Kalendaryo

251 20 3
                                    

Tatlumpong minuto bago sumapit ang hating gabi, pawisan ang likod at mukha na narating nya ang bukana ng sariling kwarto. Sinalubong sya ng mga pinatutuyong sinampay. Agad nyang inilapag ang bitbit na pagkain sa mesang kinakainan nya. Kumuha sya ng baso at nagsalin ng tubig saka nya pinatid ang uhaw sa sunod sunod na paglagok. Siyam na buwan ang tag init sa Riyadh, ito ang mga panahong laging tagaktak ang pawis nya sa tuwing nasa labas sya ng bahay o trabaho. Tatlong buwan na lang ang natira para sa panahon ng tag lamig, iyon naman ang panahong pati sipon nya may tsansang magyelo.

Inilapat nya ang pwet sa gilid ng kama matapos makapagpalit ng damit. Inabot nya ang kanang paa at bahagyang hinilot. Sampung oras ang inilalagi nya sa trabaho habang kulang sa pitong oras naman ang tulog nya sa gabi. Nangangalit na ang mga ugat nya sa paa sa pagtayo habang banat ring lagi ang ugat nya sa leeg. Puhunan nya ang tibay ng paa at ang boses na mangungumbinse para makabenta. Mula sa mga librong tinda nila hanggang sa mga makabagong produkto ng Teknolohiya, naranasan na nyang ibenta. Napatunayan nyang kung gaano kahirap kumita ng pera ganoon naman ito kadaling dumadaan sa palad nya.

Napatingin sya sa kalendaryong nakasabit sa uluhan ng higaan nya. Matagal na panahon na hindi nya ito nakatitigan. Ilang beses silang nagbilangan noon, lagi syang talo sa huli. Ilang daang tulog na nga ba ang nagdaan? Ilang palit na nga ba sya ng kalendaryo? Isang buwan na lang at maisasara na nya sa limang taon ang bilang ng paglalagi nya sa Saudi. Mahabang panahon para sa mahabang listahan ng mga bagay na gusto nyang bigyan ng katuparan.

Ang unang anim na buwan nya ay napuno ng mga gabing di sya mapagkatulog. Bumagsak ang timbang nya at mas humumpak ang pisngi, ganoon yata talaga ang nagagawa ng masyadong pag iisip. May mga sandaling ibinabaon nya ang mukha sa unan. Marami rin ang luhang kusa na lamang nyang pinakawalan. Mahirap ang mamuhay mag isa, ang dating iniaasa nya sa iba, sya na ang gumagawa. Mula sa pagluluto ng sariling pagkain hanggang sa paglalaba ng maruming damit, wala na syang kawala. Si Aling Ester ang dating gumagawa ng lahat ng iyon para sa kanya, noon nya napahalagahan ang mga simpleng bagay na hindi nya dati nakikita. Nangulila sya sa mga kapatid at sa mga magulang nya, ayaw nya ang pakiramdam na iyon. Dadaigin nya ang mga artista sa telebisyon sa tuwing aatakihin sya ng lungkot. Para syang nana na tutusukin ng karayom sa tuwing maiisip ang pamilya, puputok sya anumang oras.

Naging matalik na kaibigan nya ang cell phone, kung hindi ito laman ng bulsa, katabi ito sa pagtulog nya. Hihinto sya sa anumang ginagawa sa tuwing tutunog ito, magmumulat sa dis oras ng gabi para magbasa ng mensahe. Mahigpit ang kapit nya rito sa tuwing makakatanggap ng pangangamusta mula sa Pilipinas, halos itapon naman nya ito kapag ang mensahe ay may kinalaman lang sa pera. Hindi nya binubura ang mga mensaheng bumubura naman sa kalungkutan nya, “Ingat ka palagi dyan Kuya.” “Magdasal ka palagi, anak.” Ito ang binabasa basa nya sa gitna ng pahinga. Ngumingisi syang mag isa sa tuwing maaalala ang masasayang sandali sa bahay nila. Ang pag aagawan nilang magkakapatid sa ulam at ang pagsasaway ng mga magulang nya. Minsan na rin syang nabigla nang malakas ang boses nyang nasabi na, “Akin na lang ang tutong!” sa gitna ng byahe nilang magkakatrabaho pauwi sa bahay. Naging maingat sya simula noong nabasa nya sa tingin ng mga ito ang pagdududa sa katinuan nya.

Hindi rin naging madali ang hamon sa trabaho nya. Kinailangan nyang makisama sa iba pang lahi, sanayin ang sarili sa magkakaibang tono sa pagsasalita, ugali at paniniwala ng mga ito. Islam ang relihiyon ng karamihan sa katrabaho nya. Higit sa limang beses ang pagdarasal ng mga ito sa loob ng isang araw. Dito nya naisip na hindi nya dapat kalimutang magdasal, nahihiya sya sa katotohanang isang beses na nga lang hindi nya pa nagagawa.

"BREADWINNER" Ang Titulong NakakakalyoWhere stories live. Discover now