PROLOGUE

11.8K 165 0
                                    


Voldova Castle, Wallachia, Romania, 1982. Alas-dose ng hatinggabi.

Lalong pinagbuti ni Silvero Gualtieri ang pagtatago habang pinapanood ang isang naka-black mask na lalaki na buong giting na nakikipaghamok sa isang grupo ng mga tinaguriang direct demonic origin vampire sa pamumuno ni Faramundo Voldova. Sang-ayon sa mga kuwento tungkol sa lalaking ito sa itsura at estilo sa pakikipaglaban, malakas ang kutob niya na ang lalaking ito ay walang iba kungdi ang sikat na vampire slayer na si Blackfire.

Isa lamang si Silvero sa mga bilanggong magical origin vampire sa loob ng nakasusulasok na kastilyong ito na pagmamay-ari ni Faramundo Voldova. Ilang daang taon nang tila impyerno ang buhay nila dahil sa kasakiman at kasamaan ni Faramundo. Nais nitong maging kaisa ng mga demonic vampire ang angkan nila sa paghahasik ng lagim sa buong Wallachia ngunit mahigpit nila itong tinanggihan, dahilan upang pahirapan at unti-unti silang patayin nito. At ang pagdating ng kahanga-hangang lalaking ito na nakamaskara ng itim ay mistulang hudyat ng nalalapit nilang paglaya mula sa kalupitan ng mga malulupit na bampira.

Katulad ng kanilang lahi, ang mga demonic vampire na ito na siyang  pinakamataas na uri ng mga bampira ay nagtataglay din ng kahinaan kapag nasikatan ng araw, nasabuyan ng banal na tubig, nakakita ng krus, at kapag nasugatan ng patalim na gawa sa pilak. Taliwas sa paniniwala ng iba, hindi basta-basta namamatay ang mga ito gamit ang mga nabanggit. Nasusugatan o nanghihina lamang ang mga ito kapag ginamitan ng mga bagay na iyon pero nananatili pa ring buhay. Pagkatapos uminom ng dugo ng tao, muling nananauli ang lakas at kapangyarihan ng mga ito.

At lalong dumarami ang mga ito na tinaguriang hell demons. Sapat upang masupil ang angkan nilang biktima lamang ng isang kabuktutan. Silang mga magical origin vampire na naging bampira lamang dahil sa isang sumpa ng diyosa ng mga ito na si Hecate ay walang kakayahang lupigin ang malulupit na lahing ito ni Faramundo Voldova. Ayon sa kasaysayan, isinumpa ni Hecate ang mga ninuno nila nang tumanggi ang mga ito na yakapin ang vampirism sa kanilang village. Nagpasalin-salin ang sumpa sa kanilang angkan at hindi nila alam kung paano puputulin iyon sa loob ng kung ilang siglo na.

Oo. Ilang siglo na silang nagdurusa dahil sa kasamaan ni Hecate. Natatandaan niyang twelfth  century pa nang ipinataw ng diyosa ang sumpa sa kanilang angkan. Kung tutuusin ay maituturing na siyang isang Ancient Vampire kasama ng iilan pang natitira dahil kaakibat ng sumpa ay ang pagkakaroon nila ng napakahabang buhay. Halos naging imortal na sila kung tutuusin  maliban na lang kung masusugatan nang matindi sa isang digmaan. Ngunit aaminin niya sampu ng kanyang mga kasamahan,  lahat sila ay  hindi  masaya.

Ang uri nila ay nagkakasya lamang sa pag-inom ng dugo ng mga hayop maliban lang sa kanya. Dito nanggagaling ang kanilang lakas at mahabang buhay. Katulad ng mga direct demonic origin vampire, nagtataglay rin sila ng pambihirang lakas at liksi, kakayahang makapang-hipnotismo at malakas na pakiramdam pero hindi sila masasama. Ang totoo ay isinusumpa nila ang tila sakit na ito na dumapo sa lahat ng miyembro ng kanilang angkan. Kung kailan ito magwawakas ay hindi nila alam.

At lubos nilang ipinagpasalamat ang pagdating na ito ng grupo ng mga vampire slayer mula pa sa silangang bahagi ng mundo sa pamumuno ng lalaking tinatawag na Blackfire. Sa loob ng maikling panahon ay marami na ring demonic vampires ang napatay ng grupong ito na may limang miyembro dahil sa kakaibang espada na gamit ni Blackfire.

Masusing pinag-aralan ni Silvero ang mga galaw ni Blackfire. Kalkulado ang mga kilos nito. Halatang nagsanay ito sa pakikipaglaban gamit ang iba't ibang uri ng martial arts. Wala itong atake na sinasayang. Lahat ay tumatama sa mga sumusugod na kalaban. At iisang bahagi ng katawan ng kalaban ang puntirya nito. Ang leeg. Bawat bampirang tamaan ng espada ay agad gumugulong ang ulo nito sa sahig. At halos mapasigaw siya sa tuwa nang makitang humiwalay ang ulo ni Faramundo mula sa leeg nito nang mahagip ito nang iwasiwas ni Blackfire ang hawak na espada. Gumulong ito sa paanan niya, dilat ang mga mata. Galit na dinuran niya ito sa mukha.

DEEP WITHIN YOU (Into the Darkness Series Book 1) Published in PaperbackWo Geschichten leben. Entdecke jetzt