TADHANA KABANATA 10

9 3 0
                                    

[Kabanata 10 - Ang Mahalaga]

NAGLALAKAD ako ngayon patungo sa isang lugar kung saan naudlot akong puntahan ito, sa hardin ng Santa Prinsesa. Jardín de Santa Princesa ang pangalan ng hardin na hindi kinalilimutan ng lahat. Nang makarating sa kanto ay bumaba na ako at sinabi kay Mang Andres na maglalakad na lang ako.

Nang tuluyang makarating sa entrada ay sumalubong sa akin ang tagapangasiwa ng hardin na ito, si Mang Pepito. Napahinga ako ng malalim at ilinibot ang aking paningin bago muling tignan si Mang Pepito, agaw pansin ang bilog nyang tiyan.

"Magandang umaga po, maaari po ba akong pumasok sa loob?" Magalang na tanong ko at binigyan sya ng ngiti, baka mamaya ay hindi pa sya pumayag kung kaya't kinakailangan kong ipakita sa kanya na isa akong mabait na binibini.

"Hindi maaari ngunit sige, dahil mukha kang anghel ay maaari ka nang pumasok sa loob binibini. Mag-iingat ka dahil may leon riyan," nakangiting saad ni Mang Pepito at itinapat sa kanyang dibdib ang suot nyang sumbrelong buri bago maglakad paalis.

Napakamot naman ako sa aking tainga at nagtatakang sinundan ng tingin si Mang Pepito, ako nga ang leon dito sapagkat iyon ang aking apilyedo. Napahinga na lang ako ng malalim at hinanda ang aking sarili, baka mamaya ay hindi pala nagbibiro si Mang Pepito at may mabangis na leon talaga rito.

Nagsimula na akong maglakad papasok sa loob, mga ulap ang namumutawi ngayon sa kalangitan at malapit na ang paglubog ng araw. Nang makatawid sa maigsing tulay ay natanaw ko ang isang lalaking nakatalikod ngayon sa akin, nakaupo sya sa isang malaking bato at pinagmamasdan ang isang rosas na kulay kahel.

Unang segundo pa lang na nakita ko sya ay agad ko syang nakilala, si Khalil. Nakita ko nang bumuntong hininga sya. "Hindi ko na alam ang gagawin ko—" sa kalagitnaan ng kanyang pagsasalita ay bigla syang napasulyap sa akin na nakatitig ngayon sa kanya, napatigil sya nang makita ako.

Wala na akong pamimilian pa at naglakad na papalapit sa kanya. "Anong ginagawa mo rito?" Tanong nya at tumayo, humakbang sya papalayo sa akin. Bumigat ang aking dibdib dahil sa ginawa nya, sinusubukan nyang iwasan ako.

"Pinapasok ako ni Mang Pepito," sagot ko habang nakatingin ng diretso sa mga mata nya, hindi ko alam kung bakit patuloy syang humakbang papalayo sa akin gayong patuloy akong lumalapit sa kanya.

"Pinapasok ka nya?" Tanong ni Khalil at napahilot sa kanyang sintido, naalala ko tuloy ang nakaraan kung saan iniisip ko na hinihilot sya dahil pagod sya sa kanyang trabaho. Ngayong kasalukuyan ay hindi ako ang pinalad na gagawa no'n sa kanya.

Marahil ay ibinilin nya kay Mang Pepito na huwag magpapasok ng kahit sino ngunit dahil sa aking ngiti ay nagawa akong makapasok, ito pala ang leon na itinutukoy ni Mang Pepito. Mahal ko na pala ang mga leon ngayon kahit mababangis sila.

"Mauuna na ako," biglang pamamaalam nya, humakbang na sya papalayo sa akin ngunit agad ko syang pinigilan. Mabilis ko syang sinundan ay hinawakan ang kanyang braso.

Nakasuot sya ngayon ng itim na pantalon, puting panloob, itim na agribo't sumbrelo, at makintab na sapatos. Hindi sya nakasuot ngayon ng unipormeng pang heneral ngunit hindi iyon ang dahilan upang hindi ko sya makilala, simula noong magustuhan ko sya ay kinabisado ko na ang bawat detalye ng kanyang pagkatao. Hindi naman sa hibang ako ngunit parang ganoon na nga.

Hindi nya ako nilingon, tila may pumipigil sa kanya. Napahinga ako ng malalim bago magsalita. "Bakit ka ba umiiwas?" Mabigat sa loob na tanong ko, napahinga rin sya ng malalim at nilingon na ako.

"Hindi kita iniiwasan," pagtatanggi nya sa aking paratang, hindi ko naman binitawan ang kanyang braso. Sinungaling.

"Kung gayon, anong tawag mo sa ginagawa mo?" Tanong ko sa kanya at tinignan sya ng diretso sa mga mata nya, magkaibigan na nga lang kami ngunit iniiwasan nya pa ako. Ako nga ang dapat umiwas sa kanya sapagkat ako ang may gusto sa kanya.

"Ako ay kailangan na sa hukuman," pag-iiwas na naman nya sa akin, hindi naman nya suot ngayon ang kanyang uniporme. Hinawakan na nya ang aking kamay at dahan-dahan iyong binitaw sa kanyang braso dahil alam nyang iyon ang magpapatigil sa akin, ngunit hindi sa pagkakataong ito.

"Alam kong sa 'yo nanggaling ang rosas at papel na iyon. Para saan ba? Pakiusap naman, linawin mo ang iyong mga galaw." Sapagkat ako ay patuloy na umaasa sa mga ginagawa mong iyon...

Nagsimula nang maging kulay kahel ang kalangitan, umihip ang sariwang hangin tulad ng dati. "Kay Sergio nanggaling ang rosas na iyon," pagtatapat nya na hindi ko alam kung pagiging matapat nga ba talaga, hindi pa rin ako naging kumbinsido.

"Ngunit bakit mo alam?" Usisa ko, ayaw nya na lang kasi umamin. Maaari ko namang tanggapin iyon bilang kaibigan, kaibigan na naman.

"Magpatulong sya sa akin kung kaya't pakiusap, Anastacia, huwag ka nang magtanong." Dahan-dahang umurong ang aking dila nang marinig ang pakiusap nya, alam kong seryoso na sya ngayon dahil sinambit nya ang aking buong pangalan.

Mabigat sa loob akong napaatras at napayuko na lang, nang tuluyan na syang naglakad papalayo sa akin ay nahahip pa rin ng aking mga mata ang hawak nyang rosas. Pupunta raw sa hukuman ngunit may dalang bulaklak. Ang galing nya talagang magpalusot, paniwalang-paniwala ako ngayon.

Alam ko naman kung kanino nya ibinigay iyan.

Napabuntong hininga na lang ako at naiwang tulala sa kalangitan, malapit nang sumapit ang dilim. Malapit nang maglaho ang araw tulad ng aking pag-ibig sa kanya na hindi ko alam kung hanggang kailan sya magagawang ibigin.

MABIGAT sa loob akong bumaba sa kalesa at tila lantang gulay na naglakad papasok sa loob ng aming hacienda, nakalimutan ko nang bumaba ng maayos sa kalesa dahil ako'y nalulugmok ngayon sa kalungkutan.

Naaalala ko pa rin ang seryosong tingin at pananalita sa akin ni Khalil, nagbago na nga sya. Napayuko ako at nangingilid ang luhang hinawakan na ang tarangkahan (gate), nanlalabo man ang aking paningin dahil sa namumuong luha sa aking mga mata ay naaninag ko pa rin ang isang pirasong rosas na nakapatong ngayon sa bangkong nasa labas ng aming hacienda.

Pinunasan ko ang aking luha at nanginginig ang labi na ilinibot ang aking paningin, baka may nakaiwan na naman ng rosas dito at paasahin ako sa wala. Nang wala namang nakitang tao ay dinampot ko na ang rosas na iyon, napatigil ako nang makitang kulay kahel iyon.

Sinilip ko ang loob ng rosas at may nakita akong nakasuksok na kapirasong papel doon, napatingin ako sa magkabilang gilid bago buklatin at basahin iyon.

Lo Siento. (Patawad)
- K.

Sa pagkakataong ito ay naunawaan ko na ang nais ipabatid ng nakasulat sa papel na ito ngayon, pamilyar sa akin ang sulat kamay na aking nakikita ngayon. Isang letra lang ang nakasulat sa kung kanino nanggaling ito ngunit agad kong nabatid kung kanino nanggaling ito.

Hindi ako pwedeng magkamali, na kay Khalil Leviano Santiago nanggaling ang mga ito.

Mahal kong talaarawan,

Sa totoo lang ay hindi ko na nais pang umasa ngunit sa pagkakataong ito ay hindi ako maaaring magkamali na sa kanya nanggaling ang rosas at papel na ito.

Hindi ko alam kung bakit nya ito ginagawa ngunit ang mahalaga sa akin ngayon ay ang marinig ang paghingi nya ng tawad na syang nagpapagaan ngayon sa aking dibdib.

Sa kabila ng lahat, ito man ang nais ng tadhana, hindi mo man ako iniibig, asahan mo pa rin ang puso kong patuloy kang isisigaw at iibigin.

Nagmamahal,
Anastacia.

********************
#Tadhana #PagIbigSerye

Pag-ibig Serye #3: TadhanaWhere stories live. Discover now