7.2 DETERMINADONG LOBO

390 23 0
                                    

"Mga bampira," anas ni Amado at agad na pinalo ang kabayo upang tahakin ang ibang direksyon papuntang Quezon. Ilang araw na silang naglalakbay at ilang araw na silang nagtatago. Kundiman pangkat ng lobo ang namamataan nila'y pangkat naman ng mga bampirang naghahanap sa kanila.

Pinabilis pa ni Amado ang takbo ng kabayo at hindi siya nagreklamo. Mahigpit niyang hinawakan ang belo upang hindi iyon makawala sa kanyang ulo. Niyakap pa siya ni Amado upang protektahang maigi. Malapit ng pumutok ang araw at kailangan na nilang makahanap ng masisilungan.

"Ayos ka lang?" agad niyang tanong kay Amado ng makahanap na sila ng masisilungan. Ganap na silang nakalayo nito. Mabilis ang kilos nito. Ipinasok nito ang kabayo sa loob ng yungib at naghanap ng maitatakip sa bukana.

"Oo, ikaw?" anito saka inayos ang buhok niyang nawala sa puwesto. Hinaplos nito ang pisngi niya at nakaramdam siya ng kapanatagan.

Tumango siya. "Pasensya ka na. Pareho na tayong tinutugis," nahihiyang hingi niya ng paumanhin rito.

Napahinga ito ng malalim. "Humihingi ka na naman ng pasensya. Sabi sa'yo, ngiti mo lang ang katapat ng lahat,"

Natawa siya ng mahina at ngumiti ng matamis dito. Napapagod na rin siyang sikilin ang nadarama niya. Tulad ni Amado ay gusto rin niyang ipakita ang damdamin dito. Hindi na siya makukuntentong nanahimik na lamang habang nagpipigil. Magmula ng maging malamig ito sa kanya ay hindi na siya mapakali. Gusto niyang bumawi at alisin ang tampo nito. Kaya nga rin siya nandoon ay para maipakita rito ang damdamin niya.

Naging malinaw na sa kanya ang lahat. Ang mga nararamdaman nila ang mahalaga. Alam niyang hindi siya maiintindihan ng angkan sa simula ngunit dadating din naman ang panahon na mangyayari iyon. Isa iyon sa naiisip niya, ang mga konsekwensyang maaaring maganap dahil nagkagusto siya sa isang lobo.

Nagkaroon ng tunog ang ngiti nito. "Ganyan nga. Nakita mo na? Gumaan na ang loob ko dahil ngumiti ka na,"

Napailing siya rito habang nakangiti. "Ikaw talaga..."

"Totoo, Symla. Halika nga rito,"

Tumalima siya at hinawakan nito ang palad niya. Kapwa sila naupo sa malaking bato ng magkatabi. Napatitig siya rito ng pagsalikupin nito ang mga palad nila at hinawakan iyon ng buong higpit saka hinalikan ang kamay niya.

"Wala ng ibang p'wedeng makapagpasaya sa akin kundi ikaw lang." masuyo nitong saad. "Kapag natapos itong digmaan, kakausapin ko ang mga magulang mo. Magiging pormal akong haharap sa kanila,"

Nabigla siya sa sinabi nito. Bagaman malinaw sa kanya ang hangarin nito, nakakabigla pa rin para sa kanya ang kalakasan ng loob nitong harapin ang mga magulang niya. Na tila isang ordinaryong panliligaw lamang ang gagawin nito.

Napakurapkurap siya. "Gagawin mo pa rin kahit alam mong p'wede ka nilang patayin?"

Isa iyon sa kinatatakutan niya. Hindi sila matatanggap at mas malala, mapatay pa si Amado ng angkan niya.

Determinadong tumango ito. "Ikaw ang nagustuhan ko Symla at nakahanda na ako sa lahat ng kalalabasan nito,"

Kasabay ng matinding pagkamangha ay natunaw ni Amado ang puso niya. Ganoon siya nito kagusto? Hahamakin nito ang lahat para lamang sa kanya? At sa gagawin nito, parang tinalikuran na nito ang buong lahi ito.

"Amado..." anas niya at niyakap ito ng mahigpit. Bahagya itong natawa sa ginawa niya ngunit hayun siya, maluha-luha ang mga mata dahil sa labis na kaligayahan. Mayroon isang lalaking hahamakin ang lahat para sa kanya, isang lalaking nagugustuhan din niya kaya sapat na para sa kanya na maging masaya.

"Mahahalikan kita kapag ganyan ka," natatawang saad nito saka niya inilayo at tinitigan.

"G-gusto mo ba?"

Napangisi ito. Ngising may halong kislap ng kaligayahan. Siya naman ay tuluyang nakaramdam ng kakaibang kiliti sa puso na umabot hanggang sikmura. Ah... pananabik at labis na antisipasyon ang tawag doon.

"Sobra, Symla. Sobra-sobra..." anas nito saka siya siniil ng halik. Mapaghanap iyon at ubod ng init. Kapwa hinihingal na sila ng matapos iyon at itinukod nito ang noo sa noo niya saka pinagkiskis ang mga ilong nila.

Napangiti siya sa kalambingan ni Amado. Napangiti rin ito at masuyong hinalikan ang noo niya. "Ikukuha kita ng dugo ng baka. Hintayin mo ako,"

Agad siyang tumango rito. "Magiingat ka,"

Ngiting-ngiti na itong lumabas ng yungib. Siya naman ay nagayos ng gamit nila at napangiti siya ng makitang bukod sa damit nito ay mukhang kinuhanan din siya nito ng pampalit. Hindi rin naman kasi niya ginagalaw ang gamit nito kaya hindi rin niya alam kung kailan pa ito mayroon noon. Kulay itim din iyon at mayroong makapal na belo. Napakamaalalahanin din ni Amado at natutuwa talaga siya. Inayos niya ang sarili at ginamit na niya ang damit. Lalo siyang napangiti ng makitang sakto iyon sa kanya.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA)  BOOK 1: SYMLA, ANG ITIM NA SANTAWhere stories live. Discover now