Bulsa

249 18 0
                                    

Nakatitig si Aling Ester kay Marco habang nagtatanggal ng bato sa sasainging bigas, kanina pa kasi ito papalit palit ng damit. Una ay nagsuot ito ng itim na t-shirt at hinubad. Nagsuot ng polo at pagkatapos ng ilang ikutan sa salamin, hinubad din ito. Ngayon ay sinisipat naman nito ang puting t-shirt na suot. Ito ang ilan sa mga damit na nabili nya mula sa pagtatrabaho.

Masaya si Aling Ester sa pagbabalik eskwela ng anak. Wala silang naipon para makapag aral sa kolehiyo si Marco. Ang kapatid ni Mang Sergio na si Vickie, nagtatrabaho sa ibang bansa ang tumulong para makatuloy sa pag aaral ang panganay nya. Masaya sya dahil alam nya ang pangarap at ang mga hirap na pinagdaanan na ni Marco. Alam nya dahil minsan ginusto rin nyang makapagtapos. Sa isang banda nalulungkot sya, wala nang tutulong sa kanilang mag asawa. Si Marco ang talagang naasahan nila simula pa noon.

“Nak, kanina ka pa dyan sa salamin ah, mababasag na yan! Gwapo ka na anak kahit ano pa ang isuot mo.”  pagbibiro nito kay Marco, tinapunan nya ito ng ngiti.

Binata na talaga ang panganay nya. Naalala nya ang panahong sya pa ang nagsusuot ng damit dito. Mas matangkad na ito ngayon sa kanilang mag asawa. May pagkakulot ang buhok nito, lalo itong naniningkit sa tuwing tatawa, bihira nya nga lang itong makita sa anak. Matangos ang ilong at may pagka misteryoso ang maamo nitong mukha. Hawig nya ito at base sa mga dalagang nagkakaron ng intres dito sa lugar nila, totoo ang sinabi nyang gwapo ang Marco nya.

Tumayo sya mula sa pagkakaupo, may dinukot sa pitaka at lumapit kay Marco na noon ay nagsusuklay na. Isinilid nito sa bulsa ang isang perang papel.

“Baon mo anak para may pangkain ka, mag aral ng mabuti ha at konting ingat sa mga babae." tinapik nito sa balikat ang anak.

“Wag mong sayangin ang tulong na ibinibigay sayo ng Tiya mo.”

Kinuha ni Marco ang laman ng bulsa at sinipat, nagliliwanag ang mata nya bago bumaling kay Aling Ester.

“Isang Daan? Salamat po nay!” ngumiti sya katulad ng mga ngiti nya sa tuwing maghahanda ng pansit ang Nanay nya.

“Hayaan mo po nay, makatapos lang ako, magtatrabaho ako kaagad!”

Isang beses pa syang  bumalik sa salamin at isang beses pa ring sinipat ang suot bago tuluyang nagpaalam sa Nanay nya. Iniwan nya si Aling Ester na naghuhugas na ng bigas na isasaing. Inihatid sya ng mata nito hanggang sa tuluyan syang makalampas sa pinto ng bahay nila.

Bago pa sya magpasyang bumalik sa eskwela, alam na nya ang dapat nyang gawin. Malinaw ang mga ito sa kanya.

Matapos ang dalawang taong kurso nya at makapagtrabaho kaagad. Wala sa isip at plano nya ang manligaw o pumasok sa isang relasyon. Kailangan nyang ituon ang atensyon sa pag aaral.

***

Tanghali na dumating si Marco sa unang klase nya. Nahirapan syang makasakay dahil kadalasang matao at siksikan tuwing Lunes. Makamasa ang Vocational School na napasukan nya, abot kaya ang halaga ng bayarin doon at de kalidad ang klase ng pagtuturo. Kaya naman marami ang nag aaral dito. Pagkadating sa eskwelahan ay dinaanan nya pa ang grupo ng ilang estudyante na nakakumpol. Maingay, magulo at siksikan ang pasilyo. Nakipagpatintero din sya sa ilan bago tuluyang makarating sa ikalawang palapag.

"BREADWINNER" Ang Titulong NakakakalyoWhere stories live. Discover now