Kalyo

255 23 2
                                    

“Nak, kumain ka na muna. Magpahindag ka bago matulog ha.” ani ni Aling Ester na naghahanda ng almusal para kay Marco.

Naglagay na ito ng kanin sa pinggan at nagbukod na ng ulam para sa kanya. Umuusok pa ang sinigang, tamang tama ito sa kumakalam na sikmura nya. Nakaupo na si Marco, bakas ang puyat sa nanlalalim na mata nito.

“Salamat po nay.” nakangiti sya habang pinagmamasdan ang Nanay.

Maganda pa rin ang Nanay nya kahit na nangitim na ang dating maputing balat dahil sa pagtitinda. Kahit na mabilis itong pinatanda ng panahon. Maasikaso at malambing pa rin ito. Pakiramdam nya napapawi ang pagod nya sa tuwing aasikasuhin sya ni Aling Ester. Panganay sya pero kung tratuhin sya nito ngayon ay para rin syang bunso.

Minsan na syang pinagselosan ni Oli dahil dito. Si Kuya Marco nya ang paborito. Siya daw ang laging magaling. Siya daw ang nagpapasok ng pera sa pamilya. Nakita sya ni Oli bilang kumpetisyon sa atensyon ng magulang. Para matuon ang atensyon sa kanya, nag umpisa itong magbulakbol, mag inum at mag sugal. Muntik na itong di ka makapagtapos sa High School. Nagpadala ito sa impluwensya ng barkada. Napunta sa kanya ang atensyon ng mga magulang, atensyong inakala nyang hindi ibinibigay sa kanya. Nakuha ni Oli ang gusto nya.

Nagkamali si Marco na susunod sa apak nya si Oli, kahit na nakapagtapos ito ng highschool. Hindi ito nagsikap na makahanap ng trabaho tulad nya. Dalawa na silang nakapag highschool pero mag isa pa rin syang nagtatrabaho.

Sumikat na ang araw ng dumating si Marco kanina. Pang gabi sa ikalawa nyang trabaho, sa araw ang oras na itutulog nya. Sa isang sikat na pabrika sya ng Ice Cream nakapasok bilang Factory Worker. Magaan ang trabaho, talukap lang ng mata ang mabigat sa panlalaban sa antok. Masakit sa mata ang sikat ng araw sa tuwing lalabas sya ng trabaho. Pauwi’y madalas na nakanganga sya sa Jeep sa sobrang antok. Mabuti na lamang at sa terminal ang baba nya, madalas syang gisingin ng ilang pasaherong kasabayan nya.

Sa bahay, tulog manok madalas dahil madali syang nagigising sa ingay. Bumagsak na gamit, ingay ng mga kapatid, tahol ng aso at away ng kapit bahay. Alam nya ang tunog ng bawat isa. Idagdag pa ang mainit na singaw ng yero at pawisang likod. Ilang buwan din bago nakibagay ang katawan nya, ilang puyat din bago nya nakasanayang matulog sa kabila ng lahat ng mga ayaw nya.

Mabilis ang mga araw, sing bilis ng pagdaan ng mga pay slip at pera sa palad nya. Nagbabayad sa di matapos tapos na utang ng pamilya. Ilang buwan na lang at magtatapos rin ang kontrata nya sa trabaho, kailangan na naman nyang humanap ng iba.

***

Nagtapos na ang ikalawang kontrata nya. Natikman na nya ang lahat ng klase ng ice cream. Natikman na rin ito ng pamilya Salazar. May mga nadiskubre sya, mahilig pala si Mang Sergio sa ice cream, nakikipag agawan pa ito kay Gemma. Mayaman na sana sila kung naipon lang nila lahat ng sinahod nya, kaya lang ang tanging naipon lang ay ang mga pay slip nya. Masakit palang isipin kung saan na napunta ang pera kaya tatlong beses nya lang yun tiningnan bago napagpasyahang itapon. 

Hindi mabilang ang ilang ulit na pagbili nya ng dyaryo at paghahanap sa Classified Ads. Hindi rin mabilang ang interview at exams na naibagsak nya matapos ma blangko sa kaba. Nakailang beses na rin na umalis siya ng maaga sa bahay at gabi na nakauwi makahanap lang ng trabaho. Matapos ang ilang ulit na pagbili ng biskwit at pag inum ng softdrinks sa plastik ng yelo.

"BREADWINNER" Ang Titulong NakakakalyoWhere stories live. Discover now