Maleta

232 20 4
                                    

“Akala ko hindi na kita makikita, akala ko talagang nagtago ka na sa akin.”

Hinuli nya ang mailap na mata ni Milena. Ginalugad nya ng tingin ang babae, malapad na ang ilong nito, nangingitim ang leeg at tulis ang namumukol na tyan. Gusto nya itong yakapin kaagad kung hindi lang sagabal sa pagitan nila ang nalunok nitong pakwan.

Pitong buwan silang di nagkita, matagal ang panahong iyon. Hinanap hanap nya ito, walang araw na di nya ito naalala. Linggo linggo syang bumabalik sa bahay na tinutuluyan nito. Ganoon na lamang ang kasiyahan nya nang sa pagkatok nya sa araw na ito’y lumabas mula sa pinto si Milena.

“Patawarin mo ako sa walong buwan na di mo ako nakasama.” inabot nya ang kaliwang kamay nito, inilapit nya ito sa labi at saka ginawaran ng halik.

“Magiging mabuting asawa ako sayo.. at mabuting tatay para sa magiging anak natin.” nagpatuloy sya, kung mabubura ng mga salitang iyon ang sakit na ibinigay nya kay Milena, wala na syang pakialam kahit matuyuan sya ng laway.

Nanatili itong nakatingin sa kanya, nakikinig at tila sinusuri ang mga salitang binitawan nya.

Nag iintay sya ng sagot. Singlaki ng tiyan ni Milena ang pag asa nyang kalilimutan nito ang tampo sa kanya. Hindi ito babalik roon kung hindi pa ito handang makita sya.

Unti unting bumuka ang labi nito. Handa syang basahin mula roon ang sagot nito sa kanya.

   

Pitong buwan na hindi nya ito nakita. Pitong buwan na wala sya sa tabi nito. Gusto nyang magpakatatay para sa magiging anak nila, gusto nyang bumawi kay Milena. Alam nya ang pagkukulang nya, hindi pa huli ang lahat para punan nya iyong lahat.

Naramdaman nyang may marahang kumakalabit sa kanya.

“Chicken, beef or Fish?” tumunghay sa harapan nya ang isang nakaunipormeng babae na nababalot ng balabal ang ulo.Tila pinagsasampal ito sa pula ng pisngi at mapula din ang nguso nito. Bahagya itong nakangiti, may hila hila ito at tila nag iintay ng sagot nya.

Ilang segundo pa ang inabot bago nya nahatak ang ulirat sa sandaling naroon sya. Nagbalik sa alaala nya na kasalukuyan syang nasa eroplano. Dagli nyang hinanap ang kanina’y inabot sa kanyang papel. Mabilis nya itong pinasadahan at namili ayon sa pagkakaintindi nya sa lasa, pupungas pungas nyang isinagot ang “Fish!”

Sunod sunod na ibinaba sa harapan nya ang mga pagkaing huhupa sa gutom nya.

“Enjoy your meal. Sir!” pagkasabi’y mabilis na nawala sa gilid nya ang babaeng namumula.

Nakatunganga sya sa harapan ng pagkain. Panaginip. Pakiramdam nya’y totoo ang lahat iyon kanina. Ang muli nilang pagkikita ni Milena, ang mga sinabi nya rito. Ang iniintay nyang sagot. Tila mas bumigat ang pakiramdam nya, magpahanggang sa ngayon di nya maialis sa isip ang pagaalala para kay Milena.

Ilang milya na ang layo nya sa ngayon. Wala na itong atrasan pa. Iginala nya ang tingin sa helera ng mga upuan sa harapan nya, lalaki ang karamihang sakay dito. May malago ang buhok, may napapanot at mayroon naman tuluyan nang pinagtaksilan ng sariling buhok, hindi nya pa alam kung saang grupo mapapabilang. Kung ano ang kanya kanyang dahilan ng mga ito kapalit ng pagkalagas ng buhok sa bansa ng mga Arabo, hindi sya sigurado. Ang tanging malinaw sa kanya ay ang dahilan kung bakit sya sumakay ng eroplano, ito na ang kasagutan ng pangarap nyang makaahon sa kahirapan.    

"BREADWINNER" Ang Titulong NakakakalyoWhere stories live. Discover now