11.4 ANG MAITIM NA KATOTOHANAN

353 23 0
                                    

"IKAKASAL ka kay Teves sa kabilugan ng buwan, Symla. Huwag mo ng pairalin ang katigasan ng ulo mo. Ano bang pinakain sa'yo ng lobong iyon at ganyan ka na lang kung maniwala sa lahat ng sinasabi niya? Gagawa siya ng mundo para sa mga bampira? Isang malaking kalokohan iyon!" singhal ng doktor kay Symla. Lalo niyang nilakasan ang loob na paliwanagan ito. Ilang araw na niya iyong ginagawa ngunit hindi pa rin ito nakikinig. Sinabi na niya ang lahat ng plano nila ni Amado sa buong angkan magmula ng makabalik sila ngunit iyon ang napala niya.

Ipakakasal siya sa isang bampirang hindi niya mahal at hindi siya makakapayag!

"Mahal ko si Amado, doktor..." amin niya rito at tinitigan ito sa mga mata.

Napalatak ito at tumayo sa trono. Agad na nagsitabi ang kanyang mga magulang ng maglakad ito palapit sa kanya. Napaurong siya sa galit na nakikita rito. "Nagmahal ka ng isang lobo. Nilabag mo ang isa sa mahigpit na batas ng bampira, Symla. Dapat ay pinarusahan ka na ng kamatayan pero hindi namin magawa dahil ikaw ang itim na Santa. Huwag mong sagarin ang pasensya ko. Hindi kami natatakot maghintay ng panibagong dalawang daang taon para muling isilang ang itim na santa. Kapag pinairal mo pa ang katigasan ng ulo mo dahil sa pagmamahal na iyan, mapupunta ka sa dapat mong kalagyan." Malamig na sagot nito.

Nagtitigan sila nito at naniwala siya sa nakikitang determinasyon nito. "Maghintay kayo ng maraming taon dahil hindi na ako papayag pang anakan ng bampira. Pagaari na ako ni Amado. N-nagsiping na kami."

Isang malakas na sampal ang iginawad nito sa kanya. Sa lakas noon ay halos lumipad na siya at bago siya tumama sa matigas na pader ay agad na siyang nahawakan nito sa leeg. Para itong kidlat sa bilis. Ni hindi niya nasundan ng mga mata ito. Galit na nakalabas ang pangil nito at namumula ang mga mata nito sa sobrang galit. "Hindi mo alam ang ginawa mo!" singhal nito sa kanya.

"A-alam ko... mahal ko siya kaya n-nagpaangkin ako sa k-kanya..." nanghihinang saad niya rito.

Marahas siya nitong binitawan at bumasak sa semento. Hindi niya ininda ang sakit ng katawan ng sandaling iyon. Nakaramdam pa rin siya ng kakaibang gaan ng dibdib sa kabila ng lahat dahil nasabi na niya ang tunay na damdamin.

Hindi na siya nagtaka pa ng magwala ang doktor. Hinagis nito sa kung saan ang malaki at lumang mesa sa pader. Wasak na wasak iyon. Ang lahat ng bampira ay nagsipagtago at siya lamang ang natira sa paningin nito. Hindi siya kumilos sa kinasasadlakan at pinanood ang paghuhurumentado nito.

"Hermosora!" singhal ng doktor at agad na lumabas ang matanda sa kung saan. "Maghanap kayo ng tiktik. Kapag naramdaman mong may nabuo sa sinapupunan ni Symla, agad mong ipakain!"

"Huwag!" sigaw niya. Bigla siyang naalarma at nagbigla sa natuklasan. Maaari din ba siyang magsilang ng isang lobo? Natuwa siya naisip ngunit agad din siyang natakot.

Sa isang iglap ay nasa harapan na niya ang doktor at marahas na itinayo saka galit na isinalya sa pader. Bumuga siya ng dugo sa lakas noon. Dama niyang naalog ang kanyang baga ngunit hindi na niya nagawa pang makapareklamo. "Ang itim na santa ay para sa bampira lang, Symla. Isaksak mo 'yan sa utak mong nabubulagan dahil sa pagmamahal na 'yan. Hindi kami naghintay at pumatay ng libo-libong tao sa Madrid para mahanap ka. Ang sinapupunan mo ay para lang sa bampira. Bampira lang ang ikakarga mo d'yan at hindi isang lobo! Naiintindihan mo?!" singhal nito sa mukha niya.

"S-sinadya ninyo ang nangyari sa Madrid b-bago ako naging bampira?" naluluhang paniniyak niya rito. Halos hindi pa rin siya makapaniwala. Naging pugad ng bampira ang Madrid ng dahil lang sa kanya?

Ngumisi ang doktor sa kanya. "Oo dahil nakaabot sa aming kaalamang... buhay ka. Hindi ka namin inalagaan ng ganito para lang mauwi sa isang lobo, Symla."
"Argh!" sigaw niya ng lalo nitong higpitan ang pagkakahawak sa kanyang lalamunan. Wala siyang ibang magawa kundi ang tahimik na lumuha at napatingala. Nagdasal siya. Tinawag niya ang diyos upang makaalis sa sitwasyong iyon ngunit bigo siya.

"Bantayan ninyong maigi si Symla hanggang sa maikasal siya kay Teves!" pinal na saad ng doktor saka siya binitawan. Agad siyang dinaluhan ng mga magulang ng makaalis ito.

"A-anak..." anas ng ina ni Symla. Napatingin siya rito at biglang-bigla, mayroong isang bagay siyang nais na matiyak dito.

"Hindi ninyo ako tunay na anak," mapait na saad niya rito. Namasa ang kanyang mga mata ng kapwa nagiwas ng tingin ang mga ito, tanda ng pagamin ng mga ito. "Buong buhay ko, hindi ninyo sinabi iyon. Ano ba talaga ako?" lumuluhang tanong niya rito. Naguguluhan na siya sa tunay na katauhan.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA)  BOOK 1: SYMLA, ANG ITIM NA SANTAWhere stories live. Discover now