Nang nakita kong may liham ka
galing sa hindi ko kilalang dilag,
para akong tinaga.
Naiinis ako sa aking naramdaman,
at ayaw kong itong aminin
Kaya't nagdesisyon akong magpakalayo-layo
para kumbinsihin ang sarili kong
ako'y nilalaro mo lamang.
Ngunit imbes na pumayapa ang aking utak,
tila lalo itong umingay.
Iba't ibang boses ang aking narinig:
"Wala ka sa iyong sarili
Dahil kung ikaw ay nasa katinuan,
siya ay iyong pakikinggan."
Kasing rupok ko
ang isang inaanay na kahoy
kaya't humingi ako ng tawad sa aking pagkawala.
"Bakit ka nawala?" tanong mo.
"Kailangan ko ng pahinga," sagot ko.
"Bakit hindi ka nagsabi?"
"Dahil ayaw kong makapagsabi
ng mga salitang pagsisisihan ko."
"Kung gayon, papayagan mo rin akong
mawala na parang bula
kung may bumabagabag sa isip ko?"
Gusto kong isumbat sa iyo
na ikaw rin naman ay nawala na parang bula
sa buhay niya, ngunit nagpaliwanag ka ba?
Hindi.
Ngunit ang nakaraan ay nakaraan,
at heto ka na para sa akin, handang manatili.
Alam kong hindi ko na dapat pang isumbat iyon.
Huminga ako nang malalim at
inamin ang pagkakasala.
Humingi ako ng tawad at nangakong hindi na mauulit.
Ang nakapagtataka . . .
isang ngiti mo lamang ay naging
payapa na ang aking utak.
Naiinis ako.
Ngunit hindi na ako nagtanong
dahil ayaw kong isipin mong
mas gusto kita kaysa sa puwede.
YOU ARE READING
Mga Lihim na Liham ni Maria Kina Juan at Juana
PoetryKatulad ng pamagat, nakikiusap ang manunulat na panatilihin munang lihim ang tipon ng mga tula na ito. Nais muna niyang magulumihanan, sumaya't masaktan habang unti-unting hinuhulma ang hindi tiyak na hinaharap ng kanyang pag-ibig. Kasing gulo ng...