14.2 SAYAH, SYLVIA, SYMLA

354 18 0
                                    

Ayaw ba niya akong makita? Nalulungkot na anas ni Symla habang nasa loob ng yungib ng talon. Halos isang linggo niyang hinintay ang babaylan. Ginawa na niya ang lahat. Sumigaw siya upang palabasin ito. Halos magwala siya at nauuwi iyon sa pagiyak niya.

Malungkot na iginala ni Symla ang paningin sa buong talon. Nakatayo siya sa pinaglitawan ng babaylan ngunit mukhang iyon lamang ang tanging magagawa niya: ang maghintay sa wala.

"Symla, umuwi na tayo,"

Tumigas ang kanyang likuran ng marinig ang pamilyar na tinig na iyon. Nanikip ang dibdib niya at umikot ang kanyang sikmura. Marinig pa lang niya ang boses ni Amado ay nandoon pa rin ang matinding sipa nito sa sistema niya. Halos madarang siya sa labis na saya ngunit nagpakatimpi-timpi siya.

Hindi siya maaaring makaramdam ng ganoon sa isang kaaway. Mananatiling anak ito ng taong pumatay sa kanya at sa buong pamilya niya. Anak ito ng hari ng lobong gusto siyang patayin ng paulit-ulit. Nasaan ang hustisyang magmahal ng lobong tulad nito?

"Bakit mo ako sinundan?" nagpipigil na tanong niya rito at hindi ito nilingon. Hindi niya magawa dahil baka makita lamang niya ang mga mata nito ay lumambot ang kanyang puso at hindi niya mapapayagang isang lobo ang humawak ng damdamin niya. "Hinihintay ko ang kapatid ko kaya umalis ka na!"

Umalingawngaw ang boses niya sa buong talon. Nagsipagliparan ang mga ibon na tila natakot din ngunit hindi siya nagpaapekto. Narinig na lamang niya ang malakas na paghinga nito at nadama ang paglayo nito.

Nanghihinang napaupo na lamang siya sa bato at tahimik na lumuha. Miserable ang kanyang pakiramdam dahil sa galit na nadarama. Nakakapanghina iyon. Hindi niya iyon ginusto. Sino bang may gusto na magalit ng sagad? Sa tingin niya ay wala dahil mabigat iyon. Kung maaari lamang iyong itapon ay ginawa na niya pero hindi iyon ganoon. Ang nadarama niya ay panahon lang ang makakapaghilom.

"Umiiyak ka na naman,"

Napahagulgol siya ng marinig ang tinig ni Sayah. Sa wakas! Dumating ang kanyang kakambal. Halos hindi na siya makahinga ng sandaling iyon dahil sa labis na saya, antisipasyon at lungkot.

"A-ate..." anas niya at nagangat siya ng paningin. Lalong bumukal ang masaganang luha niya nang bumaba ito sa batong kanyang tinutungtungan. "B-bakit ngayon ka lang nagpakita?"

Ngumiti ito sa kanya. "Dapat ay hindi na talaga ako magpapakita sa'yo, Sylvia. Nakiusap lang ako sa mga bathala at pinayagan nila ako. Kaya tayo nagkita noon dahil kay Amado. Kailangan ako ni Amado at may pahintulot iyon ng mga bathala. Malinis ang hangarin ni Amado at natuwa ang mga bathala kaya siya tinulungan,"

Napalunok siya at nakaramdam ng sakit sa dibdib ng marinig ang pangalan ni Amado. "A-anak siya ng pumatay sa atin, ate..."

"Alam ko,"

Nagulat siya sa narinig at napatitig dito. Isang nakakaunawang ngiti ang iginawad nito sa kanya at hinaplos ang buhok niya. Katulad noong mga bata sila kapag gusto siya nitong paliwanagan. Sa kanilang dalawa, si Sayah ay tila matandang magisip. "Alam mo pero tinulungan mo pa rin siya?" gulat na tanong niya rito.

"Oo. Tinulungan namin siya dahil malinis ang kanyang hangarin sa digmaan. Malinis din ang hangarin niya sa iyo. Nakikita ko kung gaano ka kamahal ni Amado, Sylvia."

Muli siyang naluha. Matagal nang walang tumatawag sa kanya ng tunay niyang pangalan kaya ganoon na lamang ang pagiinit ng puso niya. "Hindi pa rin maaalis ang katotohanang pinatay tayo ng tatay niya,"

Tumango ito. "Hindi naman talaga magbabago ang bagay na iyon. Pero nangyari na ang nangyari. Kaya nga tayo nandito sa sitwasyong iyon dahil sa nangyari noon pero naisip mo ba Sylvia... ginusto din ba ni Amado iyon?"

Natigilan siya sa narinig at nagpatuloy ito. "Hindi niya ginusto iyon. Alam ko at nadarama ko. Higit kaninuman, ikaw ang mahalaga sa kanya. Ipinagpalit niya ang pagiging imortal para makakuha ng kapangyarihan,"

Parang nabingi siya sa narinig. Labis na nakakabigla sa kanyang ang sinabi nito. Napakurapkurap siya. "A-anong ibig mong sabihin?" naguguluhan niyang tanong dito.

Napahinga ito ng malalim. "Ibinigay ng bathala ang kahilingan ni Amado at mayroong kapalit iyon. Bukod sa pagiging imortal, ibinigay pa niya ang singkwetang porsyento ng buhay niya para makalikha ng isang lugar para sa'yo. Hindi na siya imortal na maaaring mabuhay ng habambuhay. Kalahati ng nalalabi niyang oras ay ibinigay niya."

"H-hindi totoo ang sinabi mo..." halos hindi makapaniwalang anas niya at napailing. Nalulula siya sa naririnig ngunit napakahirap na tanggapin iyon. Masyadong mabigat na parang hindi niya makakayanang makahuma kahit kailan.

"Totoo at alam mo bang ibibigay pa niya ang natitira basta maalis lang ang pagiging itim na santa mo?" malungkot na saad ng ate niya at inakbayan siya. "Hindi pa ba sapat itong katibayan kung gaano ka kamahal ng lobong iyon? Na hindi niya susundan ang yapak ng ama niya para patayin ka? Hindi pa ba sapat na gumawa siya ng isang lugar para sa'yo upang maprotektahan ka?"

Doon na siya napahagulgol. Sabog na sabog ang puso niya. Nalulula siya at hindi makapaniwala. Biglang-bigla, paulit-ulit na tumakbo sa kanyang isip ang kanilang naging paguusap ni Amado.Ang mga pangarap nito para sa kanila. Ang pagluhod nito sa kanyang harapan. Napakalaki ng naging sakripisyo nito at nalulula siya. Labis-labis na iyon para patunayan pa nito ang damdamin nito sa kanya at doon niya napagtanto ang isang bagay: na kaya marahil naging madali kay Amado ang lahat ay dahil sa kapalit na ibinigay nito.

YGNACIA ESCONDIDO (HIDDEN YGNACIA)  BOOK 1: SYMLA, ANG ITIM NA SANTATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon