Chapter 3.1

2.8K 117 0
                                    

Naagaw ng nagkakagulong mga tao sa gilid ng kalsada ang pansin nina Arabella at Aurea na noon ay naglalakad patungong simbahan. Araw ng Linggo at nakaugalian na nilang dalawa ang mag-attend ng misa sa kapilya sa bayan.

Dala ng kuryosidad ay lumapit ang dalawa sa grupo ng mga kababaryo. Agad nilang napansin ang pagtataka at takot sa mukha ng mga ito. Pinalalayo ng mga ina ang kanilang mga anak, ang iba naman ay nagsa-sign of the cross pa.

"Ano ba ang nangyari, ka Sixta?" tanong ni Aurea sa matandang babae na lumayo na sa umpukan marahil ay dahil hindi masikmura ang kung ano mang nakikita sa gilid ng kalsada.

"Diyos na mahabagin. Impakto. Impakto ang may kagagawan niyan," nanginginig na sabi ng babae na tila ba walang narinig.

"Halika nga, Arabella. Tingnan natin ang pinagkakaguluhan ng mga ito." Mabilis na ginagap ni Aurea ang kamay ni Arabella saka hinatak upang makasingit sa mga nagkakagulong taga-baryo.

"Susmaryosep!" bulalas ni Aurea nang makita ang isang bangkay ng lalaki na nakahandusay sa gilid ng kalsada. Dilat ang mata nito at tuyot na tuyot ito na tila ba may kung ano'ng humigop sa lahat ng dugo nito sa katawan. Walang sugat ang katawan ng biktima maliban sa dalawang butas nito sa bandang leeg.

Maging si Arabella ay hindi kinaya ang nasaksihan. Mabilis siyang lumayo sa umpukan. Bumabaligtad ang sikmura niya dahil sa kaawa-awang anyo ng biktima.

"Dali. Tawagin na ninyo si kapitan nang mai-report na ito sa pulis. Kailangang mahuli agad ang kriminal," utos ng isa pang matandang babae.

"Hindi taga-rito ang taong iyan base sakanyang itsura at pananamit. Maaaring iyan ay taga-bayan o isang turista sa lugar natin," wika ng isang matandang lalaki.

"Siguradong aswang ang may kagagawan niyan. Hindi iyan kayang gawin ng ordinaryong tao," sabi naman ng isang lalaki.

"Hindi gawa ng aswang iyan. Dugo lang ang kinuha. Kung aswang iyan, siguradong nilapa ang katawan at kinain ang mga lamang-loob ng biktima."

"Eh, ano kaya? Taong-lobo? Bampira?"

"Malamang bampira ang gumawa niyan."

"Diyos ko," sabay-sabay na sabi ng mga babae sabay antanda uli.

Ipinasya ni Arabella na lumayo na sa umpukan. Nilingon niya si Aurea upang yayain na umalis na ngunit abala pa rin ito sa pag-uusisa at pakikipagkuwentuhan. Pagpihit niya upang humakbang palayo ay eksakto namang nahagip ng mga mata niya ang isang matangkad at guwapong lalaki na nakatayo sa kabilang gilid ng kalsada malapit sa kahuyan. Nakatingin ito sa kanya o mas tamang sabihing nakatitig.

Hindi mukhang taga-roon ang lalaki base sa anyo at magarang pananamit nito. Kayumanggi ang kulay ng balat nito pero lamang ang pagiging mukhang foreigner nito. Napansin din niya ang matangos na ilong at ang kulay bronze na buhok nito na hanggang balikat ang haba ngunit masinop na nakatali sa bandang batok.

Para siyang itinulos habang nilalabanan ng tingin ang estranghero. May hatid na halina ang titig nito na tumatagos sa kanyang kaibuturan. Sa halip na kilabot ay parang may makapangyarihang init ang agad na bumalot sa kanyang katawan. Bigla niyang naramdaman ang udyok na lapitan ito at makipagkilala.

Saka pa lang niya naramdaman ang papalapit na si Aurea. Nilingon niya ang babae upang itanong dito kung nakikita rin nito ang nakikita niya. Ngunit nang tingnan niya uli ang lalaki ay wala na ito sa kinatatayuan kanina.

Ilang beses ikinurap ni Arabella ng mga mata sa pag-asang namamalik-mata lamang siya. "Nakita mo ba siya?

"Sino?'

"Iyong guwapong lalaki sa bandang iyon ng kahuyan." Itinuro niya ang lugar na tinutukoy. "Nakatayo siya roon kani-kanina lang."

"Nasaan? Wala naman, ah." Kinusot pa ni Aurea ang kanyang mga mata.

"Ang bilis niyang nawala. Saan naman kaya siya nagpunta? Imposible namang pumasok siya sa kahuyang iyon."

"Hay naku, halika na nga, Arabella at mahuhuli tayo sa misa. Iyan ang napapala mo kapupunta sa ilog sa hangganan ng lupain ninyo. Baka namamaligno ka na doon." Ginagap ni Aurea ang kanyang kamay at mabilis na hinila palayo sa lugar na iyon. Wala siyang nagawa kundi sumunod na lang sa babae matapos muling sulyapan ang bahagi ng kahuyan kung saan doon niya nakita ang mahiwagang lalaki.


DEEP WITHIN YOU (Into the Darkness Series Book 1) Published in PaperbackTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon