Pay Slip

275 23 3
                                    

Good Morning Sir! bati ni Marco sa isang lalaking nasa edad kwarenta, malaki ang tyan nito at may kaliitan ang suot na damit, kaunti na lang at labas na ang pusod nito sa lawlaw na pantalon.

“Good Morning din Marco. Ako si Mike ang bisor ng lahat ng messenger dito." nagkakamot ito ng pwet habang kinakausap sya.

“Ipapaliwanag ko sayo ang duties natin dito, hindi lang tayo messenger, tayo ay janitor din at ituturo ko sayo ang lahat ng mga lugar na kailangan nating linisin.” Inaamoy nito ang daliri habang nakatingin kay Marco.

Nilibot ng mata ni Marco ang paligid. Malaki ang kumpanyang napasukan nya. Marami ang nakaparadang kotse, nabibilang ang mga taong nakikita nya sa labas. Sa pag punta sa opisinang magiging assignment nya ay naipakilala na sa kanya ang ilan nya pang ka trabaho, matatanda na ang mga ito. Ito yata ang kauna unahang pagkakataon na magiging bunso sya.

Pumasok sila sa isang opisina, malaki ito at mukhang mamahalin ang mga muwebles. Ipinakita sa kanya ni Mike ang mga lugar na kailangan niyang linisin. Una silang nag punta sa kusina, tambak ang mga hindi pa nahuhugasang plato at baso doon. Naalala nya ang laging paalala ni Aling Ester sa kanilang magkakapatid, hugasan nyo na ang pinagkainan bago pa kayo unahan ni Muning. Gusto nyang magdala doon ng pusa pagkakita sa mga nakatenggang linisin.

Sunod nilang pinuntahan ang mga mesa ng mga magiging amo nya, nakita nya ang mga tambak na papel. Ipinaliwanag sa kanya ni Mike na kailangan niyang malinis iyon bago pa ang pagdating ng mga empleyado. Tumango sya, ngumisi naman si Mike bago nangulangot.

Pinaka huli nilang pinuntahan ang banyo, pag silip pa lang ni Marco gusto na nyang ilabas ulit ang ulo. Habang nagsasalita si Mike, napatingin naman si Marco sa inidoro at nakitang may lumulutang doon. “Ilang taon na ba ang mga nagtatrabaho dito para makalimutang palubugin kung anuman ang inilabas at pinalutang nila?” naisip nya. Sinabi ni Mike na kailangan daw na laging malinis ang banyo. Tumango tango sya habang nanlalaki ang butas ng ilong sa pagpipigil ng hininga.

Marami ang bilin ni Mike, mas nahigitan pa nito ang bilin ni Aling Ester bago sya umalis ng bahay kanina. Tinandaan nya ang lahat ng gagawin, sisiw lang ito sa kanya. Kailangan nyang pagbutihin, nakarami din sya ng bayad sa Xerox-an para lang di mahalata ang pandadaya nya sa Birth Certificate. 18 ka na dapat para makapasok sa kumpanyang iyon. Si Marco hindi na nag 17, iniwan nya kaagad ang pagiging 16 sa kagustuhang makapasok ng trabaho. 18 na sya kaagad, isang pandarayang alam nyang mali pero kinailangan nyang gawin.

***

Alas kwatro pa lang ng madaling araw, gising na si Marco. Sinamahan sya ng Nanay at Tatay nya na noon ay nakahalukipkip habang nagkakape. Mabilisan nyang iniwan ang dalawa matapos  na sumipol ang takure, hudyat na mainit na ang tubig. Ibinuhos nya ito sa timba at tinantya ang init. Bumilang sya ng lima bago dali daling ibinuhos ang tubig sa katawan. Malamig sa madaling araw lalo pat nanunukso ang hangin. Sa labas ng bahay malapit sa kusina naligo si Marco, masikip kasi ang banyo nila at kadalasang nahuhulog ang sabon nya sa inidoro. Ayaw na nyang dumukot sakaling mahulog itong muli. Pagkatapos ay mabilisang sawsaw ng tinapay at lagok ng kape ang ginawa nya. Mabilisan din ang pamamaalam nya sa Nanay at Tatay nya. 

"Ingat Nak, galingan mo ha!" pahabol na bilin ng mga ito.

Kailangan nyang abutan ang alis ng jeep sa alas singko, kailangan nyang makarating sa trabaho bago mag alas sais. Mabilis ang bawat hakbang nya. Nakamaong at nakaputing t-shirt, bahagyang tumangkad, talagang binata na si Marco. Lawit dila nyang narating ang jeep, nakisuyo sya sa mga iba pang sakay na umurong at mag bigay daan para makaupo sya. Halos lahat ng pwet na nakaupo doon ay nag ayos ng pwesto bukod sa isang lalaki na ayaw umurong.

"BREADWINNER" Ang Titulong NakakakalyoWhere stories live. Discover now