Chapter 10.2

1.9K 91 3
                                    

Samantala ay isa namang galit na galit na Athan ang kaharap ngayon ni Draven.

"Kung hindi ka lang naging pabaya, Draven. Natagpuan sana natin agad si Blackfire at nakuha mula rito ang Ragnor nang sa ganoon ay nakaalis na tayo sa lugar na ito. Wala na sanang dahilan sina Braedan Voldova na sumunod pa rito. Sa Romania natin itutuloy ang laban at hindi sa nayong ito kung saan ang daming inosenteng mga tao ang nadadamay."

"Bakit ako ang sinisisi mo" Hindi ba dapat ay sisihin mo rin ang sarili mo? Wala kang ginawa kungdi magkulong dito at uminom ng mga mamahaling alak?" asik niya kay Athan.

'Iyan ang akala mo," singhal naman ni Athan. "Kahit nakainom ako, lumalabas pa rin ako sa gabi upang maghanap. Pero alam mong sa gabi ko lang puwedeng gawin iyon dahil hindi ako puwedeng masikatan ng araw. Ikaw ang walang limitasyon. Puwede kang lumabas kahit araw at makisalamuha sa mga tao upang matunton si Blackfire pero hindi mo pa ginawa."

"Teka muna, gaano ka ba kasigurado na naririto na rin si Braedan at ang kanyang hukbo?" inis na tanong ni Draven.

"Kagabi ay nakarating ako sa dulong bahagi ng nayong ito. Nasaksihan ko kung paano inatake ng mga nosferatu ang kaawa-awang driver ng isang pick-up habang kinukumpuni niya ang sira nito. Tutulungan ko sana siya nang maramdaman kong may papadating na hukbo ng mga bampira, mas malakas ang kanilang enerhiya kung kaya nagtago na lamang ako. At kitang-kita ko si Braedan kasama si Claudiu, Callux at iba pa. Mabuti na lamang at hindi nila inatake ang mga babaeng sakay ng pick up."

"Mga babae?"

"Oo. Dalawa sila at maganda iyong isa na nag-drive ng pick up."

"Si Arabella ba ang tinutukoy mo?"

"Arabella? Sino'ng Arabella? Wala pa naman tayong kilala rito maliban kay mang Andoy, ah?" Pagkasabi noon ay biglang nandilat ang mga mata ni Athan. "Sinasabi ko na nga ba. Babae. Babae ang dahilan kung bakit ipinagwawalang-bahala mo ang misyon natin dito."

"Kaibigan ko lamang si Arabella,"

"Hindi ako naniniwala. Ordinaryo lamang sa iyo ang mga babae sa Romania. Ngayon lang kita nakitang nag-aalala sa isa sa kanila. Ibig sabihin ay higit sa kaibigan ang pagtingin mo sa Arabella na iyon."

"Ano ba'ng pinagsasasabi mo. Athan? Of course, pare-pareho ang mga babae para sa akin, regardless of the color of their skin."

"Pero hindi ang isang ito. Narinig ko ang pagbabago ng tibok ng puso mo nang marinig mo ang kanyang pangalan," paniniguro ni Athan. "Binabalaan kita, Draven. Hindi puwedeng magmahalan ang isang tao at ang isang bampira. Mahigpit iyang ipinagbabawal sa ating angkan. Sumunod ka na lang kung ayaw mong isumpa ka ng lolo mo mismo, si Silvero Gualtieri."

"Huwag kang mag-alala, Athan. Hindi ko pa rin nalilimutan ang misyon ko sa lugar na ito at tutuparin ko iyon kahit labag sa kalooban ko."

Bumuga ng hangin si Athan. "Pero sa tingin ko ay hindi na iyon magiging madali ngayon. May mga demonic vampire sa landas natin, at katulad nating dalawa, nagnanais din silang makuha ang Ragnor."

"Hindi ako natatakot sa kanila. Kayang-kaya ko silang labanan lahat."

"Huwag puro kayabangan ang pairalin mo, Draven. Nalimutan mo na ba ang turo sa atin ng ating propesor na si Duncan Dimitru? Huwag tayong mapadalus-dalos pagdating sa ating mga katunggali. Utak at estratehiya ang kailangan upang magwagi sa laban, hindi puro lakas. Isang hukbo ang mga demonic vampire na naririto ngayon. Sa tingin ko ay nasa dalawampu sila, samantalang tayo ay dadalawa lamang. Kapag nalingat tayo, baka hindi na tayo makabalik pa sa Romania."

"Ano ang ikinatatakot mo kung mamatay man tayo sa gitna ng laban? Lahat ng mandirigma na sumusuong sa labanan ay nakatakdang mamatay katulad ng ating mga ninuno sa kasaysayan."

"Alam ko. Pero hindi dapat madamay ang mga inosenteng mamamayan ng nayong ito. Kapag nagtagal pa tayo rito, siguradong mauubos ang mga tao rito at sa mga karatig-lugar. Alam mo naman kung gaano kahayok sa dugo ng tao ang uri nila. At sa bawat biktima nila ay isang nosferatu naman ang nalilikha. Samakatuwid ay hindi lamang ang mga demonic vampire ang kalaban natin ngayon, kungdi maging ang mga halimaw na nalilikha ng virus ng kanilang laway."

"Relax lang, Athan. Nalimutan mo na rin ba ang turo ni Duncan na kailangan nating maging mahinahon sa gitna ng labanan? Na kapag nagpadala tayo sa takot ay maaaring mawala tayo sa pokus at doon tayo maaaring atakehin ng kaaway."

"Puwes, sabihin mo iyan kapag si Arabella na ang nasa panganib. Ewan ko lang sa iyo kung hindi ka mataranta."

Biglang natahimik si Draven. Isipin pa lang niya na sisipsipin ng kahit na sinong bampira ang dugo ni Arabella ay nag-aapoy na agad ang dibdib niya sa galit.

"They can't do that to Arabella," bulong niya. "Dadaaan muna sila sa ibabaw ng aking bangkay bago nila makanti ni dulo ng daliri ni Arabella."

Pagkuwa'y bigla siyang natigilan. Ano ba itong nangyayari sa kanya? Bakit tila labis ang pag-aalala niya kay Arabella? Ano mayroon kay Arabella para mag-alala siya nang todo para sa kaligtasan nito?

Nang tingnan niya si Athan ay makahulugan ang mga titig nito sa kanya. Napapahiyang binawi niya ang mga paningin. Alam niya, ipinagkakanulo ng kanyang mga kilos at salita ang kanyang damdamin. At kailanman ay hindi niya mapaglalalangan ang isang katulad ni Athan.

"Hindi sa nakikialam ako, Draven. Pero alam mong hindi tayo puwedeng magmahal ng tao. Mamamatay si Arabella kapag..." kusang pinutol ni Athan ang sasabihin.

Napabuntong-hininga si Draven. "Alam mong iba ako sa inyo, Athan. Human vampire ako."

"Maaari. Pero sana ay huwag mo nang subukang gawin dahil baka magsisisi ka lamang sa huli."


DEEP WITHIN YOU (Into the Darkness Series Book 1) Published in PaperbackWhere stories live. Discover now