Alak

201 17 0
                                    

Pasensya na po sa eksena sa chap na ito, kinailangan ko lang po para sa pag usad ng kwento. Nalalapit na rin po tayo sa pagtatapos. Salamat na muli sa suporta, wag po kayong mahiya na i-PM ako kung meron mang suggestion para mapagbuti ko pa. -JC

Mabilis na lumipas ang mga araw, hinila nito ang sandaling pinakaiintay ni Marco.   

“Cheers!” sabay sabay itong isinigaw ng magkakaklase.

“Akalain mong nakatapos din tayong lahat!” sigaw ni Marco, bakas ang kasiyahan sa mukha nya. Naka puting sando at itim na short, katabi nya si Milena.

“Congrats sa ating lahat!” banat naman ni Noemi, katabi nito si John na noon ay pasimple nang umakbay.

“Trabaho naman ang hahanapin natin!” malakas ang pagkakasabi ni John na sinundan rin ng malakas na pagtawa.

“Ayos lang yan ang mahalaga nakatapos na tayo!” malapad ang ngiti ni Milena, bahagyang nakahilig ito kay Marco samantalang mapungay naman ang mga mata ng binata na masuyong nakatingin dito.

“Cheers!” sabay sabay ulit silang sumigaw, mabilis na naubos ang laman ng kanya kanyang baso.

Isang araw matapos na tumanggap ng diploma sa pang dalawang taong kurso nila. Magkakaharap ang magkakaibigan, pumapagitna sa kanila ang isang bonfire. Sabado na ng gabi napadpad sila sa isang resort sa Batangas. Halos mag hapon din nilang sinulit sa paglangoy ang ganda ng dagat. Hindi pa gaanong puntahin ng tao ang resort, malinis ito at puti ang pinong buhangin. Nagkayayaan ang apat para sa selebrasyon ng pagtatapos nila. Pumayag ang mga magulang ni Marco kasabay ng paalalang dapat na mag ingat sila sa lakad.

Nakaupo sa buhanginan ang apat habang patuloy na nagpapaligsahan ang mga ito sa pag inum sa serbesa. Inabot ni Marco ang basong ipinasa ni John, tumapon pa ang laman nito sa kamay nya. Mabilis nya uling nilaklak ang laman, dinamdam nya ang hagod sa lalamunan mula sa ininom. Ibinalik nya ang baso sa nagbigay at nagintay na magkalaman itong muli. Paulit ulit ang pasahan, habang salitan naman sa pagtanggi at pag inom sila Milena at Noemi.

Napuno ng tawanan at asaran ang pagkakaharap nilang apat. Napag usapan din ang ligawan nila John at Noemi at ang tanda ni Milena kay Marco. Kung saan saan pa nakarating ang usapan. Nagkaroon din ng kantyawan sa pagitan ng mga tagay.

“Marco, ilang anak ba ang gusto nyo ni Milena?” namumula na ang pisngi ni John nang magtanong habang basa ang nguso sa katatapos na tagay.

“Isang dosena pare!” seryoso ang mukha nya ng sinagot ang tanong, sumabog ang pinipigilan nyang tawa nang hampasin sya sa braso ni Milena.

“Basta Milena, wag ka papalosyang kaagad ha! Dapat mag aayos ka pa rin kahit na marami na kayong anak ni Marco!” si John.

“Mahirap daw manganak kaya kung gusto ni Marco ng isang dosena sya na lang magbuntis!” sinabayan nito ng tawa ang paglipad ng kamay sa ulo ni Marco. Dumaplis doon ang isang kutos. Nagtawanan silang dalawa bago muling naglapit.

“Kami naman ni Noemi, dalawa lang!”

“Dalawang dosena!” umalingawngaw ulit ang tawanan, matapos na maghilahan sila Noemi at John.

"BREADWINNER" Ang Titulong NakakakalyoOn viuen les histories. Descobreix ara