TADHANA KABANATA 7

9 2 0
                                    

[Kabanata 7 - Kung Maaari]

"ARAY!" Sigaw ni Leviano at napahawak sa tapat ng kanyang puso nang tusukin iyon ng bata, napaupo si Khalil sa sahig at umarte na tila labis syang nasaktan kahit pa hangin lang naman talaga ang pagtama ng patpat na kawayan sa kanya.

"Hala po!" Kinakabahang saad ng bata at nabitawan ang hawak nyang patpat, mabilis syang lumapit sa heneral na ngayon ay kasing tangkad na nya dahil nakaupo na ito sa sahig.

Nakasuot ngayon ng unipormeng pang heneral si Khalil at mukhang nakita nya lang ang batang ito sa hardin. "Ayos lang po ba kayo, kuya?" Inosenteng tanong nito at tinapik ang puso ni Khalil, mukhang wala syang kaalam-alam na kalaro nya ngayon ang isang heneral ng bayan.

"Nahihirapan na nga sya, tinusok mo pa. Kawawa naman ang aking puso," reklamo ni Khalil at hinawakan ang tapat ng kanyang puso, napatulala naman ang bata sa kanya at tila pinoproseso pa sa kanyang isip ang sinabi ni Khalil.

"Bakit po nahihirapan ang inyong puso gayong hindi naman po sya nagtatrabaho?" Naguguluhang tanong ng bata, hindi na napigilan ni Khalil ang kanyang tawa at niyakap ang bata. Mukhang ang batang ito ay nagmula sa mahirap na angkan ngunit hindi naman iyon mahalaga pa sa taong hindi tumitingin sa uri ng pamumuhay nito.

"Kuya, nais ko pong maging isang sundalo paglaki ko! Nais ko pong maging parte ng hukbong sandatahan," nakangiting pagbabahagi ng batang lalaki at pinakita kay Khalil ang natutunan nya rito, napangiti naman si Khalil at tumayo na.

"Mangyayari rin iyan," nakangiting saad ni Khalil at hinawakan ang kanyang sandatang nakakabit sa kanya, tinapik nya ang ulo ng bata habang may ngiti sa labi.

Sa hindi inaasahang pagkakataon ay napatingin sya sa direksyong aking kinaroroonan ngayon, mabilis na nahagip ng kanyang mga mata ang aking sarili na nakasuksok ngayon sa gilid ng payat na pader kung kaya't kita pa rin ako. Hindi ko alam kung paano nya natunugan na ako'y naririto, marahil ay dahil nagtatago ako sa lugar kung saan kita naman ako.

Napatigil sya nang makita ako ngunit agad nyang pinili na ngumiti, ngiti na tila pilit at kakaiba. Lumabas na ako mula sa aking pinagtataguan at nag-aalinlangang naglakad papalapit sa kanya, nakararamdam ako ng kaba dahil sa paraan ng kanyang pagtitig sa akin ngayon. Bumibilis na naman tuloy ang pagkabog ng aking puso.

Nang tuluyang makalapit sa kanila ay sinubukan kong ngumiti at nagbaba ng tingin sa batang ito na nakanganga ngayon habang pinagmamasdan ako. Nagtaka ako ngunit nginitian ko na lang sya. Umusog sya papalapit kay Khalil at yumakap sa binti nito.

"Kuya, hindi po ako makapaniwalang totoo pala ang mga anghel!" Tuwang-tuwang saad ng bata at tumakbo papalapit sa akin upang yakapin ako, nagulat ako dahil sa ginawa nya ngunit agad akong napangiti at umupo upang mayakap sya ng maayos.

Nag-angat ako ng tingin kay Khalil na ngayon ay ilinilibot ang kanyang paningin, naging malalim din ang kanyang paglunok. Ilang sandali lang ay bumitaw na rin sya sa akin at namamanghang pinagmamasdan ang aking pagmumukha.

"Ako nga po pala si Tonyo," nakangiting pakilala nya at kinindatan ako, natawa naman ako at tinanguhan sya.

"Ikinagagalak akong makilala ka, Tonyo! Ako naman si Binibining Anastacia," nakangiting pakilala ko sa kanya at kinurot ang kanyang pisnging mataba, ang kanyang mga laman ay napunta yata lahat sa kanyang pisngi at kinulang sa katawan.

Muli akong nag-angat ng tingin kay Khalil na nakayuko ngayon at pasimple akong tinitignan ngunit ngayong nakatingin na ako sa kanya ay agad syang umiwas ng tingin at nagkunwaring abala sa pagtingin ng mga bulaklak sa loob ng hardin. Umihip ang malamig na hangin at hinangin ang mga bulaklak, marahan ding hinangin ang aming mga buhok. Malapit nang sumapit ang dilim, papalubog na ang araw.

"Anastacia, Taciang, hindi ba't parang magkalapit po?" Tanong ni Tonyo na ikinatingin ko sa kanya, napatango naman ako at nginitian sya.

"Bakit mo naman nabanggit ang aking palayaw?" Nakangiting tanong ko, tumalikod sya sa akin at tinignan si Khalil na ngayon ay muling napalunok at sinubukang lakihan ng mata ang batang ito.

"Paulit-ulit po kasi iyong binabanggit ni Kuya kanina, hindi ko na nga po makalimutan eh. Ang sabi nya po-" hindi na natuloy ni Tonyo ang kanyang sasabihin dahil dali-daling tinakpan ni Khalil ang kanyang bibig at pilit akong nginitian.

"A-ang sabi ko ay mukha ka talagang anghel, hindi ba Tonyo?" Tanong ni Khalil kay Tonyo na ngayon ay umiling, naguguluhan akong nag-angat ng tingin kay Khalil na ngayon ay ilinilibot ang kanyang paningin upang makaisip ng palusot.

Oo, palusot. Alam ko namang nagsisinungaling sya, kitang-kita ko iyon ngayon sa kanyang mga mata. Habang patuloy na umiihip ang malamig na hangin ay patuloy ko ring tinitignan ngayon si Khalil ng diretso sa kanyang mga mata, bigla akong napaisip kung bakit nya ako binabanggit sa bata. Ano kaya ang sinabi nya tungkol sa akin?

"Ang sabi nya ay maganda ka raw po!" Gulat akong napatingin kay Tonyo na ngayon ay nakatakas sa pagkakahawak sa kanya ni Khalil at dali-daling kumapit sa akin, naramdaman ko ang biglang pag-iinit ng aking pisngi.

Bumilis ang tibok ng aking puso at tinignan ngayon si Khalil na napakamot sa kanyang makinis na batok, ang kanyang mukha ngayon ay malapit nang sumimangot dahil ipinagkanulo sya ni Tonyo. Binasa nya ang kanyang labi at ilinagay ang magkabila nyang kamay sa kanyang likod.

"Totoo naman, alam na iyon ng lahat. Matagal ko na rin iyong sinasabi sa 'yo," nakangiting saad ni Khalil, nakaramdam ako ng kung anong kiliti sa aking puso dahil sa sinabi nya. Ang pakiramdam na binabati ng lahat ang iyong pisikal na anyo ay napakasarap sa pakiramdam, lalo-lalo na kung sya mismo.

Napatulala na lang ako kung kaya't malaya nyang nakuha si Tonyo sa aking likod. "Kami ay mauuna na, Taciang. Ihahatid ko na ang batang ito." Natauhan ako at muling nag-angat ng tingin kay Khalil nang mamaalam na sya, kumaway na sa akin ang batang si Tonyo habang hawak ni Khalil ang kamay nya.

Kakatalikod pa lang nila ngunit agad akong nagsalita upang pigilan sila. "S-sandali." Dahan-dahang napalingon sa akin si Khalil, umihip ang sariwang hangin na tumama sa aming balat. Napahinga ako ng malalim at lakas loob na muling nagsalita, hindi ko na aaksayahin pa ang pagkakataong ito.

"M-maaari ba akong sumama?" Lakas loob na tanong ko, nagulat si Khalil dahil sa tanong ko. Magsasalita pa lang sana sya ngunit naunahan na syang sumagot ni Tonyo.

"Opo naman po!" Magiliw na sagot ni Tonyo at kumapit sa kamay ko, nanatili akong nakatitig kay Khalil at tila nag-aalinlangan sya. Alam ko naman kung bakit, walang iba kung hindi dahil sa asawa nya.

"Khalil, ano ang iyong tugon?" Naninigurong tanong ko, kung hindi nya nais ay ayos lang naman sa akin upang mas komportable sya. Lumipas ang ilang segundo at hindi naman sumagot si Khalil, nakatitig lang sya sa akin.

Habang pinagmamasdan ko sya at ang kanyang mga mata ay may nararamdaman akong ikinukubli nito, hindi ko alam kung sa iba o kung sa akin. Kinalabit sya ni Tonyo kung kaya't natauhan sya, napahinga sya ng malalim at tinignan ako.

"Sige," sagot nya na ikinagaan ng damdamin ko, napangiti ako at tinignan si Tonyo na nagtatalon ngayon sa tuwa.

"Tayo na," saad ni Khalil at tinanguhan ako bago mauna sa paglalakad, nagpasunod sa kanya ang batang si Tonyo dahil hawak ni Khalil ang kamay nya.

At dahil hawak din ni Tonyo ang aking kamay ay napasunod din ako, muling gumuhit ang ngiti sa aking labi habang pinagmamasdan ngayon si Khalil. Naisip ko ang sinabi nya kanina na tayo na, ibinulong ko na lang sa aking sarili ang sagot ko roon na kung maaari nga lang.

********************
#Tadhana #PagIbigSerye

Pag-ibig Serye #3: TadhanaWhere stories live. Discover now