CHAPTER 25.2 (Final Chapter)

3K 113 7
                                    

"Alam mo kung ano ang nararapat gawin sa ganitong sitwasyon, Draven. Ano pa'ng hinihintay mo?" sabi ni Athan habang tumatangis na yakap niya ang katawan ni Arabella.

"Tama si Athan, Draven. Nasa mga kamay mo na ang buhay ni Arabella," sang-ayon ni Silvero.

Umiling lang si Draven. Naisip na niya iyon kanina pero hindi niya maatim na gawin iyon kay Arabella.

"Alam kong mauunawaan ka niya, Draven. Gawin mo na habang hindi pa huli ang lahat," ani Astrid.

Luhaang tiningala niya ang pamilyang nakikiramay sa kanyang kalungkutan. Inisa-isa niya ang mga ito hanggang dumako ang kanyang mga paningin kay Don Leandro.

Mahinahong nagsalita ang don. "Gawin mo na, Draven. Nasa iyo ang aking bendisyon,"

Pumikit siya nang mariin habang nagtatalo ang utak sa susunod na gagawin. Maya-maya'y inilabas niya ang mahahabang pangil saka inilapit ang mukha sa namumutlang leeg ni Arabella saka dahan-dahang ibinaon sa balat ng dalaga. Gamit ang butas na nilikha ay pinadaloy niya roon ang masaganang dugo mula sa kanya. Dugong gigising sa wala ng buhay na katawan ng dalaga.

Biglang nagising ang natutulog na diwa ni Arabella. Mula kung saan ay tila may humihila sa kanya. Malakas ang puwersa at hindi niya kayang paglabanan. Kasunod noon ay ang di maipaliwanag na sakit na naramdaman niya, humihiwa sa kanyang laman at tumatagos sa kanyang buto.

Alam niyang patay na siya kung kaya nagtataka siya kung bakit nakakaramdam siya ngayon ng ibayong sakit. Gusto niyang sumigaw pero naninigas ang bawat himaymay ng kanyang laman. Gusto rin niyang imulat ang mga mata ngunit namimigat ang talukap ng mga iyon.

Wala siyang nagawa kungdi tahimik na umiyak at manalangin na sana'y matapos na ang kanyang paghihirap. Tanggap na niya ang kanyang kapalaran. Patay na siya, sana'y patahimikin na rin ang kanyang katawan at kaluluwa.

Kanina lang ay paalis na siya, mabubulok ang kanyang katawan pero maiiwan ang kanyang puso.

Para kay Draven.

Naramdaman niya ang mainit na likido na dumadaloy sa kanyang mga mata. Paano'ng nangyari iyon? Lumuluha pa ba ang isang taong patay na?

Arabella...

Ang tinig na iyon. Napakislot siya nang makilala ang tinig na iyon.

Mahal kita, Arabella. Mahal na mahal...

Sapat na ang mga salitang iyon upang pilitin niyang makabalik. Madilim at mahirap ang landas ngunit pinilit niyang sundan ang direksyong pinanggagalingan ng tinig.

Bumalik ka na, Arabella. Halika...halika...

"Draven." Sa wakas ay nakaya niyang sambitin ang pangalan ng lalaking iniibig. Naramdaman niyang biglang may sumaklit sa kanya mula sa kawalan. At nang magmulat siya ng mga mata ay nakita niya ang sarili sa mga bisig ni Draven. Nakasubsob ang mukha nito sa kanyang leeg. Umiiyak habang tumatawa.

Mukha ng isang magandang babae ang bumungad sa kanya. "Maligayang pagbabalik, Arabella. Ako si Astrid, ang ina ni Draven."

"You're alive!" bulalas ni Athan.

"Buhay ang apo ko. Salamat sa Diyos!" ani ng kanyang lolo na naglulundag sa tuwa.

Kasunod ay malakas at mahabang palakpakan mula sa mga Mystical Vampire na nakapaligid sa kanila.

"Draven? Paanong... nabuhay akong muli?" paputol-putol na tanong niya.

"Patawarin mo ako, Arabella. Ayokong mawala ka sa akin kung kaya binuhay kita gamit ang sarili kong dugo. Alam kong hindi mo iyon magugustuhan pero nagawa ko iyon dahil mahal na mahal kita."

"Sinalinan mo ako ng iyong dugo?"

"Oo, mahal ko. Patawarin mo ako."

"Wala kang dapat ihingi ng tawad. Kung ako ang nasa sitwasyon mo ay ganoon din ang aking gagawin."

"Oh, Arabella!"

"Mahal din kita, Draven. Mahal na mahal."

"Mahal na mahal din kita, lubirea mea."

Isang marubdob na halik ang tumapos sa usapan nilang dalawa. Muling nagpalakpakan ang mga Mystical Vampire kasabay nang malakas na hiyawan upang ipagdiwang ang pag-uunawaan ng dalawang pusong nagmamahalan.

*Thanks for reading, guys! May Epilogue pa po.

DEEP WITHIN YOU (Into the Darkness Series Book 1) Published in PaperbackWhere stories live. Discover now