niyang pagkatiwalaan ito. Marahil, dahil sa maraming beses na sinagip nito ang buhay niya kaya siya nagkakaganoon ngayon. Sa huli'y tumango siya rito sa kabila ng matinding babala sa isip niya. Nakinig siya sa kagustuhang alamin ang lahat ng plano nito.

Kumislap ang mga mata nito sa kasiyahan. Naginit ang puso niya dahil aaminin niya, nagustuhan niya ang nakitang reaksyon nito. Kumabog muli ang puso niya dahil doon hanggang sa kinalma niya ang sarili at napabuntong hininga. Lihim niyang sinuway ang sarili dahil doon.

Nang pasakayin na siya nito sa kabayo ay agad siya nitong tinakpan ng kapa. Ang belong itim niya ay maayos din nitong niligay sa kanyang ulo. Siniguro muna nitong nasa maayos siyang kalagayan bago nito pinasibad ang kabayo.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA)  BOOK 1: SYMLA, ANG ITIM NA SANTATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon