Siwang

267 20 0
                                    

“Kuya may nagpapa barangay kay Nanay.” mahinahon ang boses ng kapatid nyang si Isa, naghihimay ito ng dahon ng gabi na syang ilulutong ulam nila, naubos na ang ginisang petsay sa tanghalian. Nakaupo ito sa mesang kinakainan ng pamilya.

“Bakit, Isa? Ano ang naging problema?” kinakabahan si Marco sa pagkakataong iyon bakas sa mukha nya ang pagkabigla. Ito ang unang beses na may magrereklamo sa Nanay nya, kilala itong matulungin at mapagpasensya. Maraming beses na rin ang pagtatalo nito at ng asawa dahil sa kabaitan nitong inaabuso na ng iba.

“Kilala mo si Aling Susan di ba? tuwid ang tingin ni Isa sa Kuya, bahagyang nanlaki ang singkit na mata sa pagtatanong.

“Nagrereklamo iyon sa mga produktong pampaganda na ipinabebenta nya kay Nanay.” nagkamot ng braso si Isa, makati ang maghimay ng gabi, idagdag pa ang aso nilang si Brownie na nakalugmok sa paanan nya. Pinunasan nito ng laway ang pinagkamutan at isinikad ang dulo ng tsinelas kay Brownie. Umalis ang alagang aso sa pwesto nito sa ilalim ng mesa at lumipat malapit kay Gemma.

“Isa, 17 ka na. Dalaga ka na, nagpupunas ka pa rin ng laway!” nakataas ang gilid ng nguso ni Marco at nang aasar ang mga mata nito. Humila ito ng bangko bago tuluyang naupo at humarap sa kapatid.

“Nasaan ang mga produktong iyon?” tumagos naman ang tingin nya kay Gemma na nakaharap sa salamin, ipinapaligo nito ang pulbo sa mukha at leeg. Bago nya muling ibinalik ang tingin sa kausap.

“Yun nga ang problema Kuya. Hindi pa naman nabebenta ang mga produkto kaya wala pa ring pera.” may tiniris si Isa sa Mesa, may ipinahid sa suot na damit bago ito muling nagkamot at nagpatuloy sa paghihimay.

“Ibinabalik nila Nanay at Tatay kahapon ang mga produkto pero ayaw iyong tanggapin ng matanda.” Pagpapatuloy nito, himay ng dahon at bali ng tangkay, salitan itong ginagawa ni Isa.

“Bakit ayaw nya iyong tanggapin? nagsimula na syang mag alala sa pagkakataong iyon. Tumayo sya para biyakin ang niyog na gagamitin sa laing na iluluto nila.

“Naibenta na raw nito ang lahat kay Nanay at pera ang inaasahan nitong ibabalik.” si Isa, inipon nito sa isang lagayan ang hinimay. Bago tumayo at tumabi kay Marco sa may lababo.

“Ang problema kuya malaking halaga ang hinihingi ni Aling Susan, halos aabot ng Walong Libo.”

“Malaki ang perang yan Isa. Saan tayo kukuha ng pambayad?” nabigla sya sa narinig, malakas ang pwersang nanggaling sa hawak nyang itak, tumapon ang sabaw mula sa nabiyak na niyog.

Lumingon sya sa gawing kaliwa, nasilip nya mula sa siwang ng dingding ang nakaupong Nanay nya. Malaki ang plangganang kaharap nito. Tambak ang labahin at mabula sa sabon ang pagkukuskos nito. Basa ang paa at pawisan ang mukha. Nakalaylay din ang ilang buhok sa mukha.

Kaharap nito si Badet. Pawisan na rin ang kapatid. Magulo na ang kulot nitong buhok. Nakaharap din ito sa isa pang planggana. Ito ang unang tagapag banlaw. Panay ang kuskos at piga nito.

Si Olga naman ang nasa ikalawang banlaw. Ito na rin ang nakapwesto sa ikatlo at pang huling banlaw. Di makikita sa mukha ng kapatid ang kapaguran, pawisan din ang mukha nito pero maaliwalas pa ring tingnan.

"BREADWINNER" Ang Titulong NakakakalyoWhere stories live. Discover now