2.1 ANG ITIM NA SANTA

517 37 2
                                    

"Ipikit mo ang iyong mga mata, iha," anas ni Tandang Hermosora at tumalima si Symla. Huminga siya nang malalim at inayos ang pagkakahiga sa kama saka pumikit. Napaigtad siya nang maramdam ang malamig at magaspang nitong palad sa kanyang noo.

Kinalma niya ang sarili. "Pakiramdaman mo ang iyong katawan para maramdaman ko rin iyon sa pamamagitan ng aking palad," anas nito at tila lumamig na ang boses nito sa kanyang pandinig. Malayo iyon na tila nagmumula na sa ilalim ng lupa.

Napalunok siya at muling itinuon ang atensyon sa bilin nito. Pinakiramdaman niya ang sarili. Muli siyang huminga nang malalim at saglit na tila nagblanko ang kanyang pakiramdam. Tila huminto siya sa paghinga, ang pagtakbo ng oras, ang pagihip ng hangin, tumahimik ang paligid hanggang sa nakarinig siya ng isang malakas na pagtibok ng puso.

Bigla niyang naalis ang kamay ng matanda sa noo dahil napagtanto niya na ang tibok na nadinig niya ay galing sa sarili niyang dibdib. Matagal nang hindi tumitibok ang kanyang puso. Napahagod siya sa dibdib at hindi makapaniwalang muling dinama iyon.

Napatingin siya sa matandang tahimik na nakaupo sa kanyang tabi. Mataman siya nitong tinititigan hanggang sa hawakan nito ang galanggalangan niya. Nagulat na lamang siya ng marahan nitong ipinasok ang palad nito sa kanyang damit at dinama ang puson niya.

Muling tumibok ang kanyang puso at napabalikwas siya. Mukhang ganoon din ang matanda at napasinghap siya sa muling natuklasan. Nakakagulat sa kanya ang bagay na iyon. Na sa daang taong nakalipas, muli niyang nadama sa sariling may puso pa siya. Nagkatitigan lang sila ng matanda sa isa't isa. Puno ng pagkamangha ang mukha nito hanggang sa napakurapkurap.

"Marami ka bang naiinom na dugo?" marahang tanong nito.

Napaisip siya. Kung pagbabasehan niya ang lahat nitong huling araw ay iling ang sagot ni Symla. Kaunti lang ang naiinom niya. Kalahati lamang iyon ng baso. Gayunman, dugo pa rin naman kasi ng tao ang hinahanap niya at wala lang siyang gana sa dugo ng hayop.

Napahinga ito malalim. "Nakakaramdam ka ng pagod, hindi ba?"

Napatango si Symla. Bagaman alam niyang hindi pa rin normal ang lakas niya kumpara sa isang normal na tao, masasabi niyang mahina pa rin iyon sa lakas ng isang bampira.

Matapos siya nitong titigan nang matiim ay tinawag na nito ang mga magulang niya. Sa pinto nag-usap ang mga ito at napahinga siya nang malalim. Nagaalala siya sa mga natuklasan nito. Nauna nitong sabihin iyon sa mga magulang niya kaysa sa kanya.

Napalunok siya nang sabay-sabay na natuon ang atensyon ng mga ito sa kanya. Nang lumapit ang mga ito ay naupo ang kanyang ina sa tabi niya saka siya pinagmasdang maigi. "Aamuyin kita," anas nito.

Napapikit siya ng samyuhin ng ina niya ang gilid ng kanyang leeg. Dama niyang pumintig ang kanyang pulso doon at gulat itong naitulak siya. Nakaramdam siya nang panlalamig sa gulantang na mukha ng kanyang ina.

"Tama ako, hindi ba?" anas ni Tandang Hermosora sa kanyang ina na agad tumabi sa kanyang ama na matamang nakatitig sa kanya. "Huwag kang matakot, Symla. Napakaganda ng iyong kapangyarihan. Ikaw ang sagot sa ating angkan."

Napatayo siya at hinawakan ang kamay ng matanda. Nagiging tao na ba siya at dugo niya ang uubusin ng mga ito? "A-Ano ho ang natuklasan ninyo?"

Ngumiti ito at hinaplos ang kanyang buhok. Ngumiti muna ito sa mga magulang niya bago siya nito muling tiningnan. "Kailangan ka namin protektahan. Ikaw ang nag-isang maaaring makapagpatuloy ng lahi natin. Hindi na tayo maaaring makapagpatak ng dugo sa ibang tao para lamang maging bampira sila dahil hindi na tayo makababa pa ng kapatagan."

"Ano nga ho ang natuklasan ninyo?" giit niya dahil nililigoy pa siya nito.

"Maaari kang magka-anak, iha. Naramdaman ko ang mga ugat mong maaaring magbigay buhay sa iyong sinapupunan. Kailangang mailayo ka rito para hindi ka matuklasan ng mga lobo. Iba na ang amoy mo. Maaaring habang tumatagal, doon nagbabago ang katawan mo. Hindi mo lang siguro napapansin dahil iba ang inaasahan mong talento. Na sa'yo ang lahat ng senyales ng pagiging itim na Santa. Ang santang matagal na naming hinihintay..."

Napanganga siya sa narinig. Marami pa itong sinasabi sa kanya ngunit wala na siyang naririnig ng mga sandaling iyon. Dahil iisa lang ang tumatak sa kanyang isipan: isa siyang bampirang maaaring magsilang.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA)  BOOK 1: SYMLA, ANG ITIM NA SANTAWhere stories live. Discover now