Hagdan

574 39 25
                                    

Kung papipilahin mo ang magkakapatid na Marco, iisa lang ang maiisip mo para silang Hadgan na sunod sunod ang laki. Madalas na marinig ni Marco ang mga biruan noon tungkol sa isang malaking pamilya. Isa lang ang pinakatumatak sa kanya, ito ang madalas nyang marinig sa mga kapitbahay sa tuwing mababalita ang pagbubuntis ni Aling Ester.

“Sipag ng tatay at nanay mo ah!”

Akala nya’y pinupuri ng karamihan ang mga magulang nya, hindi nya pa maintindihan ang nakatagong kahulugan, bata pa sya para mamulat sa mundo ng katandaan.

Sa hirap ng buhay, paano magkakasya ang kinikita sa kanila, pito silang magkakapatid? Mabilis na lumaki ang pamilya nila kasabay naman ng paglit ng hatian nilang magkakapatid sa ulam.  

Taunan kung manganak si Aling Ester.

10 Years Old na si Marco.

Si Oliver naman ay 9.  

Si Isabel, 8.

Si Jayson, 7.

Si Bernadette, 6.

Si Olga, 5.

At si Gemma, 4.

Hindi pa sigurado kung hahabol pa ba sila sa kota.

Andyan na si Isabel, walong taong gulang at ikatlo nyang kapatid, binansagan nilang Dr. Laway. Madalas na solusyon kasi nito ang pagpapahid ng laway sa mga pantal na regalo sa kanya ng lamok at pulgas. Sumunod kay Dr. Laway si Jayson na madalas namang may bukol. Palagi kasi itong lumulusot sa mga kamay ni Marco. Isang minuto karga ng kuya, susunod na minuto umiiyak na ito sa pagkakalaglag. Ang kawawang Kuya naman palagi ring may kurot at hampas mula kay Aling Ester. Sumunod kay Baby Bukol si Badet, na napakahilig sa tsokolate, mapapatahan lang ito mula sa pag ngawa kung susubuan mo ng tsokolate pwede na rin ang kendi.

Sumunod kay Badet si Olga, ang muse ng pamilya. Para raw kasi itong anak ng mayaman, maputi at makinis ang balat. Pinakamaganda rin ang mukha nito sa lahat ng magkakapatid na babae. Pinakahuli si Gemma, Kirara ang tawag ng magkakapatid sa kanya, kung gatas ang kulay ni Olga si Gemma kulay kape. Madalas na marinig nito ang pagkanta ng Kuya bago makatulog. Paborito nitong tambayan ang duyan na gawa sa checkered na kumot. Si Kirara din ang dahilan ng unti unting paglaki ng muscles ni Marco, mahilig itong magpakarga.

Sa kabila ng hirap at kakapusan sa isang malaking pamilya hindi naman matatawaran ang tawanan sa hapag kainan lalo na sa tuwing maghahatian ng ulam. "Walang lamangan at dapat pantay pantay." maaga yang natutunan ng pamilya Salazar.  

Sa isang sulok ng bahay nakasabit sa pako ang lumang litrato ng Last Supper. Humahabol ang bilang ng miyembro ng pamilya nila Marco sa bilang ng mga Apostol na nakalinya sa mesa. Ang tahanan ng pamilya ay binubuo ng tagpi tagping lawanet, yero at ilang sako. Madalas din silang maligo sa ulan kahit nasa loob ng bahay, nababasa sila dahil sa mga butas sa bubong. Pang ilaw nila ang gasera na nakakaitim ng butas ng ilong. Mayroong tambak ng kahoy na siya ginagamit sa pagluluto. Marahan at maingat sa paglalakad ang pamilya lalo na kung parang kalamay ang daan sa putik. Hindi mayaman sila Marco, hindi rin mahirap, medyo lang. Mayaman sila sa tawanan at kapos sa panggastos, saan ba yan pwede ipabilang? "Talo ng masipag ang mayaman, yan ang paniniwala niya." natutunan nya yan kay Aling Ester.   

Kakahiwalay lang ni Aling Ester at ng kalendaryo, Tatlumpu't dalawang taon na ito noong nakaraan buwan. Maaga nakapag asawa palibhasa'y gustong tumakas sa mahigpit na Ama. Nakatuntong ng High School ngunit hindi nakapag tapos. Nagkakilala sila ni Mang Sergio sa Luneta Park, mas matanda ang asawa nya ng pitong taon. Nangako ang lalaki ng magandang buhay subalit ang naibibigay pa lang nito ay ang magagandang anak.

Nagpumilit na makapasok ng bagong trabaho si Mang Sergio na kaboses ni Tom Jones. Bukod sa pangarap nyang maging singer, pangarap din nyang maging mabuting Ama at Asawa at naniniwala syang kailangan nya ulit ng trabaho at sahod. Mapaglaro daw ang kapalaran, napatunayan na yan ni Mang Sergio, hindi nya sya matanggap tanggap sa trabaho dahil may sakit sya sa puso. Madalas mong makikita ang butihing ama na kundi nagkukumpuni ng bahay ay nagsusulat sa dingding, mahilig itong magsulat na ang dingding na ang ginawa nyang papel. Minsang napapatingin si Marco sa mga sulat ni Tom Jones sa dingding, matalinghaga, malayo pa sa pang unawa nya.

Maikli ang pasensya ng tatay, napatunayan na niya ito ng maraming beses. Minsan sya nitong tinuruan sa Math at nang minsang hindi sya makasagot hinampas sya nito ng ruler sa kamay. Hindi nya ito malilimutan dahil minsan nya itong dinamdam pero nakutulong ang palong iyon, mabilis syang natuto sa Math.

Bagamat walang trabaho si Mang Sergio, naging kasa kasama ito ni Aling Ester, mula sa pamamalengke ng mga ititinda hanggang sa paglalaba. Sakaling abala ang tatay, si Marco ang agad agad na karelyebo. Napag-isipan ng mag asawang magtayo ng Sari Sari store, naniniwala silang dito sila yayaman. Naniniwala naman si Marco na ito ang dahilan para madagdagan ang mga gawain nya.

Inilista nya ang sumusunod:

       Maglinis sa loob ng bahay at magwalis sa bakuran

       Paliguan si Badet, Olga at Kirara

       Magsaing

       Magpraktis sa pagluluto ng ulam

       Maghugas ng pinggan

       Maglako ng meryenda

       Magsaing ulit

       Magpraktis ulit ng pagluluto ng ulam

       Maghugas ulit ng pinggan

       Maglatag ng banig

       Magkabit ng kulambo

       Magpatulog Kay Badet, Olga at Kirara

At idagdag pa ang pagbabantay ng tindahan. Parang ayaw na nya sa pamilyang ito, gusto nyang maglayas. Napabuntong hininga sya. Napatingin sa buong kabahayan, dinaanan nya ng tingin si Aling Ester na nagpupunas ng mesa. Si Mang Sergio na nakikinig sa radyo. Si Oliver na nagkakamot ng pwet. Si Isabel na nagpupunas ng laway sa tuhod. Si Jayson na nakatungko sa bangko. Si Badet na kumakapa ng kuto at lisa mula sa kulot nitong buhok. Si Olga na nakatingala kay Aling Ester at si Kirara na papalapit at akmang magpapakarga sa kanya.

Nangangarap si Marco, gusto nyang maging 10 Years old pero ipinanganak na mayaman. Gusto nyang pagpasok sa eskwela ay hindi na muna sya uuwi. Mabilis syang nakabalik sa reyalidad nang maramdaman ang pananakit ng braso. Mabigat si Kirara at maitim. Humalik ito sa pisngi nya, naglalambing sa Kuya.

Naulinigan nya ang anunsyo ng Nanay, bubuksan na raw ang tindahan sa makalawa at hindi sya nagkakamali, siya raw ang magbabantay nito.

Napaisip sya, "Paano kung si Kirara ang naging panganay at ako ang naging bunso?" Gusto nya ng himala, himalang mangyayari lang sa isang tulugan. Bumuntong hininga sya at napakamot sa ulo bago nya ibinaba ang nakangising si Kirara.#

"BREADWINNER" Ang Titulong NakakakalyoWhere stories live. Discover now