Chapter 10.1

2.1K 95 7
                                    

Sa gitna ng paghigop nang mainit at matapang na kape ay itinuloy nina don Leandro Duarte at Armand Mondragon ang kuwentuhan kinaumagahan. Tahimik lamang na nakikinig si Arabella. Sumasabat lang siya kung kailangan. Narito sila ngayon sa loob ng silid na kinaroroonan ng Ragnor.

Lihim niyang pinagmasdan ang kabuuan ni Armand. Matangkad ito at matipuno. Sa edad na mahigit limampu ay bakas pa rin ang kakisigan nito at ang palatandaan na minsan ay naging isa itong mahusay na mandirigma na katulad ng kanyang lolo.

Sa pagkakatitig niya sa mukha ni Armand ay parang pamilyar na ito sa kanya kahit noon lang niya ito nakita. Para bang nakita na niya ito somewhere o parang meron lang itong kamukha.

Nang biglang pumasok sa utak niya ang mukha ni Draven. Pero imposible. Paano naman magiging kahawig ni Draven ang vampire slayer na ito?

O baka naman sobra lang siyang nao-obsessed sa binata kung kaya nakikita niya ito sa katauhan ng ibang tao.

"Hindi pa rin kumukupas ang galing mo sa pakikipaglaban, Leandro," sabi ni Armand habang nakaakbay sa matalik na kaibigan.

"I beg to disagree, Armand." Pagtutol ni don Leandro. "Matanda na ako. Mahina at malapit nang kainin ng lupa."

"Don't say that, kaibigan. Heroes don't die," biro ni Armand.

"Sa mga kuwento, oo," malungkot na sabi ng don. "Pero nararamdaman kong hindi na ako magtatagal. Matagal kong hinintay ang kanilang pagdating dito pero hindi ko inaasahan na darating pala sila sa dakong takipsilim ng aking buhay."

"Leandro..." mahinang sabi ni Armand.

"Ngayon, sabihin mo, Armand. Paano ko pa susupilin ang napipinto nilang pagsalakay? Wala na ang dati kong liksi at lakas? Wala na si Blackfire."

"Pero naririto pa rin ang Ragnor," makahulugang sumulyap si Armand sa kinaroroonan ng Ragnor. Nasa loob pa rin ito ng vitrine na tila ba naghihintay lang sa makapangyarihang kamay na kukuha rito mula sa salaming nagsilbing bilangguan nito sa loob ng mahabang panahon.

"Iyan ang dahilan kung bakit kita ipinatawag, Armand. Nais kong ikaw na ang magmay-ari ng Ragnor. Gamitin mo ito laban sa kaaway at ipagtanggol ang kabutihan laban sa kasamaan."

Umiling si Armand. "Matanda na rin ako, Leandro."

"Ngunit hindi kasingtanda ko. Alam kong kayang-kaya mo pa ring lumaban."

"Sa palagay ko ay hindi ko sila kakayaning mag-isa."

"Narito si Arabella. Sinanay ko siya sa pakikipaglaban mula pagkabata. Malaki ang maitutulong niya sa iyo."

Sumulyap si Armand sa kanya. Ramdam niya ang pagdududa nito sa kanyang kakayahan.

"Kaming dalawa laban sa isang hukbo ng mg demonyo? Nababaliw ka na ba, Leandro? Patawarin mo ako pero isinusuong mo sa panganib ang buhay ng kaisa-isa mong apo."

"Hindi kayo dadalawa lamang. Naririto rin ang mga Gualtieri. Maaari silang makatulong sa inyo laban sa mga demonic vampire. Iyon ay kung kasingbuti pa rin sila tulad ng inaasahan ko."

"Gualtieri? Ang mga Gualtieri ba 'kamo?" gulat na tanong ni Armand.

"Oo. Naririto rin sila para sa Ragnor."

"Saan sila matatagpuan?"

"Sa kanilang kastilyo na nakatirik sa lupaing karatig ng aking lupain." Tumayo si don Leandro at humakbang palabas ng silid. "Halika, ituturo ko kung nasaan ang kanilang mansyon.

Hindi nakaligtas sa mapanuring mga ni Arabella ang pagkislap ng mga mata ni Armand. Nagmamadali pa ito sa pagsunod sa kanyang lolo paakyat sa ikatlong palapag ng kanilang mansyon. Ipinasya niyang sumunod rin sa dalawang lalaki.

Humantong sila sa balkonahe ng ikatlong palapag ng mansyon. "Iyan ang kastilyo ng mga Gualtieri," simula ni don Leandro habang itinuturo kay Armand ang kastilyo sa matayog nitong kinaroroonan. "Napakatagal na panahong walang nakatira riyan maliban sa isang matandang katiwala. Nitong huling araw na nagdaan, nabalitaan namin ang pagdating ng mga may-ari ng kastilyong iyan. At napatunayan ko iyon dahil sa pagkakaroon ng ilaw diyan kapag sumasapit na ang gabi."

Nakaawang ang mga labi na tinanaw ni Armand ang kastilyong itinuturo ni don Leandro. Naroon pa rin ang kislap sa mga mata nito.

"Maaaring naririyan siya?" may halong pananabik ang tinig ni Armand nang magsalita. Lalo tuloy nadagdagan ang kuryosidad ni Arabella na makinig pang lalo sa usapan ng dalawang lalaki.

"Posible. Pero sino sa atin ang makapagsasabi?" tugon ni don Leandro.

"Makilala pa kaya niya ako? Galit kaya siya sa akin?"

Ipinatong ni don Leandro ang isang palad sa balikat ni Armand. "Matagal na iyon, Armand. At hindi mo kagustuhan ang nangyari. Ang pagtakas sa isang responsibilidad ay hindi karuwagan. Ginawa mo lang ang nararapat."

"Sana'y maunawaan niya at mapatawad niya ako. Kung alam lang niya na walang araw at gabing ninais ko silang balikan ng kanyang ina ngunit ipinagkait ng mga pagkakataon," punong-puno ng pait ang tinig ni Armand.

Pinisil ni don Leandro ang balikat ng lalaki. "Tama na, Armand. Naririto ka para sa isang mahalagang misyon. Walang puwang ang emosyon sa tungkuling nakaatang sa atin. Katulad pa rin ng dati, kailangang mas manaig ang pakikidigma kaysa sa damdamin."

Marahang tumango si Armand. "Tama ka, Leandro. Pero hindi mo maiaalis sa akin ang patuloy pa ring masaktan. Nag-iisa kong pag-ibig si Astrid. Kung hindi lang humadlang ang kanyang amang si Silvero ay nakahanda akong panagutan ang sanggol na nasa kanyang sinapupunan noon."

"Alam kong suko hanggang langit ang naging pagmamahalan ninyong dalawa, Armand. Pero may katuwiran si Silvero Gualtieri na hadlangan iyon. Isa kang tao at isang namang bampira si Astrid. Hindi kayo magkauri kung kaya wala kayong karapatang magmahalan sang-ayon sa paniniwala ng mga mystical vampire."

"Hinusgahan nila agad ang pagmamahalan namin."

"Na siyang nararapat. Isa kang kilabot na vampire slayer. Ikinatakot ni Silvero na dumating ang panahong gamitin mo ang iyong husay laban sa kanilang lahi. Ang vampire slayer ay vampire slayer at ang bampira ay bampira. Nangamba siyang baka dumating ang araw na hindi mo masikmura ang posibilidad na uminom din sila ng dugo ng tao pagdating ng panahon."

Napailing si Armand. "Napakabuti ni Astrid. Naniwala akong hindi niya kayang gawin iyon."

"Pero hindi nila alam kung hanggang saan ang bisa ng sumpa sa kanilang angkan. Nag-ingat lang si Silvero sa posibilidad na ikaw pa mismo ang umubos sa kanilang lahi."

Nagpakawala nang malalim na buntong-hininga si Armand. Halata ang pagsisikip ng dibdib nito dahil sa sakit na nararamdaman. Ipinasya naman ni Arabella na umalis na muna sa lugar na iyon. May mahalagang bagay pa silang aasikasuhin ni Aurea. At iyon ay ang pamamahagi ng benditadong tubig sa buong nayon ng Matala.


DEEP WITHIN YOU (Into the Darkness Series Book 1) Published in PaperbackWhere stories live. Discover now