TADHANA KABANATA 6

10 3 0
                                    

[Kabanata 6 - Anak]

WALANG kurap kong tinitignan ngayon si Danyiel Villanueva. Hindi ako maaaring magkamali, sya talaga ang akyat bahay na nakita ko sa hacienda Fernandez at sya rin ang ginoong nagpatayo ng pagamutang ito para sa mga nangangailangan.

Habang pinagmamasdan ko sya ay nakikita ko ang kakaibang lungkot sa kanyang mga mata, bakit kaya?

"Anastacia?" Napalingon ako sa aking likod nang doon ay may narinig akong tumawag sa pangalan ko, napangiti ako ng kaonti nang makita ang aking kaibigan na si Sergio.

Napangiti sya nang makita ako, naramdaman ko ang marahang pagsimoy ng hangin dahil bukas ang lahat ng bintana at pinto sa kubong ito. Muli kong nilingon si Danyiel Villanueva na ngayon ay nakatingin din sa akin, ibinalik ko na ang aking tingin kay Sergio at ipinakita sa kanya ang dala kong bakol.

Ngunit... "Ipinabibigay sa iyo ito ng iyong ina at ni Cresensia. Ayon sa kanila ay nakaramdam sila ng hilo kung kaya't ipinaubaya na nila sa akin ito," pagbibigay linaw ko at ibinigay sa kanya ang bakol, napatango naman si Sergio habang nakangiti pa rin ng matamis.

"Maraming salamat sa iyong pagtulong sa kanila. Kamusta na nga pala sina ina?" Tanong ni Sergio at tinanggap ang bakol na iyon, naglalaman iyon ng kaldereta na niluto ni Doña Cecilia para kay Sergio at sa mga kasamahan nito.

"Noong inako ko na ang kanilang gagawin ay tila biglang nawala ang kanilang hilo. Ako'y naguguluhan nga sa kanila ngunit bahala na," napapakamot sa ulong saad ko, natawa naman si Sergio na tila naiintindihan nya ang kanyang ina at kapatid.

Sabay kaming napatingin kay Danyiel na babalik na sana sa pagbabasa ng libro dahil wala naman syang kinalaman sa aming pinag-uusapan ngunit nagsimula na syang kausapin ni Sergio. "Danyiel! Nariyan ka pala. Hindi kita napansin sapagkat nasilaw ako sa ganda ng binibining naririto ngayon," nambobolang saad ni Sergio at sinulyapan ako bago kindatan, natawa na lang ako at napailing.

Sinulyapan kami ni Danyiel at napangiti ng kaonti, ngiti na puno ng inggit at pangungulila. "Kaibigan, ito nga pala si Anastacia De Leon. Ang... Ang aking sinasabi sa iyo," nakangiting pakilala ni Sergio sa akin sa kaibigan nyang si Danyiel, nag-aalinlangan akong sinulyapan ni Danyiel at tinanguhan bago nginitian ng kaonti.

Napatingin ako sa kanyang ngiting napipilitan. Kahit hindi nya sabihin, kahit hindi nya ipakita, at kahit itago nya pa sa mundo ay hindi makatatakas sa akin ang lungkot sa kanyang ngiti.

Ano kaya ang dahilan nito?

"Oo nga pala, kailangan ako sa imbakan. Ako'y aalis muna," saad ni Sergio na ikinatingin ko sa kanya, tinanguhan nya kaming dalawa ni Danyiel bilang pamamaalam at naglakad na papunta sa kabilang kubo.

Naiwan kaming dalawa ng kaibigan ni Sergio na mukhang pinagkakatiwalaan nya, lihim kong sinulyapan si Danyiel na sinara na ang librong binabasa nya kanina at ibinalik iyon sa kinalalagyan nito. Hindi ko napaghandaan ang mabilis nyang pagsulyap sa akin kung kaya't nahuli nya ang aking lihim na pagsulyap.

Bago pa sya magsalita ay agad ko na syang inunahan. "Ikaw ang akyat bahay na nakita ko sa pagdiriwang noong isang gabi, hindi ba?" Agad kong pag-uumpisa, tinignan nya ako ng diretso sa aking mga mata at tila nais malaman kung ano ba ang nais kong iparating.

"Nais mo ba akong isumbong?" Malamig na tanong nito na ikinatigil ko, unti-unting naglaho ang emosyon sa kanyang mukha dahil mukhang may naalala sya sa mga salitang binitawan ko. Unti-unti kong napagtatanto na baka sya ay nakatali ngayon sa ipinagbabawal na pag-ibig, tulad ko.

"H-hindi, nais ko lang sana na mag-iingat ka sa iyong mga kilos. Mahalaga sa akin ang lalaking pakakasalan ng iyong minamahal kung kaya't hindi ko nais na masaktan sya," mapait na saad ko at linabanan ang panghihina ng aking damdamin, walang emosyon nya akong tinignan.

"Kahit ikaw ay nasasaktan na," pagdudugtong nya sa aking sinabi na muling ikinatigil ko, kumibot ang aking labi at napayuko. Ang kanyang mga salita ay diretsong tumama sa aking puso.

Namutawi ang katahimikan sa pagitan namin, wala ni-isa ang bumalak na magsalita muli. Malungkot akong nag-angat ng tingin sa kanya, nakita ko nang bumuntong hininga sya habang pinagmamasdan ang isang puting panyo na binurdahan ng dilaw na buwan mula sa lamesa. Lagpas-lagpas at hindi perpekto ang pagkaburda ng buwan ngunit sa kanyang mga mata ay perpekto ito.

Naramdaman na naman nya ang aking tingin kung kaya't dumapo rin muli ang kanyang mga mata sa akin, muli na lang akong napayuko. Ako ay nasisindak sa kanyang malamig na tingin, muntik na akong ginawin dahil sa sobrang lamig nito.

Inisip ko na lang ang kanyang lihim na pag-akyat sa cuarto ni Gwenaelle, malamang ay nagkaabutan sila. Ngunit hindi ba ay dumating si Khalil? Nahuli kaya sila? Ngunit hindi, wala namang nangyaring gulo. Ngunit paano rin kung nahuli pala sila ni Khalil ngunit hindi nya na lang sinabi upang hindi na magkagulo pa? Ano ba talaga ang nangyari?

Ang sunod-sunod na tanong na pumasok sa aking isipan ngayon, ang aking mga tanong ay palagi na lang naiipon at naiiwan sa aking isip hanggang sa tuluyan nang maglaho ito. Alam kong ganoon din ang mangyayari ngayon, isasabay ko na lang ito sa ihip ng hangin.

Ilang sandali pa ay nagbalik na si Sergio mula sa imbakan, nagtaka sya nang makitang pareho kami ni Danyiel na nakaiwas ng tingin sa isa't isa na tila ba hindi namin nais makita ang pagmumukha ng isa't isa.

"Taciang," pagtawag ni Sergio sa aking pangalan, nag-angat ako ng tingin sa kanya at sinubukang ngitian.

"Ah, oo nga pala. Ako'y mauuna na rin sapagkat hinahanap na ako ni ama. Paalam mga Ginoo," nagmamadaling pamamaalam ko at dali-daling lumabas ng kubo kahit pa hindi pa nila natutugunan ang aking pamamaalam, alam kong hindi kaaya-aya ang aking biglaang pag-alis ngunit nagawa ko na at hindi na maibabalik pa.

Pinanindigan ko na lang ang dire-diretsong pag-alis sa kubo at mabilis na pagsampa sa kalesa, muntik nang mahulog si Mang Andres mula sa kanyang kinauupuan nang maramdaman ang paggalaw ng kalesa. Agad akong sumenyas na paandarin ang kalesa.

Hindi naman bulag si Mang Andres kung kaya't inaantok man ay mabilis nyang pinaandar ang kalesa paalis, muli akong napalingon sa pagamutang iyon at nakita ko si Danyiel na sumilip sa bintana at tinanaw ang kalesang sinasakyan ko paalis.

Hindi man kami malapit sa isa't isa, umaaasa pa rin ako na balang araw ay mahanap nya ang kasiyahan sa kanyang puso pagdating sa salitang... Pag-ibig.

PAPALUBOG na ang araw, mag-isa akong naglalakad ngayon patungo sa hardin ng Santa Prinsesa upang masilayan ang iba't ibang bulaklak na kay gandang pagmasdan. Pinauwi ko na si Mang Andres sa hacienda De Leon upang doon matulog, habang ako naman ay naisipang lumabas muli sapagkat nabuburyo ako sa aming tahanan.

Isang malaki at malawak na hardin ang bumungad sa akin, namutawi ang pagkamangha sa aking mga mata habang pinagmamasdan ang iba't ibang klase ng bulaklak at kulay ng mga ito. Papasok na sana ako sa entrada ngunit napatigil ako nang makita ang pamilyar na lalaking may kalaro ngayon na batang lalaki.

Pareho silang may hawak na patpat at kunwaring espada, ang isa nyang kamay ay nasa likod habang ang isa naman ay maingat na pumapalag sa pag-atake ng batang sa palagay ko ay walong taong gulang pa lang.

Napangiti ako nang makita ang ngiti sa labi ni Khalil habang nakikipaglaro sa maliit na bata, mahina lang ang pagbawi ni Khalil habang ang batang lalaki naman ay todo bigay dahil sa hangaring matalo ang kanyang kalaban. Hindi ko akalaing ang isang Heneral ay nagbibigay ng oras na makipag-ensayo sa isang munting ginoo.

Kitang-kita ko ngayon ang saya sa kanyang mga mata dahil simula noong lumaki ay mahilig na talaga sya sa bata, sya ay dalawampu't anim na at ang kanyang edad ay nararapat na magkaroon na ng paslit. Isang anak na alam ko namang kailanman ay hindi magiging sa amin at tanging sa kanya lang.

********************
#Tadhana #PagIbigSerye

Pag-ibig Serye #3: TadhanaWo Geschichten leben. Entdecke jetzt