Pinto

241 20 2
                                    

Maghahapon na nang makababa si Marco sa sinasakyang jeep, kumakalam na ang sikmura nya. Dinala sya ng paa sa isang pamilyar na kanto. Binaybay nya ang daan patungo sa tinutuluyan ni Milena, bitbit ang pag asang makikita nya rito ang sadya. Mabilis ang mga hakbang nya, mas lamang ang kagustuhan nyang makausap si Milena kaysa sa malamnan ang nagaalburutong tiyan.

Dalawang araw matapos na matanggap nya ang tawag ni Milena, dalawang araw matapos na babaan sya nito ng linya. Dalawang araw din matapos malaman nyang magiging responsable na sya sa isa pang buhay. Paano nya nagawang pag isipan pa ang bagay na iyon? Kailangan nyang makita si Milena at makasiguro na maayos ang kalagayan nito.

Burado na ang lahat ng alinlangan nya, wala syang karapatan na pagdudahan ang babae matapos na ibigay nito ang sarili sa kanya. Haharapin nya ang sitwasyon dahil alam nya sa sariling ito ang dapat nyang gawin. Mahal nya si Milena at ngayong dala nito ang magiging anak nila, mas lalo nya itong mamahalin. Pagsisikapan nyang maibigay ang magandang buhay para sa kanila.

Tanaw na nya ang pamilyar na pinto, sinuyod ng mata nya ang paligid. Ito ang unang beses na kakatok sya sa bahay na iyon. Madalas nasa labas lamang sya, nag iintay sa sandaling itatago na ulit ng pinto si Milena. Sa oras na iyon, umaasa syang lalabas ito mula roon. Naging mabilis ang paghakbang nya, nakita na lamang nya ang sariling kamao na nakatapat sa pintong yari sa narra. Humugot sya ng malalim na hininga at saka dalawang beses na kumatok.

“Tao po.” nakiramdam sya subalit wala syang naririnig na kaluskos o ingay.

Sinundan nya ng dalawa pang katok at sa pagkakataong iyon, mas binigatan nya ang paglapag ng kamay.

“Tao po.” mas malakas na pag sigaw nya, nag umpisang nagsulputan ang butil ng pawis nya sa mukha.

Bigla syang nakarinig ng ingay mula sa binubuksang kandado. Saglit syang umurong palayo sa pinto. Pilit nyang pinahuhupa ang lagabog sa dibdib nya, nag intay syang saglit na lumuwag ang pag hinga. Inihanda nya ang sarili sa muli nilang pagkikita ni Milena. Agad nya itong yayakapin ng mahigpit at mas hihigpitan nya pa, sigurado syang mawawala ang tampo nito sa kanya. Kilala nya si Milena, alam nyang di sya nito kayang tiisin.

Unti unting iniluwal ng pinto ang isang maputing babae na nasa edad apatnapu. Tuwid ang tingin nito sa kanya. Hindi matalas ngunit hindi rin maamo ang tingin nito. Bumuka ang labi nito at nagtanong, “Bakit iho, sino ang kailangan mo?”

“Magandang hapon po.” panimula nya, may pagkadismaya sa bumungad sa kanya. “Kaklase po ako ni Milena.” pilit nyang iniingatang wag manginig ang boses habang tuwid pa ring nakatingin sa kanya ang babae. Bilang nya ang kurap nito.

“Pwede ko po bang makausap si Milena?” pasimple nyang sinuyod ng tingin ang gawing likuran ng kausap. Nakita nya ang isang sofa set at isang malaking tv. Wala syang nakitang anino ng hinahanap nya.

“Naku Iho, umalis sya at umuwi ng Quezon kahapon lang.” tuwid at tila naghahabol ng oras ang sagot nito. Bahagya rin nitong niliitan ang pagkakabukas ng pinto.

Hindi nya alam kung anong sasabihin matapos ang narinig. Gusto nyang makasiguro na nagsasabi ng totoo ang kausap nya. Gusto nyang hawiin ito sa kinatatayuan, hahalughugin nya ang buong bahay makita nya lang si Milena. Kailangan nya itong makausap, wala na syang panahon pa para ipagpabukas ang sadya. Hindi na makapag iintay lahat ng gusto nyang sabihin kay Milena.

"BREADWINNER" Ang Titulong NakakakalyoWhere stories live. Discover now