Chapter 5.1

2.9K 112 1
                                    

"Don Leandro! Arabella!"

Mga sigaw iyon ni Aurea na gumulat kina Arabella at don Leandro kinaumagahan. Magkasalong nag-aalmusal silang maglolo sa patio.

"Ano ba'ng nangyayari, Aurea? Bakit ang aga-aga ay nag-eeskandalo ka?" inis na tanong ni lolo Leandro na akmang hihigop ng kape.

"Oo nga naman, Aurea? May problema ba?" tanong naman ni Arabella habang pinapanood ang tumatakbong si Aurea.

Humihingal na huminto si Aurea sa harap nila. Pinilit nitong magsalita sa gitna ng mga hingal. "Galing ako sa palengke kanina. Narinig ko ang mga usap-usapan. May tatlong bagong bangkay na natagpuan na naman. At pulos sila taga-rito. Katulad sa naunang bangkay kahapon ang paraan ng pagpatay. May dalawang butas sa leeg at sinipsip ang dugo."

Napatigil si lolo Leandro sa paghigop ng kape. "Sigurado ka ba sa sinasabi mo, Aurea? Hindi iyan kuwentong kutsero lamang?"

Sunod-sunod na tumango si Aurea. "Sigurado, don Leandro. Ang totoo niyan ay nakita namin mismo ni Arabella ang kauna-unahang bangkay kahapon noong papunta kami sa simbahan. At ang sabi ng ilang kamag-anak na nakaligtas sa pagsalakay kagabi, kamukha daw ng isang killer iyong unang bangkay kahapon."

"Ano?" hindi pa rin makapaniwalang tanong ni Arabella. "Eh, teka, nasaan ba ang bangkay ng unang biktima?"

"Nasa maliit na punerarya nina aling Bebeng. Doon inilagak nina kapitan Tonyo dahil nga wala pang nakakakilala rito."

"Samahan mo ako doon, Arabella."

"Sa punerarya?" tanong niya sa matanda. "Naku, lolo, siguradong ang daming tao roon ngayon. Eh, di ba, ang alam ng mga taga-rito ay matagal ka nang patay sang-ayon sa gusto mo?"

"Ako'ng bahala. Hindi nila ako makikilala." Tumayo na si lolo Leandro. Tila nawalan na ito ng gana na ipagpatuloy ang pagkain.

"Eh, bakit mo naman gustong pumunta roon?" Bantulot pa rin si Arabella na samahan ang agwelo.

"Kailangan kong makasiguro, Arabella. Gusto kong makita ang bangkay na sinasabi ni Aurea."

Walang nagawa si Arabella kundi samahan ang nangungulit na lolo. At hindi nga siya nagkamali dahil punong-puno ng tao ang punerarya ni aling Bebeng upang mag-usyoso. Ang iba ay nagkasya na lamang sa labas. Walang puknat ang mga kuwento at haka-haka ng mga tao. May nagsa-sign of the cross at meron namang kinikilabutan daw. Nakisiksik sila ni don Leandro sa mga tao upang makapasok. Nagsuot ng sombrero at shades ang don upang hindi ito makilala. At dahil abala ang mga tao sa samu't saring kuwentuhan tungkol sa nagyari kagabi, halos walang pumansin sa kanila.

Sa wakas ay nakalapit silang maglolo sa bangkay. Nasa loob ito ng kabaong at maayos na nabihisan at naghihintay na lamang ng kamag-anak na kikilala rito. Kapansin-pansin ang natuyong dugo sa gilid ng bibig nito.

Masusing tinitigan ni don Leandro ang bangkay ng lalaki pagkuwa'y mahinang nagsalita. "Nesferatu."

"Ano'ng sinabi mo, lolo?"

"Isa siyang Nesferatu, isa sa apat na uri ng bampira. Tinatawag din siyang indirect demonic origin vampire. Ibig sabihin ay naging bampira siya dahil sa virus na inilipat ng laway ng isang demonic vampire na kumagat dito."

"Lolo, walang vampire sa Pilipinas. Aswang, manananggal at tiktik lang meron ang mitolohiyang Pilipino," nagdududang bulong niya.

"Puwes, ngayon ay meron na."

Napamaang na lang si Arabella. Kinabahan siyang di niya mawari dahil mukhang siguradong-sigurado sa sinabi ang kanyang lolo.

Pagkatapos ng tanghalian ay hinanap ni Arabella si don Leandro. Nagtaka siya nang hindi ito makita sa paborito nitong upuan sa patio. Kung saan-saang parte ng mansyon niya ito hinanap maging sa loob ng silid nito ngunit nabigo siya. Hanggang maalala niya ang isang silid sa ikalawang palapag na napakabihira niyang mapuntahan.

At hindi nga siya nagkamali. Narito ang kanyang lolo. Nakatayo ito habang magkasalikop ang dalawang kamay sa likuran. Nakatingala ito habang nakatitig sa isang malaking cabinet na gawa sa salamin. Nilapitan niya ito.

"Lolo?"

"Dumating na ang kinatatakutan ko, Arabella," sagot ng matanda habang hindi tumitingin sa kanya. Nakabakas ang lungkot sa anyo nito.

"Ang ano, lolo?"

"Ang pagdating ng mga bampira mula sa Romania upang kunin ang Ragnor."

Inilipat ni Arabella ang tingin sa tinutukoy ng matanda. Ang Ragnor ay ang eleganteng espada na nasa loob ng salaming cabinet. Sagrado para kay don Leandro ang bagay na ito kung kaya tanging sila lang dalawa ang nakakaalam ng mga kuwento tungkol dito.

"Hindi nila malalaman na naririto ang hinahanap nila. Walang nakakaalam na buhay ka pa, lolo."

"Malakas ang pang-amoy nila."

"Puwes, hindi sila makakalapit sa iyo o sa atin. Nababalutan ng mga krusipiho ang buong mansyon, idagdag pa ang banal na tubig na palagi nating isinasaboy dito. Padadagdagan ko rin kay Aurea ang mga bawang at asin na nakakalat sa paligid," sabi niya upang bawasan ang agam-agam ng matanda.

"Hindi mo ako naiintindihan, Arabella. Pumunta ang mga demonyong iyon dito dahil sa akin at sa espadang ito. At siguradong maraming tao ang mapapahamak sa mga kamay ng lahi ni Faramundo Voldova. Tungkulin kong ipagtanggol sila. Hindi ko matitiis ang mga taga-baryo na unti-unting inuubos ng mga kaaway habang komportable ako sa loob ng bahay ko."

"Nauunawaan ko. Ano ang maitutulong ko, lolo?"

"Tawagan mo si Armand."

Agad na dinukot niya ang cell phone na nasa loob ng suot na bestida at ni-dial ang number nang matalik na kaibigan ng kanyang lolo. Si Armand Mondragon.   

DEEP WITHIN YOU (Into the Darkness Series Book 1) Published in PaperbackWhere stories live. Discover now