Pangarap

34 2 0
                                    

"Hindi ko nais magkaroon ng supling," wika ko.

Napakunot ang iyong noo. "Bakit?"

"Marami akong nais tuparin para sa aking sarili. Marami pa akong lugar na gustong puntahan. Hindi ko nga maalagaan ang aking sarili, ang isa pang bata pa kaya?"

"Makapaghihintay naman ang pagkakaroon ng mga supling," sagot mo. "Dahil wala akong ibang gustong makasama habambuhay at magdala ng aking mga anak kundi ikaw. Tuparin mo muna ang iyong mga pangarap, saka natin ito isipin"

"Hindi mo maintindihan. Ayaw kong magkaanak."


Natahimik ka. Muli, iyong sinabi, "Sa susunod na lang natin ito isipin."

"Hindi ko pangarap ang magkapamilya, hindi ko pangarap ang magkasupling," sabi ko. Hindi ko tinantanan ang paksa. "Ngunit alam kong nais mong magkapamilya, at hindi ko gustong maging hadlang."

"Ako ba'y iyo nang hihiwalayan?"


Natahimik ako, may mga luha na gumigilid sa aking mga mata. "Hindi ako makikipaghiwalay, ngunit sa oras na ako'y iyong tanungin, huwag mong sabihing hindi ko ito sinabi. Tatanggapin ko kung ano ang iyong desisyon. Ayaw ko lamang na maging hadlang sa iyong pangarap. Dahil kung ako naman ang magsasakripisyo at papayag sa iyong nais, baka sisihin lamang kita. Ngunit kung ikaw naman ay mananatili, dapat ay handa kang mamuhay na tayo lang, ngunit may posibilidad na ako naman ang iyong sisihin. Higit sa lahat, hindi ko nais na marinig mula sa iyo na aking inaksaya lamang ang oras mo."


Natahimik tayo. Narinig mo ang aking paghikbi kaya't ibinalot mo ang iyong mga bisig sa akin.

"Huwag na lang kasi . . ." bulong ko, ngunit wala kang sagot. Hindi ko alam kung ako ba ay iyong narinig.

Natakot ako sa katapusan, ngunit alam kong kailangan ko itong paghandaan. Gusto kong maging makasarili, ngunit para sa iyong pangarap, handa akong magparaya.

Sa ngayon, mananatili muna ako sa iyong mga bisig at aasang magbabago ang iyong isip.

Mga Lihim na Liham ni Maria Kina Juan at JuanaWhere stories live. Discover now