13.3 PATAWAD...

358 17 0
                                    

"Balita ko may pumapatay na mabangis na hayop ngayon dito sa lugar natin," bulong ng isang maliit na lalaki sa kasama nitong kumakain. Napamasid si Amado sa dalawa. Kahit nasa kabilang daan siya ay dinig na dinig niya iyon.

Ilang araw na siyang nagpapaikot-ikot sa buong Cagayan. Doon ang lugar na sinabi ng hangin sa kanya at agad siyang nagtungo roon. Humahalimuyak ang amoy ni Symla doon ngunit hindi niya ito matyempuhan. Ilang araw na niya iyong ginagawa. Maging sa tirik na araw ay naghahanap siya dahil natuklasan niyang umaatake ito ng tao kahit may araw pa.

Marahil ay isa iyon sa naging pribilehiyo nito ng magbagong anyo ito. Hindi na ito tinatalaban ng araw. Mukhang lumakas pa ito sa pagkakataong iyon. Napahinga siya ng malalim at muling nagmasid.

"Iyon nga raw ang kinamatay noong kumpare ko. Naghiwalay lang kami sa pilapil noon, eh. Pero hindi na siya nakauwi ng araw na iyon. Natagpuan na lamang siyang walang buhay. Laslas ang lalamunan at tuyo ang dugo," anas din ng isang lalaki at takot na napailing. Dinig pa niya ang kabadong dibdib ng mga ito at sa isang iglap ay nakalapit na siya sa mga ito.

Gulat na napatanga ang dalawa sa kanya at tila balewalang naupo siya sa harapan ng mga ito. "Saan ang pilapil na tinutukoy mo?" walang abog na tanong niya.

Takang nagkatinginan ang mga ito hanggang sa tila wala sa sariling iniangat ng maliit na lalaki ang kamay nito at itinuro ang daan papuntang pilapil.

"Salamat," tanging saad lamang niya at naglakad palabas ng tindahan.

"S-sino ka?" habol na tanong ng isang lalaki ngunit hindi na siya sumagot. Mabilis niyang nilisan ang lugar at doon may ibinulong ang hangin sa kanya.

Agad siyang nagtungo sa isang yungib at nabigla siya ng makarinig ng malakas na tili buhat sa isang lalaki. Agad niyang inalis ang kapa at pumasok. Bumungad sa kanya ang isang lalaking pilit na kumakawala sa babaeng nakapatong dito. Isang malakas na pagsampal ang iginawad sa lalaki at natahimik ito.

"Huwag Symla!" sigaw niya at nagulat na lamang siya ng sa isang iglap ay hawak na siya nito sa leeg. Ni hindi niya ito nasundan ng tingin. Napalunok siya sa nakikitang anyo nito.

Tila mas lalo itong naging mapanganib. Wala na ang pait at galit sa awrang pumapalibot dito. Napalitan na iyon ng kulay abo na awra. Malungkot at pawang pagdadalamhati. Naririnig niya maging ang pighati nito sa puso. Ang galit nitong naghuhumiyaw sa kaloob-looban noon.

"Symla... nauunawaan kita. Argh—!" napahawak siya sa braso nito ng higpitan nito ang hawak sa kanyang leeg. Kaya niyang labanan ito pero hindi niya magawa. Baka kapag ginawa niya iyon ay mapatay niya ito at iyon ang hinding-hindi niya mapapayagan.

"Hindi mo ako naiintindihan! Wala ka noong pinatay ng tatay mo ang mga magulang ko! Wala ka noong walang awa silang pinugutan ng ulo! At 'yang kapangyarihan mo, bigay 'yan ng ate ko sa'yo! Hindi dapat napunta sa'yo 'yan! Ilabas mo at ibigay mo sa akin!" galit na saad nito at pinilit na pinaggagaramos ang sikmura niya.

Nagkabutas-butas ang damit niya hanggang sa mapasigaw siya ng madamang pinipilit nitong butasin ang katawan niya. Doon na siya hindi makapagtimpi dahil mamamatay siya kapag nagpatuloy ito. Sa isang maingat na paggalaw ay nilabanan niya ito. Sa paraang hindi ito masasaktan.

Gayunman ay nanlaban ito. Panay kalmot ang napala niya rito. Ilang beses itong nagtangkang kagatin siyang ngunit nakaiwas siya hanggang sa nagawa niya itong kubabawan. Mariin niyang hinawakan ang dalawang kamay nito at inilagay iyon sa ibabaw ng ulo nito. Ikinulong niya ang dalawang hita nito sa mga tuhod niya upang hindi ito makapiglas.

Taas baba ang dibdib nito sa galit. Marahas ang paghinga nito. Dama niya ang naglalagablab na ngitngit nito.

"Sige, gumaya ka sa ama mo. Lapain mo rin ako sa leeg. Durugin mo rin ang puso ko sa pamamagitan ng iyong pangil!" galit na asik nito sa kanya. Nagngangalit ang mga pangil nito.

Nalasahan niya ang pait ng galit nito. Napahinga siya ng malalim upang pagaanin ang pusong bumigat. "Symla, ikinalulungkot ko ang lahat." Sinsero at marahang saad niya rito. "Kahit kailan, hindi ko magagawa iyon sa'yo,"

"Hindi ko hihilinging patawarin mo siya dahil nauunawaan ko kung gaano kabigat ang ginawa niya sa'yo. Naiintindihan kita kung magalit ka sa kanya. Na sa iyo ang lahat ng karapatan Symla pero... hindi tamang magalit ka sa buong mundo," hirap niyang saad dito dahil naghihirap ang kalooban niya sa nakikitang galit nito. Kung maaari lamang ilipat iyon ay ginawa na niya dahil hindi madali para sa kanyang makita itong ganoon. Bumibigat din ang puso niya.

"Natupad ko na ang pangarap natin. Ang huling balita ko, nakarating na ang mga bampira sa Barlig. Hinihintay ka na lamang nila, Symla..." anas niya rito at nang madamang tila nanlambot na ito ay dahan-dahan niya itong binitawan.

Wala na rin ang pagtaas-baba ng dibdib nito ngunit nagbigla na lamang siya ng kumuha lang pala ito ng buwelo para hawiin siya. Agad niyang naagapan ang katawan na tumama sa matigas na haligi ng yungib at mabilis itong hinarangan sa pagtakas.

"Symla—"

"I-iwan mo na ako, A-amado. Sa tuwing nakikita kita... naalala ko ang tatay mo..." galit na saad nito sa kanya at lihim siyang napamura ng makitang basang-basa na ng luha ang mga pisngi nito. Napailing ito. "Kahit kailan... hindi na kita hahayaan hawakan ako. Hayaan mo na ako rito."

"Parang sinabi mo ring mamatay na lamang ako, Symla." naghihinanakit na saad niya rito. 

"Pagkatapos ng lahat ng mga plano natin? Pagkatapos na lang ng lahat ng pinagdaanan natin? Gusto mong hayaan na lang kita?"

Napatingin siya sa malayo at napakurapkurap ang kanyang mga mata. Kaunti na lang ay lalamunin na siya ng matinding sakit. Pakiramdam niya ay paulit-ulit na sinisipa ang kanyang sikmura sa lahat ng iyon.

"Amado—"

"Mamahalin kita, Symla. Hayaan mong ako ang gumamot ng sugat sa puso mo." Pakiusap niya rito. "Heto luluhod ako." Pakiusap niya rito at tumalima. "Yuyukod ang anak ng hari ng mga lobo para tanggapin mo. Alam kong mahirap ang makasama ako pero... mas gugustuhin mo bang bitawan na lang ako kaysa ang makasama ako?"

"Kahit saglit lang tayo nagkasama, totoo ang lahat ng nakita mo sa akin. Malayo ako sa lobong inaakala mo at patutunayan ko pa 'yan. Basta... basta tanggapin mo lang ako..." pakiusap niya at sa pagkakataong iyon ay basag na ang tinig niya.

Nakapanghihina talaga kapag hindi siya nito tinanggap. Gayunman, alam niyang hindi niya ito maaaring pilitin. Pero para sa kanya, hindi man siya nito pagbigyan ngayon ay gagawa pa rin siya ng paraan para matanggap nitong muli. Solido ang pagmamahal niya rito at hinding-hindi siya susuko.

"Umalis ka na," malamig na saad nito.

Mariin niyang ipinikit ang mga mata upang pakalmahin ang pusong wasak na wasak ng sandaling iyon. Napakasakit marinig na itinataboy siya nito. Kahit kailan ay hindi magiging maganda ang dating noon sa puso niya. Paano niya magagawa iyon? Ang kaisa-isang babaeng minahal niya ay ayaw na siyang tanggapin?

"Ihahatid kita sa Ygnacia Escondido," pigil na pigil ang emosyong saad niya rito.

Napailing ito. "Pupuntahan ko ang babaylan, Amado." Malamig nitong saad saka siya malamig na tinitigan. "Nang nagiisa,"

Nanlumo siya ng lagpasan siya nito. Para lang siyang hangin na dinaanan nito at sa isang iglap ay nawala na ito sa kanyang pakiramdam. Ni hindi na niya naamoy ang presensya nito hanggang sa nanghihinang napahawak siya sa ulo. Sabog na sabog ang puso niya sa pangarap na nawasak.

Pilit man niyang pigilan ngunit napaiyak siya sa sobrang sama ng loob ng sandaling iyon.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA)  BOOK 1: SYMLA, ANG ITIM NA SANTATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon