Sapatos

391 23 4
                                    

Marahan ang lakad ni Marco, sigurado at tantyado ang mga hakbang. Nag iingat at umi-ilag sa mga nakakasalubong sa siksikang daan. Nakarating at nakalampas sya sa gate ng panibago nyang eskwelahan, nakangitian nya si Manong Gardo matapos syang batiin nito “Good Morning Iho!” Noong una’y napansin nyang matapang ang mukha ng lalaking kaedadan ng tatay nya kaya naman nagtaka sya nang bigla syang ngitian nito. Ngumiti rin sya at bumati “Good mornig din po.”

Nagpatuloy sya sa paglalakad sa pasilyo. Puti ang polo at asul ang pantalon nya. Nakasukbit sa kanya ang isang bag, sira ang zipper nito at kumakaway sa loob ang mga notebook nya. Makintab ang buhok nya sa iniligay na gel bago umalis ng bahay. Makintab na rin ang noo nya sa pawis. Mainit ang umagang yun, kanina pa sya nag umpisang pawisan sa loob ng jeep paano'y nasiksik sya ng husto. Nakapalaman sya sa dalawang Aleng nagpapaligsahan sa katabaan.  Patuloy sya sa paglalakad, marahan at maingat habang dinadampi ang panyo sa mukha.

Napipinturahan ng mapusyaw na dilaw ang mga silid. Napapalibutan ng mga puno ang bakod ng eskwelahan. Matao, masikip at maingay ang mga pasilyo. Sa di kalayuan natanaw nya ang isang blackboard doon nakapaskil ang section na kabibilangan nya. Lumapit sya at patingkayad na sumilip sa gitna ng dalawang estudyante. Natanaw nya ang pangalan nya, kabilang sya sa Section 1. Nagpasya syang umalis upang hanapin na ang silid niya. Humakbang sya patalikod, mala pusa ang kilos nya. Lumapat ang kanang paa nya sa semento, nanlaki ang mata nya. Bumulaga sa kanya ang puting medyas, nakasilip ang kuko nya sa hinlalaki, trinaydor sya ng sapatos nya. Nagpaiwan ito at kumawala sa paa nya, hindi na ito naawa sa kanya.

“Hoy! Naiwan mo yung sapatos mo!” sigaw ng isang binatilyong mukhang kaedadan nya.

Nakuha naman nito ang atensyon ng iba “Ang laki naman ng sapatos nya!” bulungan ng ilang estudyanteng babae. “Ang liit naman ng paa!” dugtong ng ilan sa mga ito.

Umalingawngaw ang tawanan sa paligid kasabay ng pamumula ng mukha nya. Isa iyon sa mga pagkakataong gusto nyang huminto ang oras para takasan ang kahihiyan. Gusto nyang pagpitik ng mga daliri nya’y magiging maayos ang lahat base sa kagustuhan nya. Kabaligtaran sa inaasahan nya, kinailangan nyang balikan ang sapatos. Isang hakbang lang ang layo nito sa kanya, apat na taon naman ang epekto ng kahihiyang ito sa kanya. Madidikit itong palagi sa pangalan nya – Si Marco at ang sapatos ni McDonald.

Tiningnan nya ang sapatos, makintab ito sa sikat ng araw. Pahaba na patulis ang hugis nito at may  katamtamang laki ng laso, wala itong sintas. Isinuksok nyang muli ang paa. Mahigit lang sa kalahati ang inakopa ng paa nya. Nagkamali sya, sinunod nya ang payo ni Aling Ester. Hiniram at sinuot nya ang sapatos ng Lolo Cleto nya na kakasya sa kanya dalawampung taon pa mula ngayon.

   

Humigit sya ng hininga “May allowance kasi kaya malaki para pangmatagalan na.” pawisan ang mukhang palusot nya, hindi sya sigurado sa naisagot.  Napuno ng tawanan ang paligid nya. May iilan ding walang paki alam pero mas marami ang napili syang pakialaman. Nakakahiya ang unang araw nya, doon sigurado sya.

***

Napaupo si Marco sa ikalawang helera ng mga upuan. Animnapu sila sa iisang kwarto, kulang ng isa ang upuan. May isang electric fan na pahinto hinto ang buga ng hangin. Marami ang posters na nakadikit sa dingding  at una nyang nabasa ang “No man is an island.” Napanganga sya. Naisip nya ang sarili na nasa isang isla. Kung ano ang ibig sabihin ng nakasulat sa poster hindi pa sya sigurado.

Halos magkasing dami ang bilang ng babae at lalaki pero mas maingay ang mga babae lalo na kapag wala pa ang titser. Si Marie na may kalakihan ang bibig at mata ang tagapag lista ng noisy kapag wala ang titser nila. Magaling sa Math ang kaklase nyang yun, magaling din sa panghuhuli ang mata nito. Si Aris ang pinaka maingay sa mga kaklase nyang lalaki, pinaka maitim din. Minsan na itong naghubo ng pantalon sa loob ng klase sa pang aasar kay Marie matapos na maisama sya sa listahan. Katabi nya sa upuan si Berna, malaki palagi ang ngiti nito, malaki din ang ngipin sa unahan. Masaya itong katabi dahil katulad nya’y hindi rin ito mayaman, madalas silang magkwentuhan tungkol sa mga paninda nila. Si Rosie ang muse ng klase, singkit, maputi at may bangs ito. Maganda at maamo ang mukha ni Rosie ngunit hindi na sya sumama sa listahan ng mga humahanga ditto, maghahanap na lang sya ng iba. Si Mateo ang escort nila, anak ito ng isang titser doon, matangkad, maputi at palangiti. Ang pangalan lang na Mateo ang isinagot ng mga kaklaseng babae sa tanong na “Sino ang gusto nyong maging escort?”

Si Gng. Santos ang adviser nila, malaki ang boses nito at may pagka paos, malaki din ang nunal nito sa nguso. Mabilis magsalita at nakakapagod ang pagsunod sa labi nito. Takot ang lahat madinig pa lang ang tunog ng takong nito. Mahilig din itong mag tawag ng kung sinong pangalan sa oras ng klase nya depende sa kung sino sa tingin nya ang walang alam. Dragon ang lihim na pangalan nito, bansag sa kanya ng mga estudyante nya. Paborito nya si Mr. Lorenzo, tister nila sa Ingles. Mataas ang pag suot nito ng sinturon dahil sa may kalakihang tyan. May bigote at balbas ang bilugang mukha nito. Natutuwa sya sa mga natutunan mula rito. Sinubukan nyang gamitin ang isa sa natutunan isang beses sa bahay nila. “Hi Nay, I'm home.” bati nya kay Aling Ester.

“Anak, may sakit ka ba?” ito ang naging sagot sa bati nya. Pinagpraktisan nya ang mga natutunan nang maka ilang beses, sinubukan din sa mga kapatid bukod kay Mang Sergio. “Hi, what’s por dinner?” Isang nakakalokong tawa lang ang sagot ng mga ito. “Kuya, may tuyo dyan.” pang aasar ni Isa. Marunong sa Ingles ang tatay nya nahihiya sya sakaling mali ang masabi nya. “Pang huli na si Tatay.” naisip nya. “I will end him.” mali yata ang Ingles nya.

Isang panibagong pagsubok ang buhay High School nya, nahihirapan sya sa kakulangan nya sa pangangailangan. Isang beses, pamasahe lang ang naibigay sa kanya ni Aling Ester. May kalayuan ang school niya, masusugat ang paa nya kung lalakarin lang at ang sapatos nya malamang na muling bubuka. Isinuko nya ang sapatos ni Lolo Cleto matapos ang araw na yun. Binalikan nya ang luma, sinipat ang rugby kung makapit pa, ito na ang muling kaibigan ng paa nya.

Malaki ang canteen nila sa school, malaki din ang hiya nya na pumasok dito. Madalas kasi na wala  syang pambili at madalas na may sarili syang baon.  Swerte na kung mapadpad sya sa canteen dalawang beses sa isang linggo.

“Marco sayo na to oh, kuha ka.” iniabot ni Jasmin ang kwek-kwek at kalahati pang chicken sandwich. Mabait ang kaklase nyang yun, maputi at hanggang beywang ang tuwid nitong buhok. Singkit ang mga mata nito at mahahaba ang pilik mata. Halos magkasingtangkad sila nito. Maganda si Jasmin lalo na kung ngumingiti.  Isa sya sa mga kaklase nyang gusto nya ang pag uugali.  

Naglalaway na si Marco.Biskwit at isang sitserya kasi ang nakayanan nyang bilhin. Libre naman ang tubig.

“Sige Jas, busog na ako.” pagsisinungaling nya, namamasa ang gilid ng labi at kaunting nanlaki ang singkit na mata.

“Ito naman nahiya pa, kunin mo na busog na rin kasi ako.” nakangiti pa rin ito sa kanya.

“Kunin mo na Marco.” sigaw ng konsensiya nya. Dahan dahan nyang kinabig ang tray, “Sige na nga kunin ko na sayang naman kung di mo uubusin.” mabilis ang kibot ng labi nya. Kanina pa sya naglalaway sa sandwich buti na lamang at inialok ito ni Jasmin sa kanya dahil kung hindi malamang na kagatin nya na ito sa kamay sa pananabik.

Naaalala nya paminsan minsan si Divina kay Jasmin, mabait kasi silang pareho. Hinahanap hanap nya ang presensya nito “Kamusta na kaya siya? Masaya kaya sya sa School nila? Sino kaya ang katabi nya, naaalala nya rin kaya ako?”  Mas naiisip nya pang lalo ang kaibigan sa tuwing walang pang recess. Nakakalungkot yata talaga ang gutom.

***

Naiiba ang buhay High School. Puno ng tawanan ang mga araw nya, minsan nga lang siya ang dahilan ng tawanan. Nakadikit na sa pangalan nya ang kapalpakan sa sapatos. Marami ang gusto nyang  kaibiganin, mailap naman ang mga ito sa kanya. Tinatalo sya ng hiya kaya madalas tahimik sya sa loob o labas man ng klase. Swerte na sya kung minsang masamahan ni Berna o ni Jasmin. Gusto nya pa ng mas maraming kaibigan kaya lang matatagalan pa yata ang panahong iyon. Mag iintay sya, katulad ng maluwag na sapatos ng lolo nya. Sa panahong lumaki na ang mga paa nya, magkakasya rin sya sa panukat ng iba.#

"BREADWINNER" Ang Titulong Nakakakalyoحيث تعيش القصص. اكتشف الآن