TADHANA KABANATA 21

11 2 0
                                    

[Kabanata 21 - Pakiusap]

TULALA kong pinagmamasdan ngayon ang kalangitan na nababalot ng kulimlim, kaninang madaling araw ay bumuhos ang malakas na ulan. Tumila na ito ngayon ngunit nanatili pa ring makulimlim ang kalangitan na naghahatid sa amin ng balitang patuloy pa ring bubuhos ang luha ng kalangitan, malamig ang simoy ng hangin na syang yumayakap sa akin.

Nakasakay ako ngayon sa kalesa, basa pa ang sahig at may kanya-kanyang dala ang mga tao ng payong de hapon dahil baka kailanganin nila ito. Ilang sandali pa ay dumapo ang aking tingin sa pagamutan kung saan doon ay nagtatrabaho si Sergio.

Naalala ko tuloy noong kababalik ko pa lang sa Santa Prinsesa, may nabunggo kami noon ni Mang Andres. Isang Binibining labis na mahalaga kay Khalil, si Binibining Gwenaelle Fernandez.

Hindi ko naman talaga sinasadya na sya ay mabangga sapagkat hindi naman ako ang nagpapatakbo ng kalesa ngunit inako ko na ang kasalanang iyon, dinala ko sya sa mismong pagamutan na ito.

Nais ko sana syang samahan hanggang sa loob ngunit nang matanaw ko si Sergio na papalabas ay agad na akong nagpaalam at nagdahilan na kailangan ko nang lumisan kahit hindi naman talaga.

Tunay na sya ay babalikan ko nga... Ngunit sa tamang panahon na lamang.

Kay bilis ng panahon sapagkat buwan na ng disyembre ngayon, paparating na ang pasko. Ika-unang araw ngayon ng disyembre, tulad noong sumapit ang setyembre ay lumamig na ang simoy ng hangin.

Iniwas ko na ang aking paningin sa pagamutang iyon. Nais ko munang huminga at kalimutan ang mga isiping aking dinadala, ipinikit ko na lang ang aking mga mata at umasang balang araw ay makita ang liwanag at pag-asa.

"Binibining Taciang, naririto na po tayo." Ilang sandali pa ay idinilat ko na ang aking mga mata, tinanguhan ko si Mang Andres at dinapuan ng tingin ang lugar na aking pinuntahan ngayon.

Cementerio De Santa Prinsesa.

Nang makababa sa kalesa ay napahinga ako ng malalim bago magpatuloy sa paglalakad papasok sa simenteryo ng Santa Prinsesa, umihip ang malamig na hangin na syang humawi sa mga patay na dahon na nahulog sa sahig.

Matapos ang ilang minutong paglalakad ay narating ko na rin ang pwesto kung saan nakalabi ang aking Ina, malungkot akong napangiti matapos masilayan ang lapida ni Ina. Umupo na ako sa damuhan at ilinapag sa tabi ng lapida ni Ina ang aking dalang bulaklak na inaalay ko para sa kanya.

Hinawi ko ang mga patay na damo na nakaharang sa lapida ni Ina, matapos no'n ay binasa ko na ang pangalan ni Ina na nakaukot roon sa muling pagkakataon.

Natacia De Leon.

Hinawakan ko ang pangalan ni Ina at napahinga ng malalim, bigla ay unti-unti na namang nanumbalik ang lungkot sa aking puso na kay tagal ko nang iwinawaksi. Kung inaakala nilang lahat na perpekto ang buhay ko, nagkakamali sila. Ang aking mundo rin ay mapait, dahil wala akong Ina...

Ito ang dahilan kung bakit bihira lang akong magtungo sa simenteryo, iyon ay dahil hindi ko nais na makita pa ang katotohanang ang katawan ni Ina ay habang buhay na lang na mananatili sa ilalim ng lupa.

Minsan, naiisip ko na ayos lang sa akin kung mawala man ang lahat ng karangyaan, kayamanan, kagandahan, at lahat-lahat ngunit ang mahalaga ay nasa tabi ko ang aking Ina.

Ang aking Ina na ipinagkait sa akin ng Tadhana na makasama ko, ang aking Ina na kailanman ay hindi ko na makakasama sapagkat wala na sya. Kailanman ay hindi sinabi sa akin ni Ama kung ano nga ba ang nangyari kay Ina, ang tanging alam ko lang ay hindi ko na sya makakasama pa habang buhay.

Pag-ibig Serye #3: TadhanaWhere stories live. Discover now