Regalo

209 19 0
                                    

Ikawalo na ng umaga nang magising si Marco. Araw ng Huwebes, ika dalawampung kaarawan na nya ngayon. Iniwan nya ang papag at ang mahimulmol na kumot. Nakaligpit na rin ang unan at kumot ni Oli. Silang dalawa ang magkatabi simula pa noon. Malapit pa rin ang loob ni Marco sa kapatid kahit na minsan na nyang naramdaman na lumalayo ito sa kanya.

Maayos na muli si Oli sa ngayon. Nagpapasalamat sya at di na nito gusto na unahan sya sa pag aasawa. Bihira man itong magbigay ng pera sa mga magulang, ayos na ito para sa kanila. Ang mahalaga ay madalas na nila itong makita sa bahay. 

Masaya sya sa araw na ito, dinaanan nya ang bakanteng higaan ng mga kapatid. Wala na si Isa, maaga itong umalis. Naroon na lang ang amoy laway na unan nito. Si Son naman, naiwan na lang ang sinuot sa lapag ng kawayang papag. Pilipit ang short, kung paano ito hinubad ganoon din ito iniwan. “Parang ahas na nagpalit lang ng balat.” “Wala kayong katulong.” pinulot nya ang short nang maalala ang palaging sinasabi ni Aling Ester.

Nasa kolehiyo na rin si Isa at Son pero di hamak na mas mura ang bayarin ng mga ito sa eskwela kumpara sa kanya. Ilang daan laban sa ilang libo mabuti na lamang at paaral sya ng Tiya nya. Minsan nang nasabi ni Mang Sergio, “Wala sa eskwelahan yan, nasa estudyante, kung matalino ka kahit pampubliko ang pinasukan mo, magtatagumpay ka pa rin.” Naniniwala silang magkakapatid doon at alam nyang balang araw ay mapapatunayan nila ito.

Sunod nyang dinaanan ang isa pang higaan, bakante na rin ang pwesto ni Badet. Wala na ang bag nito sa patungan, pumasok na rin ito. Nakita na lamang nya ang suklay sa ibabaw ng tukador, may nakapulupot na buhok. Sigurado syang kay Badet iyon, tulad ng dati di na naman nito nilinis ang suklay. Wala na rin si Olga, maayos na nakatiklop na ang kumot nito. Wala na rin si Gemma, nakakalat na marka ng pulbo sa sahig ang tanging naiwan nito.

Nadatnan nya sa kusina ang Nanay, katulad ng dati abala na naman ito sa pagsasabay sabay ng mga gawaing bahay. Di alintana kung pawisan man ang mukha at ang likod. Matuyuan man o pawisang muli, wala itong sasayanging oras.

Katulong nitong palagi ang Tatay nya. Mahigit sampung taon mula nang mawalan ng trabaho ang haligi ng tahanan. Aminado syang di naging madali ang mga pinagdaanan nila.

Ang bahay na mayroon sila, marahang nakisabay sa mga pagbabago at hamon sa buhay nila. Ang dating lawanit na dingding ay napalitan ng ilang hollow blocks matapos na gumising sila isang umaga na may nabaklas na dingding. Ang ilang butas na bubong ay napalitan na din ng bagong yero matapos na minsang liparin ito ng bagyo. Ang ibang materyales ay ipinangutang, ang iba ay galing sa kita sa pagtitinda. Naging matalik na kaibigan nila ang utang sa patubuan. Nakailang kuha na rin si Aling Ester ng kumot at kulambo kay Bombay.

Nakapagpakabit sila ng kuryente subalit ilang beses na rin silang naputulan at bumalik sa gasera. Nakabili noon ang Tatay nya ng second hand tv at radyo na parehas kailangan pukpukin kapag di gumagana. Lahat ng mga iyon ay di nila madaling nakuha, kapalit ng kung anu anong paninda, kapalit ng di mabilang na hirap ng mga magulang nya. Mahirap ang buhay pero maswerte pa rin sila sa ilang bagay, kasama na roon ang mga magulang nila na gagawin ang lahat maitaguyod lamang sila.

Kumuha sya ng kutsarita at baso. Binuksan ang garapon ng kape, kumuha at itinaktak sa baso ang laman ng kutsarita. Sunod nyang binuksan ang garapon ng asukal, inantay nyang lumabas ang mga itim na langgam na nanginginain mula roon. Kinatok katok nya ang garapon saka pa lang nag unahan ang mga mabibilis na bisita. Nagsalin sya ng tubig mula sa thermo at saka pa lang hinalo ang mainit na kakapehin nya sa baso.

"BREADWINNER" Ang Titulong NakakakalyoWhere stories live. Discover now