Ang Korona Ni Marco

773 44 21
                                    

“Marcoooooo!” sigaw ng isang babaeng maputi, singkit at hindi naman mataba pero may bilbil. Si Aling Ester.

Talagang hindi ka magkakamali kung sasabihin mong magnanay sila ng batang papalapit mula sa paglalaro ng siato, si Marco. Sampung taon, patpatin at singkit pero hindi tulad ni Aling Ester kayumanggi ang balat. Nagmana sa kulay ng Tatay nya, tipikal na batang mahilig sa laro at tambay kaya lang laging ON CALL. Madalas para mag alaga ng nakababatang kapatid, tumulong sa mga gawaing bahay o di kaya naman ay magtinda. Mula sa pandesal sa umaga, lutong ulam sa tanghali o kung anu anong meryenda sa hapon.

“Bakit po Nay?” tanong ni Marco. Pawisan at mangitim ngitim na ang kanina'y puting sando. May halong pagdududa ang mukha ng bata, pamilyar na sya sa tagpong yun.

“Ibenta nyo 'tong banana cue at hotcake anak.” utos ni Aling Ester na naka bulaklakin na daster.

“Sige po nay.” walang panlalabang sagot nya.  

Nabuo ang imahinasyon ni Marco, galit nyang naitanong sa Nanay nya kung bakit ba kasi hindi sila naging mayaman? Bakit hindi sya makapaglaro ng buong mag hapon tulad ng mga kalaro nyang malilit lang din naman ang bahay? Sa lugar nila na hindi uso ang mayaman.

  

Nang magising sya sa katotohanan, naglalakad na sila ni Oliver. Mas bata ito ng isang taon sa kanya, maputi, may pekas at hindi tulad nya may pagka malaki ang mata. Mahilig din sa laro at sa pagtakas sa bahay ng palihim, isang batang gala at nagsisimula ng maging pasaway. Kuya ang tawag nya kay Marco.

Sa hapong ito, banana cue at hotcake ang ititinda nila at isa lang ang mahigpit na utos ni Aling Ester, kailangan nila itong maipaubos.

“Banana Cueeeeee!” buong puwersa silang nag duet.

“Hot Caaaaaake!” medyo nahuli ng kaunti si Oliver.

Masakit pa sa balat ang araw at masakit din sa kalooban ang inggit na makita ang ibang batang patuloy na naglalaro sa kalsada.

Nakahelera ang saging na may nagyayabang na asukal, halos mawalan na ng pwesto ang isa pang bida ng nilalako nila sa bilao, si hotcake. Malaki ang bilao at may kabigatan. Nasa ulo ni Marco ang kanyang korona nang biglang…

Agad na napigtas ang luma nyang tsinelas at mabilis na humalik ang pwet nya sa lupa, naapakan nya ang balat ng saging na hindi umiwas sa hakbang nya.Tumaob si bilao, nagtakbuhan ang mga paninda at napanganga si Oliver sa gulat.

“Paano na yan Kuya? Maibebenta pa ba natin yan?"  tanong ni Oliver na may pagaalala, habang patulo na ang sipon.

“Bilisan mo, pulutin na natin at linisan!" utos ni Marco habang nagpapagpag ng short. Namumula ang mukha at tenga nito.

Mabilis nilang pinulot at ibinalik ang mga paninda sa bilao. Para silang contestant sa isang TV Show na naghahabol ng jackpot price. Sagana sa ihip, pagpag at punas, ini-apply nila ang Golden Rule na noon pa lang nauso. “Wala pang 5 minutes.”

Mabilis nila itong naipaubos, kasing bilis ng lagabog sa dibdib nila nang tumaob ang bilao, isang oras ang nakakalipas. Maswerteng naibenta pa ring lahat sa kabila ng kapalpakan. Hindi ito nahalata ng unang Ale na bumili ng Banana Cue. Hindi rin ito nahalata ng Lolong pumakyaw sa hotcake.

Bitbit ang bilao, masayang nagkalad ang magkapatid pauwi ng bahay. Si Marco habang winawasiwas ang bilao at pasipa sipa ng bato sa daan at si Oliver na hawak ng mahigpit ang pulang belt bag na kinanalagyan ng benta nila. Lampas Ala Singko na, para sa dalawang bata na napagod sa pagtitinda, ang tagumpay ay tulad ng pagpapaubos ng banana cue at hotcake. Ang tagumpay ay ang maibigay kay Aling Ester ang pera na maipambibili na nila ng bigas at ilang de lata.

“Mano po Nay." bungad ni Marco.

“Mano po.” mabilis ding sabi ni Oliver.

“O, ano napaubos nyo ba ang paninda nyo?” ani ni Aling Ester na nakahawak sa ulo ni Oliver.

“Opo Nay, heto po ang benta namin.” nakatingalang si Oliver sa Nanay habang iniaabot ang pulang belt bag.

“Magpalit na kayo ng damit mga anak at sabay sabay na tayong kakain.”

Eto na ang tipikal na set up ng pamilya nila mula ng mawalan ng trababo si Mang Sergio. Matandang bersyon ito ni Oliver. Para silang pinagbiyak na bunga. Wala pa sa Kwarenta ang tatay nila pero dahil sa sakit sa puso, hindi na ito matanggap sa trabaho. Sa pagsasara ng kumpanyang pinapasukan nya, nagsarado rin ang ginhawang meron sila noon.   

Unti unting nagbago ang takbo ng buhay nila, kumaunti ang pera, dumami ang gastusin. Tumutulong na lang sa asawa si Mang Sergio at si Aling Ester naman, unti unti nang nagiging Super Nanay. Kahit anong pwedeng lutuin at ibenta, asahan mong susubukan nya. Kahit anong kayang gawin sa loob o labas ng bahay  makadagdag kita lang, asahan mong handa itong palagi. Masinop ang Reyna ng bahay na nakakalimot ng mag ayos ng sarili. Pito ang anak na malamang ay madagdagan pa, hindi pa uso ang family planning.

Isa lang naman ang hindi pa handa, si Marco. Sya ang napisil na gaganap sa papel ng pagiging tatay at nung nakaraang taon pa nag umpisa ang training nya.

Sa edad na Sampu, hindi pa malinaw kay Marco kung bakit palaging laman ng payo at usapan ang pagiging panganay nya. Ano ang kinalaman ng pagtatapos nya ng pag aaral at pagtatrabaho para makatulong sa pamilya?

Siya daw ang "Breadwinner", isang salitang malabo pa para sa kanya. Tanging bread lang ang malapit sa pagkakaintindi nya. Hindi pa sya sigurado sa kung ano ang gagawin. Oo, may napapanood syang mahirap na yayaman sa TV pero malayo pa sya sa panahong yun. Hindi nya pa alam kung paano mangarap.

  

Sa ngayon, ito lang ang malinaw kay Marco, hindi pa sya nagsasawa sa pagtambay sa labas o pakikipaglaro sa kalye dahil hindi pa sya handa sa puwersahang pagtanda.#

"BREADWINNER" Ang Titulong NakakakalyoWhere stories live. Discover now