Chapter 2.2

3K 127 2
                                    

Napamulat si Arabella nang marinig na tila may tumawag sa kanya. Iginala niya ang mga paningin sa maluwang niyang silid. Nag-iisa lang siya rito. Sarado ang pinto at mga bintana at halos walang hangin na nakakapasok, saan kaya maaaring nagmula ang tinig na iyon ng isang lalaki?

Maaaring nanaginip lang siya. Subalit bakit parang totoong-totoo? Malamig at malamyos ang boses na narinig niya, sapat upang antigin ang kanyang natutulog na damdamin. Ilang minuto na siyang nakamulat ay patuloy pa ring humahagod sa kaibuturan ng kanyang puso ang mahiwagang tinig na narinig niya.

Sino siya?

Napabangon tuloy siya. May kakaiba siyang nararamdaman mula pa kaninang nasa ilog pa siya. Pakiramdam niya ay hindi siya nag-iisa sa lugar na iyon habang naliligo siya. Para bang may isang pares ng mga mata ang nasisiyahang nanood sa kanya habang nakabandera ang kanyang hubad na katawan. At dahil likas na matapang ay hindi niya pinasin iyon noong una. Ngunit nang dinala na ng hangin sa kanyang mga tenga ang tila nga ungol at bulong ay kinilabutan na rin siya. Mabuti na lamang at dumating agad si Aurea.

Sinulyapan niya ang orasan sa dingding. Ala-diyes pa lang ng gabi pero para sa isang liblib na bayan tulad ng Valencia, tahimik na ang buong paligid at lahat ng tao doon ay nagpapahinga na.

Nawala na ang antok niya kung kaya ipinasya niyang lumabas na ng silid. Pupunta siya sa terasa upang sumagap nang malamig na hangin. Ang buwan ng Disyembre sa kanilang lugar ay nagdudulot ng kainamang simoy ng hangin na masarap sa pakiramdam.

Malamlam ang ilaw sa terasa ngunit agad niyang naaninaw ang isang malaking bulto na nakatayo roon. Kahit nakatalikod ito, kilalang-kilala niya kung sino ito.

Si Leandro Duarte, ang kanyang lolo na ngayon ay lampas eighty years old na.

"Hindi ka pa natutulog, lolo?" malambing na tanong niya nang makalapit sa matanda. Agad niyang ikinawit ang isang braso sa braso nito. Malapit na malapit siya sa kanyang lolo. May hatid na kaligayahan sa kanya kapag ganitong naglalambing siya sa matanda.

Marahang pumihit si Leandro Duarte upang makaharap sa kanya. Bahagyang nakangiti ito. Bakas pa rin ang taglay nitong kakisigan na pilit itinatago ng mga gatla sa noo at pisngi. Matangkad ang kanyang lolo, maaaring nasa mahigit anim na talampakan ang taas nito. Malapad ang balikat at mahaba ang mga bisig na kinatakutan ng mga naging kaaway nito noong kabataan. Alam niya kung gaano katanyag noon ang kanyang ama sa buong silangang Europa. Nasulat pa nga sa ibang libro ang kabayanihan nito sa paglupig sa mga kaaway at naging inspirasyon sa ilang pelikula sa Europe at Amerika.

Ngunit naglaho na ang liksi at lakas nito. Hindi na ito tulad ng dati. Hindi na ito ang dating si Blackfire na kinatakutan at pumatay ng daan-daang demonic vampires noong minsang nanirahan ito sa bansang Romania kasama ang unang asawa nito.

Napangiti si Arabella. Hinding-hindi niya pagsasawaan ang mga kuwento ng kanyang lolo. Ito na ang kinalakihan niya mula nang mamatay ang kanyang ina na anak naman ng kanyang lolo sa naging pangalawang asawa nito noong umuwi na ito ng Pilipinas.

At ipinagmamalaki niyang isa siyang dugong Duarte. Taglay niya ang tapang at liksi na nananalaytay sa ugat ng kaniyang minamahal na lolo. Mula pagkabata ay sinanay na siya ni Leandro sa pakikipaglaban gamit ang maaalamat na espada ng isang diyosa na nahukay nito sa isang templo bilang isang archaeologist, ang Ragnor.

"Gising ka pa, iha?" tanong nito na may pag-aalala. Alam ni Arabella kung gaano siya kamahal ng kanyang agwelo dahil dadalawa na lamang silang naiwan sa kanilang pamilya. Magkasunod na namatay ang lola at ina niya. Namatay daw sa sakit ang kanyang lola at hindi na niya ito nagisnan. Samantalang namatay naman sa isang car accident ang kanyang ina nooong bata pa siya. Lumaki siyang tanging ang lolo Leandro lang at ang yaya niyang si Aurea ang kapiling sa mansyon na ito ng mga Duarte.

Isa siyang kolehiyala sa isang pamantasan sa kabisera ng Bukidnon. BS Biology ang kursong kinukuha niya. Balak niyang ituloy ito ng medicine. At dahil Christmas vacation ngayon, mas mahaba ang oras nilang maglolo sa isa't isa.

"Ang totoo ay naidlip na ako kanina, lolo. Bigla lang akong nagising at nawala na ang antok ko."

Matipid na ngumiti ang matanda pagkuwa'y muli nitong ibinalik ang mga mata sa tinatanaw. Sinundan ni Arabella ang dakong tinititigan ng kanyang lolo hanggang malaman niyang ang kastilyo Gualtieri na nasa tuktok ng isang mataas na talampas pala ang kanina pa tinatanaw nito. Malayo ang lupain na iyon ng mga Gualtieri pero dahil sa napakataas na lupang kinatitirikan ng malaking kastilyo at dahil na rin maliwanag dito ngayon sa kauna-unahang pagkakataon ay tanaw na tanaw ito sa balkon ng kanilang mansyon.

Humugot nang malalim na hininga ang matanda. "Ipagpapatuloy natin ang pagsasanay bukas, Arabella," sabi nito habang hindi inaalis ang tingin sa kastilyo.

Ikinagulat ni Arabella ang sinabi ng agwelo. "Lolo? Narito ako para sa isang bakasyon. Ayokong gugulin iyon sa pagsasanay. Isa pa ay marami na akong alam sa pakikipaglaban dahil bata pa ako ay tinuruan mo na ako," maktol niya.

"Marami ka pang dapat malaman, Arabella. Isa pa, ang isang bagay na natutuhan, kapag hindi laging ginagamit ay nakakalimutan."

"Lolo naman, kung magsalita ka ay parang meron tayong pinaghahandaan. Lo, tapos na ang digmaan, modernong mundo na tayo ngayon."

"Hindi pa, Arabella. Hindi pa..." makahulugang turan nito. May lambong ng lungkot at takot ang abuhing mga mata.


DEEP WITHIN YOU (Into the Darkness Series Book 1) Published in PaperbackWhere stories live. Discover now