00

8K 220 15
                                    

Chapter 00
| Prologue |

"Ang gwapo." Pabulong kong sabi sa sarili habang nakatitig sa lalaking kinahuhumalingan ko.

Tila ba tumigil ang ikot ng mundo nang pagmasdan ko siyang papasok sa canteen kasama ng barkada niya. Nakaramdam ako ng hangin na humaplos sa mukha ko kasabay ng paghangin ng buhok ko.

Halos kabisado ko na ang mukha niya sa araw-araw kong pagtitig sa kaniya. Mula sa singkit niyang mga mata, matangos niyang ilong, manipis niyang labi, at makinis niyang mukha. Lahat nakakabighani, wala kang aayawan sa pagkatao niya.

Kung iisipin palang ang mga talento niya, nakakahanga na talaga. Isa siyang varsity player ng campus namin nang apat na taon, parte rin siya ng sikat na bandang EMANON kung kaya't hinahangaan talaga siya ng nakararami.

"Kurt John Lim, bakit ang gwapo mo?" tanong ko sa sarili.

"Tara na Nicki, malelate na tayo." Bumalik ako sa katinuan nang hilain ako ng kaibigan kong si Ikay.

Kung kailan katatapos lang namin kumain, ito namang pasok nila Kurt sa canteen. Hindi kasi sabay ang break ng 3rd year at 4th year highschool.

Napangiti nalang ako nang maisip na nakasulyap na naman ako kay crush.

"Hay nako Nicki, hanggang kailan ka kaya ganiyan? Mag-aapat na taon mo nang pinagpapantasyahan si Kurt. Hindi ka man lang magpakilala." Iritang sabi ni Ikay na siyang kinagulat ko.

Humarap ako sa kaniya at nilakihan siya ng mata.

"Wow, kung makapagsalita akala mo hindi siya gano'n?" Iniwasan niya ang sinabi ko at naglakad na kami pareho palabas ng canteen.

May punto naman si Ikay, sa ilang taon naming magkaibigan, si Kurt ang pinakamatagal kong nagustuhan. Oo, almost 4 years ko na siyang hinahangaan. Ngunit hindi ko na hiniling pang mapansin o makilala niya ako. Alam kong maraming babae ang nagkakagusto sa kaniya na mas magaganda kaysa sa akin. Hindi na ako makiki-agaw pa dahil hindi ko sila kayang higitan. Saka kuntento na ako sa buhay ko.

"Aray!" Nagulat ako nang masagi si Ikay ng tropa ni Kurt na nagmamadaling pumasok sa canteen.

"Sorry po." Napatigil ito saglit at humingi ng tawad bago muling salubungin si Kurt sa loob.

"Dave! Dalian mo mauunahan ka na ni Franco, last piece na daw 'yon." Pagmamadali ni Kurt doon sa lalaking nakabangga kay Ikay.

Napatingin ako kay Kurt at nagtama ang mga mata naming dalawa ngunit agad naman itong napawi.

Kahit ilang beses man kaming magkatinginan, alam kong hindi pa rin niya 'ko mapapansin.

Ngunit mananatili akong tagahanga niya, kahit na hindi niya ako kilala.

***

MUST READ IT GUYS!

P a s t o r P r e s e n t
Written by NocturnalQueenB

©All Rights Reserved 2017

PAST or PRESENTWhere stories live. Discover now