3.1 ANG BIHAG

516 25 0
                                    

"DITO ka lang. Hindi mo ako matatakasan kahit pa gawin mo. Alam ko ang amoy mo at kahit saan ka magpunta, mahahanap pa rin kita," ani Amado kay Symla. Hindi siya nito kinibo at alam niyang napipikon naman ito sa kanya. Nasa loob sila ng isang yungib sa bundok Gonzales at sa pagputok ng araw ay bababa siya ng kapatagan upang kausapin ang kanyang ama.

Hindi niya mapigilang mamangha rito. May katarayan ang babaeng bampira. Gayunman, hindi iyon nakabawas sa kagandahan nito at hindi niya inaasahang ganito ito kaganda. Napakainosente ng mukha nito. Malaporselana ang kutis nito. Maliit ang mukha nito na mayroong mapupungay na mga mata. Makakapal ang pilik nito at ang kulay pulang mga mata nito ay sadyang kakaiba ang dating sa tuwing tititigan niya. Marami na siyang nakitang ganoong kulay ng mata dahil iyon naman ang tatak ng isang bampira. Gayunman, dama niyang mayroong naiiba doon. Parang nawawala siya sa sariling tino ng isip at nauuwi na lamang siya sa panunudyo rito.

Kapag tutudyuhin niya ito ay ang sarap titigan ng mga mata nito. Lalong tumitingkad ang pula noon na nakapagpamangha sa kanya. Marahil, hindi niya inaasahang kakikitaan ito ng emosyon. Maging ang maliit at matangos na ilong nito. Ang labi nitong bahagyang namumutla ay mayroong din kakaibang panghalina sa kanya. Hindi niya maiwasang mapatitig doon at sa huli'y sinusuway niya ang sarili.

Isa itong bampira na kahit kailan ay hindi niya maaaring makatagpo. Marahil, natutuwa lamang siya dahil hindi niya inaasahan ang mga natutuklasan niya. Kakaiba ang amoy nito at gustong-gusto niya iyon. May bahid ng pagiging bampira ngunit nandoon ang tamis, ang kakaibang halimuyak ng isang bulaklak na tila personal nitong amoy. Marami na siyang naamoy na babae sa edad niyang iyon. Imortal man, nanatiling treinta ang kanyang itsura. Iba-ibang lahi, iba-ibang mukha pero nagbubukod tangi ang sa babae.

Lihim siyang napabuntong hininga ng ingusan siya nito. Ni hindi nito sinasabi ang pangalan nito sa kanya. Hindi niya ito masisisi. Natural na malayo ang loob nito sa kanya dahil isa siyang lobo. Gayunman, mayroon pa rin siyang sariling prinsipyo na hindi maaaring maintindihan na kahit sino.

Kahit pa ng bampirang ito.

"Ano'ng pangalan mo?" untag niya rito.

Umingos ito at hindi niya mapigilang mamangha. Wala pang babaeng nangahas na sungitan si Amado Estacion. Isang ngiti lang niya, nakukuha niya agad ang isang babae. Pero sadyang iba ito. Ang sarap nitong halikan sa totoo lang. Ito ang tipo ng babaeng gustong-gusto niya. Masungit at siya naman, aalisin ang kasungitan nito sa pamamagitan ng kanyang lambing.

Bahagyang namula ang pisngi nito at napatitig siya sa makinis nitong leeg dahil nakapaling ito sa ibang direksyon. Doon niya napansin ang maliit na pagpintig doon. Lalo siyang namangha sa natuklasan. Isang bampirang may pulso? Paano'ng nangyari iyon?

Ah... tulad na lamang ng natuklasan niyang maaari itong magka-anak. Mukhang maging ang katawan nito ay sadyang kakaiba rin. Parang hating-buhay ito para makapagsilang ng isang supling. Maaari rin kaya itong magsilang ng isang anak ng lobo?

Hoy! Ano'ng iniisp mo? Aanakan mo siya? Mabuti kung mabuhay ang bata? Paano kung ang babaeng bampira ang mamatay?

Agad niyang ipinilig ang ulo sa takbo ng isip. Ano-ano nga naman ang naiisip niya. Nahihiwagaan lang siya at naaaliw sa natuklasan, ang laki na agad ng tinatakbo ng kanyang isip. Napailing na lamang siya sa sarili.

Tumikhim siya. "Amado ang pangalan ko,"

Doon ito inis na napaharap sa kanya at tiningnan siya mula ulo hanggang paa. "Ikaw ang suwail na anak ng hari ng mga lobo?"

Natawa siya. Mukhang matunog na ang pangalan niya sa masungit na bampira. "Oo, ako nga. Mukhang kilalang-kilala mo ako," aniya saka napangisi. Hindi niya alam kung bakit nakaramdam siya ng kakaibang kasiyahan dahil kilala siya nito maski sa pangalan lang.

Iyon ang bansag sa kanya dahil sa pagiging rebelde niya sa ama. Sanay na siya sa taguring iyon. Hindi na niya itinama iyon dahil alam niyang wala din namang makikinig sa kanya. Ni ang ama niya ay hindi siya pinakinggan.

Umasim ang mukha nito at umingos. "Kilala ng kahit na sinong bampira ang tatay mo. Natural na maging ang anak ay makilala rin."

Tumaas ang isang sulok ng kanyang labi. "Kilala mo na ako, sabihin mo na sa akin ang pangalan mo,"

Hindi ito kumibo. Nanatili lamang itong nakapaling sa kabilang direksyon, tigas ang leeg nitong huwag siyang lingunin. "Ayoko. Pinatay ninyo ang mga kaibigan ko kaya huwag mong aasahang makuha ang pangalan ko,"

Biglang bumigat ang pakiramdam niya ng maramdaman ang sama ng loob sa boses nito. Bumilis ang paghinga nito, maging ang pagtaas-baba ng balikat nito.

Napabuntong hininga siya at hinawakan ang magkabilang balikat nito. Muli, nagtaka siya dahil hindi nakakapaso ang kalamigan nito hindi katulad ng ibang bampira na malamig na nga, matigas pa. Ito ay bahagya lamang at alam niyang malambot din ang katawan nito dahil binuhat na niya ito. "Ikinalulungkot ko ang nangyari,"

Gumalaw ito na tila pinahid ang mata nito saka napabuntong hininga. Gayunman, totoong hindi niya ginusto iyon. Kung alam lang nito, lihim siyang nagsisisi na nahuli siya ng dating. Ang plano niya ay kukuhanin lamang ang babae ng hindi na namamatay pa ang mga kasamahan nito.

Pero nahuli siya ng dating at iyon na ang nadatnan. Umiba kasi siya ng dinaanan para hindi siya matunugan ng mga kapwa lobo. Pero mukhang hindi nag-aksaya ng sandali ang ama niya dahil agad na itong nagpadala ng mga lobo at naunahan siya. Muli siyang napatitig dito napansin niyang tangan pa rin nito ang kanang tadyang. "Masakit pa ba?"

Tumango ito at napahinga siya ng malalim. Sa kabila ng lahat ay hindi niya mapigilang magalala rito. Hindi niya maunawaan ang sarili dahil doon. Muli niya itong pinagmasdan at doon niya napagtanto na hindi siya makakampante na hayaan lang itong ganoon. Marahil, bilang isang lalaking maginoo ay hindi niya hahayaang may mangyari sa isang babaeng kasama niya. Kargo pa rin niya ito at bilang lalaki ay tungkulin niyang huwag itong mapahamak.

Mukhang kailangan nitong uminom ng sariwang dugo para gumaling na ito ng lubusan. Kung normal na tao lang ito ay baka namatay na ito sa sakit. Gayunman, nagpapasalamat pa rin siya dahil natatagalan nito iyon. Tumayo siya upang magpaalam dito. "Maguumaga na. Huwag kang lalabas ng yungib. Babalik ako. May kakausapin lang ako,"

Napabuntong hinininga siya ng hindi na ito nagsalita pa. Napatingin siya sa sisidlan at nang makita ang pilak na kadena ay nagdalawang isip siyang gamitin iyon sa bampira. Sa huli ay ibinalik na lamang niya iyon sa sisidlan. Hindi naman siguro ito basta-basta aalis dahil alam nitong nanganganib ang buhay nito. Isa pa'y alam niya ang epekto ng pilak na kadena dito. Baka manghina pa ito ng todo at ikamatay pa nito dahil sa pinsala nito sa tadyang.

Sa huli'y nagpasya na lamang siyang umalis. Mabilis na siyang lumabas ng yungib upang kausapin ang ama.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA)  BOOK 1: SYMLA, ANG ITIM NA SANTAWhere stories live. Discover now