Garapon

454 34 10
                                    

“Kuya, gising na!” maliit at matinis ang boses na galing sa isang batang hindi makita sa dilim, si Gemma. Kasama nito ang isa pang batang babae na nabuhusan ng biyaya ng kaputian, si Olga. 

Kinusot kusot ni Marco ang mata, nag unat ng paa at nag munimuni. Naalala nyang Linggo ngayon, ngayong araw ang grand opening ng tindahan. Parang gusto nya magkasakit upang hindi na muna bumangon sa higaan. Kaya lang makulit ang dalawang batang nakatambay sa gilid ng papag. Isa pa, mahirap tiisin ang mga maaamo nitong mata at ang nagliliwanag nitong mga ngiti.

Nagpasya si Marco na iwan ang papag na kawayan, butas na kumot at unang may mapa. Naiwan si Oliver na nakanganga at basa ang pisngi. Naiwan din si Jayson na bahagyang bukas ang mata sa pagkakahimbing, tulad ng dati ngumuya na naman ito na parang may ginigiling.  

“Tara na, ano ba ang gusto nyong almusal?” mabahong tanong ni Marco sa pangangarap na marami ang pagpipilian.

“Ispageti, Kuya!” sagot ni Olga.

“Lugaw, Kuya!” request naman ni Kirara, na nakatingala na sa Kuya at nagiintay na kargahin.  

Sa kakapit kwarto na pinaghihiwalay lang ng manipis na plywood, dinaanan nila ang dalawa pang prinsesa.

“Isa, umaga na, gising na.” binulungan ni Marco ang tenga ng batang amoy laway. Sya namang pihit nito palayo sa bibig ng Kuya.

“Badet gising na, bahala kayo wala na kayong pagkain mamaya!”

Sabay na bumalikwas ang dalawang prinsesa, si Isa ang nauna. Kasabay ng hangin ang amoy ng laway nya. Kasunod si Badet na mabilis na naalerto, lumundag ang kulot na buhok nito sa kaliwang balikat. Takot silang maubusan ng almusal, ito ang madalas at pinaka epektibong pang gising ni Marco.    

Nadatnan ng magkakapatid ang isang mesang nababalutan ng berdeng mantel. Kasya ang siyam na tao sa mesa pero madalas na siksikan sila, nagaabot ang mga braso. Sa mesa nag iintay ang isang balot ng tinapay na paghahatian nilang magkakapatid at ang isang mangkok ng lugaw para kay Kirara.

Taas paang nag almusal ang lima. Kurot ng tinapay, sawsaw, ihip, lunok. Si Kuya lang ang nagmu-multitasking, salitan ang pagkain nya ng almusal sa pagpapalamig at pagsusubo ng lugaw kay Kirara. Nahuli ng gising ang dalawang prinsipe. Si Oliver pango at si Jayson bukol. Swerteng naabutan pa nila ang almusal.

Mabilis na natapos ang umaga. Dumating mula sa pamimili ng paninda ang butihing Nanay at Tatay. Agad na nag anunsyo sa pagbubukas ng Sari Sari Store. Tatawagin nila itong “Lucky 7 Sari Sari Store”. Sumisimbulo ito sa pitong magkakapatid, ito rin ang simbulo ng dagdag gawain ni Marco.

“Anak, kailangan natin i-repack yung mantika, toyo, suka at asukal ha? panimulang utos ni Aling Ester.

“Ikaw ang magbantay sa tindahan pagkatapos mong paliguan sila Isa, Badet, Olga at Gemma." pagpapatuloy nito habang naglalagay ng presyo sa sardinas katulong ang asawa.

Iyon na ang huling narinig ni Marco. Hindi na malinaw sa kanya ang iba, pakiwari nya'y nakikinig sya sa isang taong nagsasalita habang nakalubog sa ilalim ng tubig. Hindi pa man tapos si Aling Ester sa pag uutos ay nangangati na ang ulo ni Marco, hindi dahil sa kuto, awtomatikong nangati ito sa pagkainis. Halos masugat ang anit nya sa pagkakamot, mapiga ang suot na damit sa gigil at mawalan ng boses sa pananahimik.

Wala syang magawa, pagkatapos mapatingin sa kawalan at maluha ay nakita na lamang nya ang sariling may hawak na tabo. Nakaangat ito, ibinubuhos ang tubig sa isa nya pang kamay, bukas ang palad nyang nag silbing kunwaring shower. Apat na prinsesa ang nasa ilalim nito, tumitili, pumapadyak at nag uunahan sa pumapatak na tubig.

Mabilis na natapos ang tanghali at opisyal ng bukas ang tindahan. Nagtitimbang ng asukal Si Marco pagkatapos ay pinagdiskitahan naman nya ang mantika. May pailan ilang bumibili. Nakabili na rin ang ilang kapit bahay na tsismosa. Nakabisita ang ilan sa mga kapitbahay nilang lasenggo. Dito nya unti unting makikilala kung sino ang madalas mangutang at bihirang magbayad. Makikilala rin nya ang mga kaibigan daw ng Nanay nya pero hindi nya pa makikilala kung sino sa kanila ang tunay.

***

Mabilis na dumaan at lumipas ang mga araw, dumating na muli ang Linggo. Mula sa screen sa tindahan, tanaw nya ang pakikipaglaro ni Isa, Jayson, Badet at Olga sa mga kapwa batang hindi pantay pantay ang laki. Nagtatawanan at pawisan.

Si Kirara, mahimbing ang tulog sa duyan habang puspusan naman ang paghila nya sa tali mapahaba lang ang tulog nito. Si Oliver matapos ang pag aalmusal kanina ay hindi na nakita pa sa loob ng bahay. Tulad ng dati tumakas na naman ito para makipag laro at mag praktis makipag suntukan. Si Aling Ester na nag iwan ng lutong ulam ay umalis upang mamalengke kasama ni Mang Sergio. Madalas na wala ring pahinga ang Nanay at Tatay nya, sya sigurong dahilan kung bakit madalas ay pinipili nyang tumulong sa gawaing bahay at sumunod sa tambak na utos nila.

Alam na rin nya ang presyo ng bawat paninda. Natikman na ang lahat ng klase ng tsokolate. Minsan na rin syang nangupit ng pera ngunit naibalik din nya makalipas ang isang oras. Noon nya nakilala si Konsensya. Ayaw nya ng sabado at linggo dahil sa mga araw na iyon nagiging full time ang duty nya. Sa kabila ng lahat ng inis sa tuwing makukulong sa tindahan, may isang bagay ang madalas na mag pangiti sa kanya, ang tsokolate sa garapon.

Sa kung saan saang sulok na ng bahay nya naitago ang mga balot nito, minsan na rin syang napagsabihan ng Tatay na wag kainin ang mga paninda kung ayaw nitong mabangkrap ang tindahan. Marupok si Marco, madalas ng hindi nya pagsasalita sa tuwing nagtatanong ang tatay ay dahil sa tinutunaw na tsokolate sa bibig.

Sa kabila ng lahat, likas sa kanya ang pagiging masipag, madalas syang purihin ng mga kaibigan ng Nanay nya. Mahilig syang mag linis ng bahay habang nakikinig sa mga paboritong kanta ni Mang Segio tuwing linggo. Minamani nya ang pagpapaputi sa pwet ng kaldero at kawali. Unti unti na rin syang nagiging eksperto sa pag luluto. Nalampasan na nya ang pag sasaing ng hilaw dahil ngayon mas madalas na ang muntik na pagkakatutong ng kanin.

Wala naman syang problema sa lahat maliban sa minsang pagkainggit sa mga kalaro. Napapaisip sya, "Bakit hindi ako makapaglaro tulad nila?"

“Yung iba kong kalaro, natuto nang magbisekleta at magbasketbol. Ako, ano na ba ang natutunan ko?” himutok nya kasabay ng pagdukot sa tsokolateng nasa garapon.

Nasa gitna sya ng kalungkutan nang sumagi sa isip nya ang katabi nya sa klase. Nangangalahati na rin ang kanina'y puno pang garapon. Ang batang babae ang dahilan ng pagpasok nya araw araw kahit na may sakit. Ang dahilan ng madalas na pag taas nya ng kamay kahit hindi alam ang sagot. Ang dahilan ng pagkabog ng dibdib nya. Ang batang babae na katabi nya mismo sa paborito nyang mesa, si Divina.# 

"BREADWINNER" Ang Titulong NakakakalyoWhere stories live. Discover now