12.2 ANG TRAYDOR

329 16 0
                                    

"Maghanda ka. Tatakas tayo. Magtagpo tayo sa kuwadra ng mga kabayo. Huwag kang magpapahalata sa gagawin natin." Anito saka siya binigyan ng susi. "Kapag nadaanan mo ang malaking mural sa mahabang pasilyo, may mapapansin kang itim na bilog sa parteng mata ng leon. Ito ang susi niya. Isang lihim na lagusan iyon palabas ng mansyon. Ang tutumbukin noon ay ang daan papuntang kuwadra. Maghihintay ako sa'yo,"

Sunud-sunod ang kanyang naging pagtango at isinaulo ang lahat ng bilin nito. Muli siyang nagpasalamat dito hanggang sa magpaalam ito sa kanya. Sinalakay ng matinding pananabik ang puso niya. Makikita na niya si Amado! Bagama wala siyang ideya kung saan ito hahanapin ay hindi na niya iyon alintana. Mahalagang makatakas siya at hahanapin niya ito.

Hanggang sa sumapit ang oras ay ganoon siya. Lihim na naaligaga at natuturete. Gayunman, hindi niya pinahalatang mayroong siyang balak. Matapos siyang ayusan ay muli siyang sinilip ng doktor. Panay ang sermon nito sa kanya ngunit nanatiling tikom ang kanyang bibig.

Naunang nagtungo ang mga ito sa bulwagan ng mansyon at sumunod sila rito. Isang itim na pangkasal ang suot niya. Itim din ang kanyang belo at may hawak din siyang itim na rosas. Huli siya sa mga naglalakad palabas ng pasilyo hanggang sa nahagip ng kanyang tingin ang sinasabi ni Teves. Nang makaliko na ang mga kasamahan niya ay agad niyang pinuntahan ang mata ng leon at binuksan iyon gamit ang susi.

Nagliwanag ang kanyang mukha ng magbukas iyon at kabadong pumasok. Mabilis niyang sinara iyon, taas-baba ang kanyang dibdib sa labis na takot at pananabik. Mabilis niyang tinalunton ang mahabang hagdan kesehodang madilim. Nakakaaninag pa rin naman siya sa kabila ng lahat dahil isa pa rin siyang bampira.

Nang makakita siya ng bahagyang liwanag sa duluhan ay bumilis ang kanyang lakad. Nang makarating siya doon ay agad siyang sinalubong ng malamig na hangin. Napapikit siya at pumatak ang ilang luha mula sa kanyang mga mata. Luha ng kalayaan... ng labis na pagmamahal niya kay Amado.

Hindi matatawaran ang labis niyang saya ng sandaling iyon at doon niya napagtanto na kahit kailan ay hindi niya pagsisisihang si Amado ang pinili niya. Na pinili niyang maging masaya... makuntento sa piling nito dahil si Amado ay katumbas ng kanyang buhay...kaligayahan at pagmamahal.

"Symla!"

Agad siyang napalingon sa kanan ng marinig ang marahas na anas na iyon. Agad niyang naaninag si Teves at lumapit dito. Taas-baba ang kanyang dibdib sa labis na antisipisyon. Walang sali-salita, agad siya nitong isinakay sa kabayo at sumakay rin ito sa likuran niya. Pinatakbo na nito ang kabayo. Bago sila makalabas sa arko ay napansin niyang tahimik doon na tila walang bantay na haharang sa kanila.

"Nasaan ang mga rumoronda?" takang tanong niya rito.

"Pinatulog ko." simpleng paliwanag nito at napatango siya rito. Halatadong planado nito ang lahat at nakuntento na siya. Muli siyang tumahimik. Hindi na niya alam kung ilang minuto na silang ganoon hanggang sa tila binundol ang kaba niya sa naamoy. Papalapit na papalit ang naamoy niyang grupo ng mga lobo. Kung nagiisa lamang na lobo iyon ay hindi niya marahil mamamalayan iyon. Ngunit dahil sa dami noon ay sigurado siya. Halos umaalingasaw na iyon sa kanyang pangaamoy.

"S-saan tayo pupunta?" kabadong tanong niya kay Teves at nilingon niya ito.

Sa likod ng kanyang belo ay nakita niyang ngumisi ito. "Sa huling hantungan mo, Symla."

Halos mayanig siya sa narinig at hinagilap dito kung nagbibiro lamang ito. Ngunit gayun na lamang ang panghihilakbot niya ng magbago ito ng anyo: ang dating mala-kape nitong kulay ay unti-unting naging maputi. Ang may kalakihang katawan nito ay tila lumiit. Pumayat ito na tila sa isang lampa ngunit dama niyang hindi ito basta-basta na bampira...

"D-drigo?" kabadong paniniyak ni Symla.

Lumuwang ang ngisi nito at sa isang iglap, nabalutan na siya nito ng pilak na kadena na hindi na niya napansin kung saan nito hinugot. "Ako nga at wala ng iba pa. Drigo, ang nagiisang anak ng hunyango na naging bampira dahil sa'yo," anito saka nanlisik ang mga mata nito sa galit. Gigil na sinikipan nito ang kadena, dahilan upang mapahiyaw siya at makaramdam ng kakaibang panghihina. "Kasalanan mo ito. Dahil sa'yo, namatay ang lahat ng kamaganak ko dahil sa peste sa hangin noon sa Madrid. Matagal ko ng ibinebenta ang mga bampira dahil galit na galit ako sa kanila."

"D-drigo..." hindi makapaniwalang anas ni Symla.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA)  BOOK 1: SYMLA, ANG ITIM NA SANTATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon