13.1 ANG PAGBABALIK NG SANTA

350 17 0
                                    

"AH—! ARGH! Ah—!" paulit-ulit na hiyaw ni Symla habang nakahawak ito sa ulo. Nagpagulong-ulong ito sa sakit at hindi na halos alam ni Amado ang kanyang gagawin upang pigilan ito. Nahabag siya ng labis dito. Kung maaari lang kuhanin ang sakit na iyon ay ginawa na niya. Ayaw niyang nahihirapan ng ganoon si Symla.

"Symla!" sigaw ni Amado at pilit itong pinapakalma ngunit marahas siya nitong itinulak. Nasaktan siya sa ginawa nito ngunit nauunawaan niya. Tila nawawala na ito sa sarili kakasigaw nito. Nasa kalagitnaan sila ng digmaan ngunit hindi na niya alintana ang lahat dahil si Symla ang mahalaga sa kanya at ang pinagkakaganoon nito!

Narinig niya ang pagtawag nito sa kanya sa hangin at kahit na sa norte siya ng sandaling iyon para tapusin ang palasyong ginawa niya para sa angkan nito ay agad siyang bumalik. Kinutuban siya at sinabihan ng lupa dahil sa napipintong kaguluhan.

Kampi na niya ang apat na elemento at sa loob ng ilang araw ay nasanay na siya kung paano gagamitin iyon. Iyon ang ginawa niya ng makatakas siya sa base ng mga lobo. Agad din niyang pinagaralan ang mapa ng Pilipinas na nakuha niya sa munisipyo at sa pagtatanong-tanong niya ay nakahanap siya ng malamig na lugar para sa mga bampira: sa Barlig. Bulubunduking lugar iyon sa hilagang bahagi ng Pilipinas at agad niyang pinuntahan.

Habang pinagmamasdan niya iyon ay wala siyang ibang inisip kundi si Symla. Umusal siya ng dalangin sa hangin. Hinaplos ng kayang mga kamay ang lupa. Humiling siya sa tubig at pinaginit pa ng apoy ang kanyang mithiin. Dahil sa apat na elementong taos puso niyang sinabihan ng kanyang tapat na hangarin ay unti-unting lumabas ang isang malaking palasyo na halos hindi masukat ng kanyang paningin sa laki.

Kahit nahahapo siya ng sandaling iyon ay nakaramdam siya ng kakuntentuhan. Para kay Symla iyon at hindi siya magrereklamo kahit kailan kung malaki man ang nabawas sa kanyang kapangyarihan.

Pero kailangan niyang gawan iyon ng proteksyon mula sa kanyang angkan. Gumawa siya ng apat na tore para lagyan ng tagapagbantay. Ang tore ng Amianan sa parteng hilaga, ang tore ng Abagatan sa timog, ang tore ng Laod sa kanluran at ang tore ng Daya sa silangan upang magsilbing harang at proteksyon mula sa mga kalahi niyang lobo. At kagaya ng bilin sa kanya ng babaylan, kailangan niyang balansehin ang harang. Hindi iyon kakayanin ng isang tagapagbantay kaya nagpasya siyang maghanap ng apat na taong karapatdapat para doon.

Sa pagbaba niya ng bundok ay nakakita siya ng apat na tribo. Ang tribo ng mga Kalinga sa kung saan ay naging aktibo sa mga pakikipaglaban magmula pa noong unang panahon. Agad niyang kinausap ang pinuno ng mga ito upang humingi ng tulong. Apektado ang mga ito sa digmaan ng mga lobo at bampira kaya agad niyang napapayag ang mga ito. Naniwala din ang mga itong sa ganoong paraan matatapos ang digmaan.

Ipinagkatiwala niya ka Indira—isang kalinga—ang kalahating butil ng pulang binhi na nagmula sa loob ng kanyang katawan. Iyon ang elemento ng apoy. Si Indira ang naging tagapagbantay ng tore ng Abagatan.

Sunod niyang nakilala ang tribo ng Ivatan na buhat pa sa Batanes. Napadpad ang mga ito doon dahil na rin madalas daanan ng bagyo ang lugar ng mga ito. Sa kanyang pagsasaliksik ay natuklasan niyang relihiyoso ang mga ito at masisigpag, matitiyaga at mapagkakatiwalaan. Kaya marahil halos lahat sa pangkat na iyon ay magaling manggamot. Ipinagkatiwala niya ang asul na binhi—ang binhi ng tubig—kay Nepertiri—ang anak ng kapitan ng mga Ivatan—na siyang pinakamahusay na manggamot. Si Nepertiri ang naging tagapagbantay ng tore ng Daya.

Sunod niyang nakilala ang tribo ng mga Ibaloy. Sa tribong iyon nakahanap siya ng pamilya ng mga may kakaibang uri ng talento: ang pamilya ni Ezra. May kakayahan silang makita ang nangyari, mangyayari at nangyari na. Kaya ng dumating siya roon ay hindi na nagtaka ang mga ito. Alam na nila ang lahat kaya inaasahan na siya. Pinagkaloob niya ang puting binhi dito. Ang elemento ng hangin. Si Ezra ang naging tagapagbantay ng tore ng Laod.

Ang huli'y ang tribo ng kankana-ey. Pagsasaka ang pangunahing hanapbuhay ng mga ito at kakampi ng mga ito ang lupa. Ang mga kadangyan ang tradsyunal na aristokrasya ng mga kankana-ey. Batas ang salita ng mga ito dahil na rin sa angking karunungan. At nang sabihin niya ang pakay sa pinuno ng tribo na si Rosana ay pinakinggan siya nito. Ramdam daw nito ang reklamo ng lupa dahil sa digmaan.

Pinasama nito si Rosal—ang anak nito—para maging tagapagbantay ng tore ng Amianan. Ibinigay niya ang kalahating binhing itim dito. Ang elemento ng lupa. Kasama niyang bumalik sa Barlig ang apat na babae at labis siyang nagpapasalamat sa naging desisyon ng mga itong makatulong upang matigil na ang digmaan. Sumumpa sa kanya ang apat na babae ng katapatan kapalit ng kapangyarihang ibinahagi niya sa mga ito. Ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng lahat: na hindi iyon maaaring kuhanin ng sapilitan sa mga ito at maaari lamang iyong isalin oras na ng kamatayan upang ipamana sa susunod na tagapagbatay ng tore.

Nakahinga siya ng maluwag ng magsitanguan ang mga ito. Nang makapasok sa kani-kaniyang tore ang apat na babae ay doon niya nakita ang malaking harang na halos bumulag sa kanyang mga mata. Nagsimula iyong lumabas sa pinakatuktok ng tore at mabilis na bumagsak sa lupa. Nagsalubong ang apat na elemento at naging hugis kuwadrado iyon na tila isang malaking kulambo.

Ygnacia Escandido... anas ni Amado habang nakamasid sa buong lugar. Wikang Espanyol iyon na nangangahulugang tago ang 'escandido' at apoy ang 'ygnacia'. Ang buong lugar ay naihahalintulad sa mainit na pagibig niya kay Symla. Itatago niya ito doon at hindi siya magrereklamo kung sino ang nais nitong isama. Naiharang niya ang kamay dahil sa mistulang isang apoy ang buong lugar. Nagkukulay apoy iyon dahil sa pagtama ng araw sa proteksyon nito.

"Symla!" muli niyang tawag sa pansin nito. Hindi ito maaaring mapahamak. Natapos niya ang isa sa mga pangako niya at dadalhin niya ito sa Ygnacia Escandido! Kaunting hakbang na lamang ay matutupad na ang mga pangarap nilang magkasama pero ano'ng nangyari? Bakit nagkakaganito ang babaeng mahal niya?

"Argh!" sigaw nito at sinabunutan ang sarili.

Nagtiim ang bagang niya at sa isang kidlat na sandali ay sinugod niya ang doktor at agad niyang isinalya sa puno. Lumubog pa ang katawan nito sa lakas. "Anong ginawa mo kay Symla!" singhal niya rito. Huwag itong magkakamali ng sagot dahil sasamain talaga ito sa kanya. Sumumpa siyang yuyukod sa bampira ngunit kung ito ang bampirang papatay sa mahal niya ay hindi siya magdadalawang isip na durugin ito!

"Ibinalik ko lang naman ang memorya niya," simpleng paliwanag nito at napangisi. "Amado, tanungin mo ang iyong ama. Hindi ka ba niya tinuruan sa misyon mong patayin ang lahat na isisilang na itim na santa?"

Nanikip ang dibdib niya sa sinabi nito at agad na napatingin sa ama niya. Tumigas ang mukha ng kanyang ama. Dumilim ang mukha nito at nabitawan niya ang doktor. Iba na ang kutob niya ng sandaling iyon.

"Ano'ng ibig sabihin nito?" nagtitimping tanong niya sa ama. Wala itong sinabing anuman sa kanya tungkol sa itim na santa. Maliban na lamang noong dukutin niya si Symla. Napakunot ang noo niya ng maalala ang bagay na iyon. Gigil na gigil itong patayin si Symla. Noong una'y ang alam lamang niya ay isang delikadong bampira si Symla ngunit sa pagkakataong iyon, sigurado na siyang mayroon pang malalim na dahilan.

Ngunit bago pa makapagsalita ang ama niya ay umalingawngaw sa buong gubat ang sigaw ni Symla. Bigla siyang napatingin dito at agad itong dinaluhan. Ngunit ganoon na lamang ang pagkabigla niya ng hindi ito mahawakan. Tumigas ito na parang bakal at ang kuko nito'y nagkakaroon ng kulay itim na tinta. Nagsisipagalsahan ang mga ugat nito at dahan-dahang nagkukulay itim ang buong katawan nito.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA)  BOOK 1: SYMLA, ANG ITIM NA SANTAWhere stories live. Discover now