CHAPTER 12.2

2.3K 98 5
                                    

Gising pa si Athan nang makabalik si Draven sa kastilyo. Malapit nang mag-alas-kuwatro ng umaga, nangangahulugan ito nang mahaba na namang pagtulog para sa mystical vampire. Pero parang sadyang hinintay nito ang kanyang pagbabalik.

"Muntik mo na siyang mapatay, Draven," kampanteng bati nito. Nakaupo ito sa black leather sofa, may tangan na kopita ng mamahaling alak.

"Nagawa ko, Athan. Nalampasan ko ang pagsubok. Napigilan ko ang aking sarili."

"Mabuti kung ganoon at binabati kita dahil diyan. Pero mag-iingat ka sa susunod. Alam kong uulitin ninyo ang inyong ginawa at baka hindi mo na makontrol ang iyong sarili."

"Hindi. Para kay Arabella ay gagawin ko ang lahat."

"Mabuti kung ganoon. Siguro naman ay may dahilan ka na upang lalong hanapin si Blackfire at ang Ragnor. Dahil kung hindi, manganganib ang buhay ni Arabella sampu ng mga mamamayan dito sa kamay nina Braedan Voldova."

"Naiintindihan ko. Sisimulan ko na ang paghahanap."

"Salamat. Magpapahinga na ako. Inaasahan ko na may resulta na paggising ko mamayang gabi." Pagkasabi noon ay humakbang na si Athan papasok sa kanyang silid upang umpisahan ang napakahabang pagtulog. Iyon ang pagkakaiba nilang dalawa. Gising ito sa gabi at tulog sa araw, samantalang puwede siyang gising sa buong maghapon at magdamag.

Tinungo naman niya ang kinalalagyan ng refrigerator. Binuksan ito at kinuha ang isang garapon ng pinalamig na dugo ng baka. Walang anomang tinungga niya ang dugo, inubos hanggang sa huling patak. Pagkaubos ng laman ay naramdaman niya ang pananauli ng lakas na muntik nang maubos dahil sa matinding pakikipagtalik niya kanina kay Arabella.

Si Arabella. Ang maganda at mabangong si Arabella...

Uulitin nila ni Arabella ang kanilang ginawa kanina. And this time, sinisiguro niya na hindi na niya ito masasaktan.

Kinaumagahan ay naghanda na si don Leandro at si Armand para sa paghahanap sa mga bampira. Bitbit ang revolver, silver bullets at agua bendita ay nilisan nila ang mansyon sakay ng pick-up. Naka-disguise pa rin si Leandro katulad ng dati.

"Bakit kailangan mo pang mag-disguise, Leandro?" tanong ni Armand habang nakatuon ang mga mata sa daan. Siya ang nagmamaneho ng pick up.

"Dahil ang alam ng mga tao rito ay matagal na akong patay. Alam mo na, bahagi ng pagpapanggap."

"Mabuti ang iyong naisip." Tumango-tango si Armand. "Nakabuti rin na hindi naisulat sa kasaysayan ng Romania ang tunay mong pangalan. At wala ring kahit na anong bakas na naiwan ang Ragnor. Dahil doon ay nahihirapan ang mga bampira na hanapin ka."

"Tama. At tulad ng dati, tayo pa rin ang maghahanap at makakatagpo sa kanila saan mang parte ng impiyerno sila magtago." Nakita niya ang matipid na ngiti sa mga labi ni Leandro nang sulyapan niya ito.

"Ang totoo niyan ay mas gusto kong maghanap sa gabi kaysa sa araw," pakli niya.

"Tama. Dahil hindi mo na sila kailangang hanapin nang matagal, lumalabas sila ng kusa pagsapit ng dilim. Ngunit mas mahirap silang kalaban sa gabi, mas malalakas sila at mas makapangyarihan."

"Pero hindi pa rin sila uubra kay Blackfire. Hindi kayang patumbahin ng sino mang bampira si Blackfire," sinundan ni Armand ang sinabi nang mahinang tawa.

Pagak na tumawa rin si Leandro. "Noon iyon pero hindi na ngayon. Wala na ang dati kong lakas at liksi. Hindi ko na kakayanin pang lumaban na tulad ng dati."

Biglang natahimik si Armand nang tumapat ang sinasakyan nila sa isang mala-higanteng gate na bakal. Mula roon ay tanaw ang kastilyo Gualtieri sa matayog nitong kinatatayuan.

"Hindi ba natin sila pupuntahan?" makahulugang tanong niya kay Leandro na non ay nakatingin rin sa kastilyo.

"Hindi. Pero huwag nila akong bibigyan ng dahilan upang sugurin din sila. Hindi ko sila pinakialaman noon dahil sa pakiusap ni Silvero, pero ibang usapan na pagdating dito sa sarili nating bayan."

"Kinamumuhian mo pa rin sila?"

"Silang lahat. Dahil sa kanila ay nawalan ako ng mag-ina."

"Ibahin mo ang mga Gualtieri."

"Pare-pareho lang sila, Armand. Hindi komo nagmahal ka ng isa sa kanila ay puwede nang mabago ang palagay ko sa kanila."

"Kasama ba sa pagkamuhi mo ang aking anak?"

"Hindi ko masasagot ang tanong na iyan sa ngayon, Armand. Pero kung kinakailangan, pati siya ay papatayin ko."

Tumahimik na lang si Armand upang maiwasan ang pagtatalo sa pagitan nila ng kaibigan. Tahimik na lang siyang nagmaneho hanggang marating nila ang itinuro ni Leandro na maliit na punerarya. Pagkababa ng sasakyan ay nagpakilala siya sa may-ari na kamag-anak ng bangkay ng lalaki na kung ilang araw nang nakaburol doon dahil nga sa walang dumarating na kapamilya.

"Pamangkin ko ang lalaking nakaburol daw dito," magalang na sabi niya kaya aling Bebeng, ang may-ari ng punerarya.

Agad namutla ang matandang babae na kaharap niya. "Naku! Iyan nga po ang pinoproblema namin ngayon. Ilang araw nang nawawala ang bangkay na iyon. Imposible namang may kumuha ritong kamag-anak nang hindi nagpaalam sa amin."

Hindi na siya nabigla sa narinig. Nagkatinginan na lamang sila ni Leandro. "Ganoon po ba? Salamat na lang po at pasensiya na sa abala." Pagkasabi noon ay tumalikod na sila ni Leandro. Hindi na niya sinagot ang mga itinatanong pa ni aling Bebeng.

"Paano ngayon, Leandro?"

"Tulad pa rin ng dati. Sasaliksikin natin maging ang kasulok-sulokang bahagi ng nayong ito. Pupuntahan natin ang mga tago, madidilim at mga walang taong lugar dito."

Halos maghapong nagpaikot-ikot silang dalawa sakay ng pick-up. Pinapasok nila ang makikipot at baku-bakong daan, tinatawid ang mga pilapil, hinahawi ang matataas at makakapal na mga damo at ginagalugad ang ilang abandonadong bahay at mga guho.

Magdidilim na at ipinasya na nilang bumalik sa mansyon nang mapansin ni Armand ang isang tila malaking lungga sa lupa malapit sa kanilang kinatatayuan. Narito sila ngayon ni Leandro sa isang bahagi ng gubat. Matapos ihanda ang mga gamit ay dahan-dahan silang pumasok sa loob nito. Madilim at malansa sa loob, humigit-kumulang ay alam nilang pareho na naroroon ang kanilang hinahanap.

Sa tulong ng liwanag ng flashlight ay tumambad sa kanila ang anim na bangkay na magkakahiwalay na natutulog, apat na lalaki, isang babae at isang bata. Agad namukhaan ni Leandro ang isang bangkay.

" Iyan ang bangkay na nakaburol sa punerarya ni Bebeng."

"Ganoon ba? Kung ganoon ay hindi na siya makapaggagala pa pagsapit ng dilim." Pagkasabi noon ay ibinuhos ni Armand ang agua bendita na nasa plastic bottle sa bangkay. Napapitlag ito nang magising. Nagtangka itong bumangon ngunit muling nalugmok nang magsimula itong umusok at maagnas hanggang maging abo. Isinunod niya ang iba pa katulong si Leandro. Ilang sandali pa at napuno ng hiyawan, daing, usok at masangsang na amoy ang loob ng kuweba dahil sa nasusunog na mga bampira.

"Anim na nosferatu sa isang araw, hindi na masama," nangingiting sabi niya habang palabas ng kuweba. Kalat na ang dilim kung kaya nagmadali sila patungo sa kanilang sasakyan na nakaparada sa di kalayuan.

"Tama," ayuda ni Leandro. "Pero ang mga Voldova ang mas higit nating dapat asikasuhin."

"Huwag kang mainip, Leandro. Darating tayo riyan," sabi ni Armand habang binubuhay ang makina ng sasakyan.


DEEP WITHIN YOU (Into the Darkness Series Book 1) Published in PaperbackWhere stories live. Discover now