Sabi mo'y mangangaruwahe ka lamang, ngunit inabot ka na ng mahigit tatlong oras at hindi ka pa bumabalik. Wala akong magawa kundi ang itanong sa hangin kung nasaan ka o kung may nangyari bang hindi kanais-nais sa iyo.
At ang pagkabalisang ito ay naging lungkot nang nagpakita na tila eksena sa isang pelikula ang mga alaala nang minsan ako'y napagtaksilan . . . ang araw kung sa'n ang sabi'y nag-away sila ng kanyang ina ngunit nasa piling na pala ng iba habang nangangamaba akong humahagulhol.
Doon ko naisip na hindi mo naman ako tipo at nagkataon lang na ako ang naroon nang nais mong magliwaliw nang kaunti. Paano kung binalikan mo ang mga dilag na tunay mong tipo? Paano kung nangaruwahe ka patungo pala sa kanila?
Hindi naman ikaw ang uri ng taong ipag-aalala ako.
Hindi naman ikaw ang uri ng taong hindi uuwi kaagad sa yakap ko.
Ang lungkot na ito ay naging pangangamba, at ang pangangamba'y naging galit. Kaya't tuluyan kitang pinagsarhan ng pinto't bintana, nangakong hindi na muli kita papapasukin.
Hindi na sa aking tahanan . . . lalong-lalo na sa aking puso.
Nang maalaala kong may hindi pa ako naisasara, bigla kang sumilip sa bintana't sinabing hinuli ka ng mga guwardiya sibil. Ika'y inaway at pinilit magbayad ng salapi. Humingi ka ng tawad dahil ako'y iyong napag-alala habang nalulungkot dahil sa mga nangyari sa iyo.
Napaisip tuloy ako bigla kung tama bang nagalit at nalungkot ako. Ano kaya ang mangyayari kung hindi ko nakalimutan isara ang bintanang iyon? Malalaman ko ba ang iyong dahilan?
Kung gayon, masama na ba akong tao para umakto ng ganoon? Nag-alala ako na baka sabihin mong hindi tama ang aking inasal.
Ngunit laking luwag sa damdamin ko nang bigla mong sinabing nagulat ka lamang at nalungkot sa aking mga ginawa ngunit naintindihan mo ang aking reaksiyon. Humingi ka ng tawad at patuloy na ikinuwento ang kawalang-hiyaan ng sistemang patuloy na ginigipit tayong mga karaniwang mamamayan.
Habang kausap kita, hinihintay kong depensahan mo ang iyong sarili at sisihin mo ako, ngunit hindi ito nangyari. Dito kasi ako nasanay.
Salamat. Panatag akong ikaw ang aking kapiling.
BINABASA MO ANG
Mga Lihim na Liham ni Maria Kina Juan at Juana
PoetryKatulad ng pamagat, nakikiusap ang manunulat na panatilihin munang lihim ang tipon ng mga tula na ito. Nais muna niyang magulumihanan, sumaya't masaktan habang unti-unting hinuhulma ang di-tiyak na hinaharap ng kanyang pag-ibig. Kasinggulo ng kanyan...