TADHANA KABANATA 35

20 1 0
                                    

[Kabanata 35 - Tadhana]

NAPADILAT ang aking mga mata matapos marinig ang mga hakbang na padaan sa aking selda ngayon, tulad ng dati ay wala akong ibang nagawa kung hindi ang hintayin na sila ay magpakita sapagkat hindi ako malaya sa loob ng kulungang ito.

"Talaga? Nakatakda na muli syang ikasal?" Rinig kong tanong ng isang guardia, napatigil ako at napahawak sa rehas. Buong gabi akong hindi nakatulog dahil sa mga salitang binitawan ni Aurora kagabi, ako'y nalunod na sa kaiisip.

"Oo, iyan ang aking nabalitaan mula sa aking kapatid. Ikakasal na muli ang heneral sa iba," rinig kong sagot naman ng isang guardia civil na muling ikinatigil ko, dumating na sila sa tapat ng aking selda.

Ikakasal na muli?

"S-sinong heneral ang inyong itinutukoy?" Nanginginig ang boses na tanong ko at sinubukang labanan ang kabang naghahari ngayon sa aking puso.

Nagkatinginan ang dalawang guardia. "P-pakiusap. Isang katanungan lamang," lakas loob na pakiusap ko dahil tila nag-aalinlangan silang sabihin sa akin ang kanilang nalalaman.

"Paumanhin binibini ngunit hindi kami maaaring magbigay ng impormasyon sa isang bilanggong tulad mo," seryosong saad ng guardia at umayos na silang dalawa ng tindig, sila ay nagmartsa na paalis sa aking harapan at tila napagtantong mali na mag-usap sila rito.

"S-si heneral Leviano ba?" Kinakabahang pahabol na tanong ko sa kanila ngunit nagpatuloy na sila sa paglalakad at hindi na nag-abalang lingunin pa ako.

Kumibot ang aking labi at humigpit ang pagkakahawak sa rehas ng selda na ito, nais kong lumabas at kausapin si Khalil ngunit walang kalayaan pagdating sa kulungang ito. Ang tanging magagawa ko lang ay hintayin ang kanyang muling pagbabalik.

Napayakap ako sa aking tuhod at napatulala sa kawalan. Si Khalil nga kaya ang nakatakda nang ikasal sa iba? Ngunit hindi, hindi nya iyon gagawin. Hindi lang naman si Khalil ang heneral na namamalagi rito, hindi sya ang heneral na tinutukoy nila...

Ngunit bakit ganoon? Hindi ko pa rin mapigilang maisip na baka nakatakda na nga syang ikasal sa iba. Ngunit bakit nya gagawin iyon? Bakit sya magpapakasal sa iba? Mga tanong na hindi ko alam kung karapatan ko bang malaman sapagkat wala namang malinaw na namamagitan sa aming dalawa.

Napakalabo nya.

KINABUKASAN, matapos kong kainin ang pagkain na dinala sa akin ng isang guardia civil ay nanatili na ako sa pinakasulok ng selda at isinandal ang aking noo sa aking tuhod. Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa gayong mas maayos pa akong nakakakain dito kaysa noong ako'y malaya pa.

Sumandal ako sa maduming pader ng selda at malungkot na napatingin sa aking gilid na pader din, igagala ko muli sana ang aking paningin ngunit napatigil ako nang marinig ang mahinahong hakbang na papalapit sa aking selda.

Ipinikit ko na lamang ang aking mga mata at nagtulog-tulugan, wala pa akong lakas upang makipag-usap ngayon. Kung si Aurora man ang dumalaw sa akin ngayon ay ipipikit ko na lamang ang aking mga mata at hindi na mag-aaksaya pa ng lakas upang sagutin sya.

"N-natutulog ka pala, mahal ko..." Napatigil ako matapos marinig ang pamilyar na boses ni Khalil, nanatili akong nakapikit at nagtulog-tulugan. Bumilis ang tibok ng aking puso dahil sa itinawag nya sa akin, tila biglang naglaho ang lahat ng namumuong hinanakit ko sa kanya.

Narinig ko ang malalim nyang paghinga, hindi ko alam kung nakatingin pa sya sa akin ngayon gayong nakatalikod ako sa kanya. Pakiramdam ko ay napakabigat ng kanyang dinadala dahil sa lalim ng kanyang buntong hininga.

Pag-ibig Serye #3: TadhanaWhere stories live. Discover now