14.4 PAG-IBIG LABAN SA GALIT

374 18 0
                                    

Mahaba pa naman ang limampung taon at uubusin nila ang lahat ng oras ng magkasama. Magiging masaya pa rin sila nito at kahit wala na ito, sa tingin niya ang liligaya pa rin siya sa tuwing maiisip niya ito: dahil mayroon siyang limampung taong paghuhugutan ng alaala nito...

"Mahal na mahal din kita..." sumusukong amin niya rito at doon siya nakadama ng kakaibang init na nagmumula sa loob ng kanyang katawan.

Bigla siyang napalayo kay Amado at napatingin sa mga kamay. Nagsisipaggalawan ang kanyang mga laman at napahiyaw siya sa sakit. Napasabunot siya sa sarili dahil dama niya ang kakaibang tama sa kanyang katawan. Nagbabagong anyo na naman siya!

"Symla! Shh... shh..." paulit-ulit siyang kinalma ni Amado at niyakap ng mahigpit. Hindi siya nito binitawan hanggang sa tuluyang nakabalik siya sa normal na anyo. Gayunman, kahit nakapagpalit na siya ay nanatiling yakap pa rin siya nito. Dama niya ang panginginig nito dahil sa takot ng sandaling iyon.

"A-amado..." anas niya.

Agad siya nitong sinuri. "May masakit ba? Sandali at kukunin ko ang likido—"

"Amado..." nanghihinang suway niya sa pagkakaturete nito at hinawakan ang palad nitong nanginginig. "Ayos na ako... nagbalik na ako sa dati... hindi naman ito permanente sabi ng ate ko,"

Doon ito tila nakahinga ng maluwag. Ilang beses nitong nahagod ang buhok upang pakalmahin ang sarili hanggang sa niyakap na lamang siya nito at sinamyo ang kanyang buhok.

"Tara na sa Ygnacia Escandido, ha?" masuyong anas nito at hinaplos ang buhok niya. Hinalikan nito ng matagal ang sentido niya at bumilis ang tibok ng kanyang puso. "Naghihintay na sina doktor sa'yo,"

"Nagkasundo na kayo?" takang tanong niya rito.

Napangisi ito at umiling. "Matigas ang doktor na iyon pero... sa tingin ko'y makukuha ko rin ang kiliti ng mga bampira. Nagsimula na silang magtiwala sa sinabi ko. Katunayan na nagtungo sila sa Barlig at tumira sa Ygnacia Escandido,"

Napahinga siya ng malalim at pinisil nito ang baba niya. "Alam kong galit ka sa ginawa niya. Ipinaliwanag niya sa akin ang lahat. Noong nagaagaw-buhay ka, salita ka raw ng salita. Tinatawag mo si Sayah, ang mga magulang mo at ang mga lobo. Nagdedeliryo ka kaya nagkaroon siya ng kutob na ikaw ang itim na santa. Agad niyang binura ang memorya mo noong bata ka dahil sa takot niyang balikan mo ang mga lobo at mapaslang kang muli. Ikaw ang huling nilalang na ginawa nitong bampira sa buong Madrid. Kung alam lang daw nito... hindi na daw umabot sa malawakang pagpapakalat ng peste ang nangyari," anito saka napailing.

Napabuntong hininga siya. "Marami pa ring namatay ng dahil sa akin," malungkot niyang sagot.

"Symla... huwag mong sisihin ang sarili mo. Tingnan mo ako," masuyong saad nito at tinitigan siya. "Hindi mo kasalanan ang lahat. Sa tingin ko'y nagsisisi din si doktor. Narinig ko ang paguusap nila ng ama mo at... nalulungkot siya sa naganap. Naisip din niyang hindi tama ang ginawa niya pero wala na tayong magagawa doon, Symla. Nangyari na ang nangyari,"

Napatango siya rito dahil napagtanto niyang tama ito. Wala ng saysay pa kung magalit pa siya sa doktor. Naibalik na ang memorya niya noong bata pa siya. Mahalaga iyon sa kanya dahil dama niya ngayong buong-buo na siya. Ang problema sa kasalukuyan na lamang ang dapat nilang isipin.

"Si Drigo? Nakilala ko si Drigo... siya si Teves..."

Napahinga ng malalim si Amado. "Napatay siya noong maging ganap kang itim na santa. Isang lobo ang nakapatay sa kanya sa digmaan."

Napatango siya. Alam niyang doon mauuwi ito dahil sa pagtatraydor nito. Gayunman ay nalungkot pa rin siya. Hindi rin ito magkakaganoon kundi dahil sa kanya. Napahinga siya ng malalim at umusal na lamang ng dalangin para sa namayapang kaibigan.

"Papaano ang digmaan sa kapatagan?" tanong niya kapagdaka.

"Tahimik na, Symla. Wala na silang bampirang papatayin. Nakalikas na ang lahat sa Ygnacia Escondido," ani Amado at ngumiti ito sa kanya. "Ikaw na lamang ang bampira sa labas noon,"

Napatango siya rito at iginala ang paningin. "Huling punta na natin dito, Amado,"

Sumangayon ito sa kanya. "Ate mo pala si Sayah."

Napangiti siya at sinabi rito ang lahat ng eksperyensya sa nakatatandang kapatid. Natatawa siya sa mga harutan nila at napapasimangot kapag naalala kung paano siya nito pagsabihan. Gayunman, naghatid ng init sa puso niya ang munti nilang alaala ni Sayah.

"Mahal na mahal ka ng ate mo,"

Naluluhang napatango siya rito at ngumiti sa kabila ng matinding kalungkutan niya. "Oo, parang ikaw. Ginawa din niya ang lahat para sa akin,"

Pumatak ang kanyang luha bago lumapat ang labi ni Amado sa labi niya. Gayunman, nang magsanib ang kanilang mga labi ay agad na tinangay ng hangin ang lahat ng negatibong damdamin niya ng oras na iyon. Nanaig sa huli ang pagibig niya kay Amado sa kabila ng lahat. Ah... hindi imposibleng mangyari iyon. Si Amado pa rin ang mananatiling may hawak ng kanyang puso.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA)  BOOK 1: SYMLA, ANG ITIM NA SANTATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon