1.1 ANG HARI

838 42 0
                                    

"KAMAHALAN, TULUYAN nang nasakop ng ating angkan ang Inglatera maging ang karatig bansa nito. Tayo na rin ang tuluyang namuno dito sa Madrid. Iilang bansa na lamang ang mayroong mga bampira. Ayon sa mapa, ang mga nakamarkang pula na lamang ang kailangan nating sakupin," balita ni Esmundo—ang heneral ng mga lobo—sabay lapag nang malaking mapa sa mesang pabilog na yari sa mamahaling uri ng kahoy. Nasa dating kampo sila ng mga bampira at sangayon ay sila na ang gumagamit noon.

Tumayo si Sebastian Estacion upang tingnan ang sinasabing marka ni Esmundo at napangiti. Kung tutuusin, libong bampira pa ang kailangan nilang puksain pero nasisiyahan pa rin siya sa nakikita. Milyon ang itinumba nila sa loob ng ilang taon at malaking kabawasan na ang nakikitang resulta. Isang magandang balita pa rin iyon.

"Tiyak na matutuwa ang ama ninyo dahil ikaw ang inatasan niyang mamuno sa lahat ng ito, kamahalan," buong paggalang at hanga na saad ni Esmundo. Napangisi siya. Isa itong tapat niyang alagad kaya bukod sa pagiging heneral nito'y ginawa rin niya itong kanang kamay. Magkaibigan na sila nito magmula pagkabata. Sa kanilang dalawa, masasabi niyang malakas ang loob nito at nababagay sa digmaan.

Samantalang siya ay matinik at mautak. Isang dahilan iyon kung bakit siya itinanghal ng ama bago ito mamatay. Nagtiim ang bagang niya sa naalala. Napakalupit ng mga bampira para guluhin ang nanahimik nilang angkan sa Barcelona.

Sampung taon ng nakararaan ng sumiklab ang digmaan na sinimulan ng mga bampira. Dahil daw iyon sa hindi pagkakasadyang pagpaslang ni Igme sa isang bampira noong makabangga sa Madrid. Mata sa mata, ngipin sa ngipin ang nangyari. Lumaki ng lumaki ang gulo hanggang sa nagkaubusan na sila ng lahi.

May balak sanang makipagayos ang kanyang ama upang matigil na ang lahat ng iyon. Nagpadala ito ng mensahe sa mga bampira upang makipagusap para sa kapayapaan ngunit sa daan pa lamang ay hinarang na ang ama niya at pinatay sampu ang mga kasamahan nito ng mga bampira. Halos naghihingalo na ang ama niya nang matagpuan nila at mahigpit ang naging bilin nito na ipagpatuloy ang lahat ng plano nito.

Labag man sa kanyang kalooban ay tumango siya. Kung siya ang masusunod, sasagutin niya ang digmaan nang isa pang digmaan. Nasaan ang hustisya sa lahat ng iyon? Sa tingin niya ay wala. Ang ama niyang nagbalak na ayusin iyon ay hindi pinakinggan. Sa daan pa lamang ay hinarang na ang mga ito. Isang katunayan na ayaw ng kapayapaan ng mga bampira.

Gayunman, dahil sa pangako niya sa ama ay sumunod siya rito. Pero gayun na lamang ang paninibugho niya na sa pagbalik nila sa kanilang pangkat ay sinunog ng mga bampira ang lugar nila—kasama ang kanyang asawa at panganay na anak na si Allano. Nakapagtago ang dalawa niyang anak na si Adan at Amado kaya nabuhay ang mga ito.

Dahil doon ay hindi niya natupad ang pangako sa ama. Galit niyang itinaas ang kanilang bandera. Lalong umusbong ang malaking digmaan sa pagitan ng mga lobo at bampira. Sa pagkakataong iyon, hindi niya binigyan ang mga bampirang makabawi.

Lahat ng kalalakihan, bata man o binatilyo ay agad niyang pinagsanay. Doon halos lumaki ang dalawang anak niya: sa arena na puno ng mga nagsasanay na kalalakihan. Lahat ng lobo ay pinatawag niya, ipinaliwanag ang kanilang mithiin. Natural na galit ang lahat ng lobo dahil kapwa sila namatayan ng mahal sa buhay. Ang masakit ay bata pa ang ilan at walang kamuwang-muwang sa digmaan.

Hindi siya nagdalawang salita sa mga kapwa lobo. Boluntaryong nagsanay ang mga ito para mahasa ang kaalaman sa paghawak ng mga kagamitang pandigma. Unti-unting sumugod sa digmaan ang mga lobo na galit ang laman ng dibdib. Marahil, walang maaaring makatalo sa digmaan kung galit at poot ang namamayani sa dibdib. Gayunman, naging epektibo iyon dahil nawala ang awa at inhibisyong kumitil ng mga bampira.

Lumawak ang kanilang sangay. Siya ang kinilala at ginalang ng lahat. Dahil na rin siya ang nagiisang anak ng namayapang hari ng mga lobo. Dahil na rin sa unti-unting tagumpay na kanilang nalalasap, masasabi niyang iyon din ang naging dahilan upang tingalain siya ng buong angkan.

"Nasisiguro kong mauunawaan ni ama ang mga ginagawa ko..." tiim-bagang na sagot niya habang nakatitig sa mapa. "Hindi ko ito gagawin kundi naging mapagpuksa ang mga bampira. Nanahimik tayo, handa tayong makipagusap ngunit ano ang ginawa nila? Pinatay nila ang hari. Hinding-hindi natin sila dapat na patawarin!" nagiinit ang ulong saad niya at huminga ng malalim. 

Pinigilan niyang lumabas ang pangil at magbagong anyo. Natural lamang sa isang lobo na magbago ng ganoon kadali, lalo na't nitong huling buwan, dala marahil ng digmaan ay patuloy sa pagbilog ang buwan. Dahilan upang sila'y madaling maging lobo. Mukhang nakikianib sa kanila ang buwan. Marahil, nararamdaman din nito na kailangan nila ang tulong nito para makapagbagong anyo sila.

"Tama ka, kamahalan. Nandito lang ako sampu ng mga kalahi mo," tapat nitong saad saka siya tinapik sa balikat.

Tumango siya at muling ibinaling ang mga mata sa mapa. Napahagod siya sa baba at muling nag-isip ng estratehiya hanggang sa napatango. Itinuro niya ang kanlurang bahagi ng Inglatera. "Bukas, pagputok ng araw ay muli kayong umatake. Isara ninyo ang lahat ng daanan patungo sa malalamig na lugar. Siguradong doon ang tutumbukin ng mga natitirang bampira para makapagtago,"

"Masusunod," agad na sagot ni Esmundo.

Napaharap siya rito. "Nasaang pangkat pala ang mga anak ko sa ngayon?"

Napahinga ito nang malalim. "Si Adan ay kasama ang mga pangkat ni Bagwis. Sinasakop nila ang Amerika samantalang si Amado... biglang nawala sa kalagitnaan ng digmaan. Ayon na rin kay Bagwis, napakatigas daw ng ulo ni Amado. Madalas daw niya itong mahuling natutulog. Nitong huling araw, bigla daw ito nawala."

Desperadong napahagod siya sa ulo. Si Amado pa ang isa niyang problema. Sayang ang kanyang anak dahil mukhang wala siyang pakinabang pagdating sa digmaan. Hindi niya ito maunawaan. Sa kabila nang nalalaman nito tungkol sa pinaglalaban nila, nanatiling wala itong interes at kinakalaban siya.

Pinakikita nito sa lahat ang pagsuway sa kanya. Dalawang buwan ng nakakaraan, bago niya ito pinasama sa digmaan ay sinagot-sagot siya nito. Ayaw daw nitong sumama at may iba pa itong plano sa buhay nito. Gusto daw nitong magpinta at maranasan ang normal na buhay. Nagalit siya sa sinabi nito dahil hindi sila normal na nilalang! Lobo sila na may pinaglalaban, may pinaghihigantihan at matapos lang ang lahat, ang punto naman niya ay doon nito maaaring gawin ang lahat ng gusto nito.

Gayunman, nanatiling matigas ang ulo nito. Nakikita niya sa mga mata nito na galit ito sa kanya at alam din niyang hindi nito pinakinggan ang lahat ng bilin niya. Napahinga siya ng malalim at desperadong napabuga. Sa kabila ng lahat, kampante pa rin siyang hindi ito basta-basta magagalaw ng mga bampira.

Iyon ang malaking panghihinayang niya kay Amado. Sadyang magaling ito at maliksi sa pakikipaglaban. Kabaligtaran nito si Adan na may pagkalampa ngunit desidido sa lahat ng iyon. Wala sanang magiging problema kung nakuha ni Adan ang pagiging malakas, mautak at magiting ni Amado. Kahit hindi na ito tumulong dahil alam niyang makakayanan iyon ni Adan.

Pero hindi ganoon ang lahat. Sa pagsasanay palang, nakitaan na niya ng potensiyal ang bunsong anak. Mabilis itong matutong humawak ng sandata na sa kalauna'y tila nilalaro na lamang nito. Asintado rin ito sa pana at baril. Magaling din ito sa pakikipagpambuno at mabilis gumana ang isip. Likas sa kanilang mga lobo na matalas ang pakiramdam ngunit si Amado ay tila mas mataas ang lebel nito. Sa pagpapalit anyo naman nito ay mabilis nitong naging gamay iyon. Hindi katulad ni Adan na inabot pa ng buwan bago pa makabisa ang lahat.

Napailing siya sa labis na panghihinayang. Lihim siyang nanalangin na sana'y makita ni Amado na kailangan nila ito at huwag ng unahin ang sariling kapakanan. Iyon ang malaki niyang kalaban sa anak, ang sariling takbo ng utak nito para magdesisyong unahin ang kaligayahan nito.

"Hindi bale, maraming bagay pa ang mangyayari upang mapagbago pa ang anak mo. Magtiwala ka lang at makikita rin niya ang pinaglalaban mo," ani Esmundo.

Napatango siya at huminga nang malalim. Aasahan niyang iyon ang talagang mangyayari.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA)  BOOK 1: SYMLA, ANG ITIM NA SANTAHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin