TADHANA KABANATA 12

8 3 0
                                    

[Kabanata 12 - Pagpili]

NANG matauhan ay dali-dali kaming napabitaw sa isa't isa at napayuko, sobrang bilis ngayon ng pagkabog ng aking puso dahil patuloy kong nararamdaman ang higpit ng kanyang hawak sa aking braso!

Dire-diretso na sana akong maglalakad patungo sa loob ng palikuran ngunit napatigil ako nang doon din pala pupunta si Khalil, mukhang kaya pala sya lumabas ng cuarto nya ay dahil tutungo sya sa palikuran. Mas lalo tuloy akong nahiya, saan na lang ako pupunta ngayon?!

"I-ikaw na." Gulat kaming nagkatitigan nang sabay naming sabihin iyon, doble-doble na ngayon ang hiyang nararamdaman ko! Bakit ba ganito ka, tadhana?! Ako ay mawawala na sa katinuan dahil sa mga nangyayaring ito!

"Ikaw na," pag-uulit nya, nahihiya aking nag-angat ng tingin sa kanya. Nakasuot sya ngayon ng pantulog, mukhang kagigising lang din nya. Ang gulo ng ayos ng kanyang buhok ngunit bagay naman iyon sa kanya.

"Hindi. Ikaw na ang mauna dahil pamamahay mo naman ito," pagtatanggi ko, napapikit sya. Habang pinagmamasdan ko sya ay pilit kong pinipigilan ang aking sarili na gumawa ng kung anong kahibangan, hindi ko na nga sya nais titigan ngunit pasaway ang aking mga mata.

Idinilat na nya ang kanyang mga mata na diretso tumama sa akin. "Ikaw na para sa isang binibining tulad mo," mahinahong pagpapauna nya sa akin, nakatingin sya ngayon ng diretso sa aking mga mata at hindi ko naman magawang alisin ang tingin ko sa kanya at maging ang aking pagtingin.

Sa huli ay nagkatitigan na lang kami, nakaramdam ako ng kiliti sa aking puso habang pinagmamasdan syang nakatitig sa akin ngayon. Ang paraan ng kanyang pagtingin ay nagdudulot ng paglukso ng aking puso, tila kakaiba ito kumpara sa lahat. Naputol lang ang pagtititigan naming iyon nang dumating si Cresensia at nang-uusisa kaming tinignan.

"Ano iyan?" Taas kilay na tanong ni Cresensia at tinignan ang mukha naming dalawa ni Khalil, napaiwas na sya ng tingin sa akin at humawak sa pader.

"S-sige, hindi ko naman nais tanggihan ang kaginoohan mo kung kaya't... M-mauuna na ako," kinakabahang saad ko at mabilis na pumasok sa palikuran, mabilis ko ring sinara ang pinto at napasandal doon.

Napahawak ako sa tapat ng aking puso at napapikit, nababalisa talaga ako sa tuwing sya ang kaharap ko. Napayakap ako sa aking sarili, bumaba rin ang aking kamay sa braso kong hinawakan nya. Isa iyong kapangahasan ngunit marahil ay ililihim na lang muli namin iyon, maging ang pagkapit ko sa kanyang balikat. Maging ang pagtititigan namin! Hindi ko na mabilang pa ang mga kasalanang nagawa naming dalawa.

Ngunit dahil isa akong hibang ay ikinangingiti ko pa iyon, isa talaga akong hibang pagdating sa kanya. Napasapo na lang ako sa aking noo at pinagmasdan ang aking sarili sa salamin, sa huli ay tila isang hibang akong napangiti dahil sa saya at sa kabila ng kapangahasan naming dalawa.

WALANG ingay akong naglalakad ngayon sa pasilyo, kalalabas ko lang ng palikuran at tila kinakapos ako ngayon ng hininga dahil sa kaba. Kumapit ako sa baranda na konektado sa hagdan at sumilip sa baba, napatigil ako nang makitang naririto na ngayon sa baba ang buong pamilya Santiago maliban sa haligi ng tahanan.

Wala na akong nagawa pa nang mapatingin sa akin si Khalil, sunod no'n si Sergio na nagliwanag ang mukha nang makita ako. Nagkatinginan si Sergio at Khalil, nagtaka ako nang tanguhan sya ni Khalil. Napatingin na rin sa akin si Doña Cecilia at Cresensia, nakakahiya ngunit umiwas na ako ng tingin at bumaba na.

Nang makababa ay nanatili akong nakayuko, hindi ko pa kayang makatagpo ng tingin si Khalil. "Oh? Anong nangyari sa iyo, ate Taciang?" Rinig kong tanong ni Cresensia at hinawi ang aking buhok na humaharang sa aking mukha, hinawakan nya ang aking kamay at dinala paupo sa kanape.

Tila umurong ang aking dila at hindi nakapagsalita, tinignan ko si Cresensia na itinali na ngayon ang mahaba at kulot kong buhok. "Salamat," nakangiting pasasalamat ko sa kanya, tumango naman sya ng dalawang beses. Buhaghag na pala ang aking buhok kanina.

"Sya nga pala aking dalawang anak, mabuti na lang at naririto kayong dalawa ngayon. May itatanong lang sana kami," nakangiting saad ni Doña Cecilia na ikinatingin naming lahat sa kanya, maliban kay Khalil na nararamdaman kong nakatingin sa akin ngayon.

"Ano po iyon ina?" Magalang na tanong ni Sergio, mabuti pa sya at nakikinig.

"Maaari nyo bang sabihin sa amin ang pinakamaganda?" Nakangiting tanong ni Doña Cecilia at itinuro ang tatlong bestida na nakahilera ngayon sa lamesa, sinulyapan ako ni Sergio habang si Khalil naman ay isa-isang tinignan ang bestida.

Tumigil ang kanyang mga mata sa bestidang may disenyong kulay kahel na mga rosas, ang bestidang ginawa ko. Napatingin din si Sergio roon bago sa kanyang kuya na mukhang napaisip ngayon, tinignan ko ang mag-inang Santiago na inuusisa ngayon si Sergio at Khalil.

"Ano?" Tanong muli ni Doña Cecilia dahil nanahimik ang kanyang mga anak, sabay silang napatingin sa kanilang Ina.

"Anastacia." Si Khalil.

"Si Taciang po." Si Sergio.

Nagtataka namang napatingin ang mag-ina sa isa't isa. "Mga kuya, ang tinatanong namin ay alin sa mga bestida ang pinakamaganda at hindi kung sino. Naku, bawal ang sagot na iyan kuya Leviano. May asawa ka na 'di ba?" Tanong ni Cresensia na ikinatigil ni Khalil, napatingin si Doña Cecilia kay Cresensia dahil tanong nitong iyon.

"Magtigil na. Sagutin nyo na lamang ang tanong ko," sermon ni Doña Cecilia, napatahimik si Cresensia at tinakpan ang kanyang bibig. Sya ay hindi pa talaga tumatanda.

Sabay nilang itinuro ang bestidang ginawa ko, napangiti ako dahil doon. Napatingin ako kay Doña Cecilia at Cresensia na parehong napapamewang ngayon. "Eh ganoon pa rin naman ang sagot," nakasimangot na saad ni Cresensia, nang mag-angat sya ng tingin sa akin ay nginitian nya ako.

"Ina, may nanalo na sa ating paligsahan!" Nakangiting saad ni Cresensia, napangiti rin si Doña Cecilia at muling sinulyapan si Khalil at Sergio na hindi ko matukoy kung nakatingin ba sa akin ngayon.

"Pagbati, Taciang. Maaari kang humiling sa amin ng kahit na ano," mahinahong ngiti ni Doña Cecilia, tinanguhan ko naman sila ni Cresensia at nginitian.

Ngayong nanalo ako, ano pa ba ang aking mahihiling? Halos nasa akin na lahat ng kailangan ko. Masaganang buhay, karangyaan, mabubuting kaibigan, mabuting ama, mabuting mundo pagdating sa buhay na pinapangarap ng lahat. Sa totoo lang ay napakaswerte ko.

Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin kay Khalil na natahimik na, nag-angat sya ng tingin sa akin bago kami tanguhan lahat bilang pamamaalam. Umakyat na sya at hindi na ako nilingon pa, nang marinig ko ang pagsara ng pinto ay napabuntong hininga na lang ako.

Sya lang ang tanging kulang sa aking buhay na alam ko namang kailanman ay hindi ko makukuha kahit ano pa ang pakiusap at kahilingan ko, tulad ng sinasabi ng lahat ay walang perpekto sa mundo at walang perpektong mundo. Palaging may kulang. Ikaw ay makokontento lang sa oras na malaman mo ang halaga ng isang bagay.

Nag-angat ako ng tingin kay Sergio na nakatitig sa akin ngayon, alam kong hindi rin sya masaya sa kanyang buhay pag-ibig dahil hindi ko magawang punan iyon. Marahil ay ganito rin ang nararamdaman sa akin ni Khalil kung sakaling alam nya na iniibig ko sya, na mahalaga ako sa kanya ngunit hindi iyon sapat upang ako'y mahalin nya rin.

Marahil din ay sa susunod ko na lang gagamitin ang kahilingang ito, sa oras na magkaroon ako ng pagkakataong ibigin nya rin. Ngunit mukhang ang kahilingang ito ay hanggang dito na lang, sapagkat alam ko namang hanggang sa kamatayan ay hindi nya ako magagawang ibigin din.

********************
#Tadhana #PagIbigSerye

Pag-ibig Serye #3: TadhanaWhere stories live. Discover now