Chapter 9.2

2K 99 3
                                    


Mabilis namang sumunod si Claudiu. Mariin itong pumikit upang i-mental telepathy ang iba pa nilang kasamahan na bampira. Tatlong bampira ang agad na dumating. Sa utos niya ay agad na sumugod ito sa matanda na noon ay abala pa ring nakikipaglaban kay Callux.

"Isa laban sa apat. Ewan ko lang kung may ibubuga pa ang huklubang iyan," nasisiyahang sabi ni Claudiu habang kampanteng nanonood.

"Tama ka. Mamaya lang ay buto't balat na ang matandang iyan at siguradong lalabas ng mansyon ang dalawang babae. Tig-isa tayo. Alam mo na kung alin ang sa akin."

Napakamot ng ulo si Claudiu. "Na naman? Hindi ba puwedeng patikimin mo muna ako doon sa maganda bago mo siya patayin?"

"Hindi puwede. Akin lang siya. At kapag naging nosferatu na siya ay iuuwi ko siya sa Romania at gagawing asawa."

Galit na nanahimik na lamang si Claudiu at nanood ng laban sa pagitan ng isang tao at apat na bampira. Lihim namang hinangaan ni Braedan ang husay ng matanda sa pakikipaglaban. Ni hindi ito malapitan ng isa man sa mga bampira dahil sa husay nito gamit lamang ang isang mahabang kahoy. Asintado ito sa pag-atake sa leeg ng mga bampira dahilan kung bakit liyamado ito sa laban. Ngunit ordinaryong tao lamang ito kung kaya ilang minuto pa ay nahalata na niya na humihingal na ito. Panaka-naka na rin itong napapaluhod sa lupa dahil sa pagod.

"Tapos ka na," masayang sabi ni Claudiu na pumapalakpak pa.

Nang biglang isang magarang sasakyan ang pumasok sa bakuran. Tumigil ito sa harap mismo ng mga naglalaban at isang lalaki ang lumabas mula rito. May edad na rin ngunit matangkad ito at matipuno. Sa kanang kamay ay bitbit ang isang revolver.

"S-sino naman iyan?" kinakabahang tanong ni Claudiu.

"Ako pa talaga ang tinanong mo?" singhal naman niya.

Walang babalang pinagbabaril ng bagong dating ang apat na bampira kabilang si Callux. Mabilis na umusok at naagnas ang katawan ng apat sa pagpasok ng bala sa katawan ng mga ito.

Natatarantang napaurong sila ni Claudiu. May takot na lumukob sa kanila pagkakita sa nangyari sa mga kasamahan.

"Rahat!" mura ni Claudiu. "May dala siyang sandata na puwedeng makapuksa sa uri natin."

"Hunghang! Silver bullet ang tawag diyan. Bukod sa Ragnor ay ang bala na gawa sa pilak ang isa pang puwedeng makapatay sa atin."

"Ano pa ang hinihintay natin? Umalis na tayo bago pa niya mamalayan na naririto tayo," nanginginig sa takot na sabi ni Claudiu.

"Ano pa nga ba? Bwiset!" Pagkasabi noon ay sabay sila ni Claudiu na naglaho sa halamanan.

"Armand Mondragon?" masaya ngunit humihingal na bati ni don Leandro sa bagong dating.

"Muntik na akong mahuli ng dating, kaibigan," nakangiting tugon ng tinawag na Armand. Lumapit ito sa kanya saka mahigpit na yumakap.

"Oo nga. Bakit naman kasi gabing-gabi ang pagdating mo dito?"

"Sinadya kong magpagabi dahil nagbakasakali akong may makasalubong na bampira sa daan. Iyon pala ay nakapasok na sila rito mismo sa iyong bakuran?"

"Mga demonic vampire..." tugon niya habang sinusulyapan ang umuusok pang mga abo.

"Mga kalahi ni Voldova," tugon ni Armand.

"Alam ko. Maaaring alam na nila na ako si Blackfire at nasa loob ng mansyon ko ang Ragnor." Inakbayan niya si Armand. "Natutuwa ako at muli tayong nagkita. Halika sa loob at ipakikilala ko sa iyo ang aking apong si Arabella."


DEEP WITHIN YOU (Into the Darkness Series Book 1) Published in PaperbackWhere stories live. Discover now