Titulo

255 20 0
                                    

“We have now arrived at Ninoy Aquino International Airport.”

Ilang minuto pagkatapos ng anunsyong nakalapag na ang sinasakyang eroplano, nanatiling nakaupo si Marco. Tanaw nya mula sa bintana ang malamlam na liwanag ng dapit hapon. Nagsigawan at nagpalakpakan ang ilan. Nag uunahan na ang mga kasabayan nya sa pagkalap ng kanya kanyang dalahin. Nagpatihuli sya, ayaw nyang maipit sa gitna ng naglalakahing tyan. Napansin nyang tadtad ng alahas ang ilan sa mga kasakay nya, ang iba ay nakasombrero upang itago ang makintab na ulo. Marami ang naka puting Hanes T shirt, nakamaong na Levis at naka Caterpillar na sapatos, mga kilalang brand na kadalasang makikita mo sa isang tipikal na OFW mula sa Saudi. Nangingti si Marco habang pinagmamasdan ang mga kasabayan. Wala syang suot ni isa mang alahas, hindi rin nya nakahiligan ang pagbili ng mga gamit mula sa mga brand na iyon.

Di man sya gumaya sa tipikal na gayak ng isang taong nagsa Saudi. Alam nyang may pagkakapareho silang lahat sa iisang bagay, pare pareho silang nananabik na makita ang mga taong malapit sa puso nila. Pakiramdam nya’y lalaya na sya mula sa kulangan. Matapos ang limang taon, narito sya’t balik Pilipinas na. Nag iintay sa kanya sa labas ang Pamilya, sa tagal nang di nila pagkikita hindi na sya mahihiyang yakapin ang mga ito isa isa.

Nakita nya ang sariling binabaybay ang pasilyo patungo sa intayan ng sundo nya. Napansin nya ang kaway mula sa di kalayuan, sya rin namang pagbilis ng mga hakbang nya. Sa gitna ng kumpulan ng mga taong nagsisipaghabaan ang leeg, aninag nya ang pamilyar na pigura ni Aling Ester at Mang Sergio. Nakaakbay ang huli sa asawa.

“Naaaaaaaaay!” malakas ang boses ni Marco habang sunod sunod ang pagkaway.

Natawag naman nya ang atensyon ng mga magulang. Malawak ang ngiti ni Aling Ester nang kumaway pabalik sa kanya. Kumaway na rin si Mang Sergio at ang mga kapatid nyang halatang nagsipagtangkaran na.

Mabilis naman nyang tinunton ang kinatatayuan ng magulang at mga kapatid nya.

“Marco, anak..ikaw na nga ba yan?” naniningkit si Aling Ester nang magtanong ito sa kanya. Mas kalat na ang puti nitong buhok, may bilbil pa rin kahit na hindi katabaan ang pangangatawan. Tingin nya’y nangitim rin ito.

“Ako nga po Nay, medyo tumaba na nga lang.” ibinaba nya mula sa balikat ang isang malaking bag.

“Mano po!” agad nyang inabot ang maugat na kamay ng Nanay.

“Bagay naman sayo anak.” tila pambobola ni Aling Ester.

Bigla sya nitong kinurot, bigla rin ang pagngiwi nya. Nagtataka nyang tiningnan ang Nanay, pino ang kurot na iyon.

“Andito ka na nga talaga, anak.” sambit nito.

Napangiti sya sa pagdududa ng Nanay. Kinailangan pa nitong kurutin sya upang makasigurong di ito namamalikmata. Nakatulong din ang kurot na iyon upang paniwalaan rin nyang sa wakas ay kasama na nya ang pamilya.

“Tay.” Sunod nyang inabot ang makalyong kamay ni Mang Sergio. Inilapat nya ang noo sa bubong ng palad nito.

“Kaawaan ka ng Diyos, anak.” maamo ang mga matang nagpaunlak ito ng ngiti kasabay na sumilip ang ilan nitong bungi. Puti na rin ang buhok nito, mas marami nga lang kumpara kay Aling Ester.

"BREADWINNER" Ang Titulong NakakakalyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon