TADHANA KABANATA 9

6 2 0
                                    

[Kabanata 9 - Pagtingin]

BUWAN ng oktubre, nakatulala kong pinagmamasdan ang talulot ng rosas na kulay kahel. Noong isang araw ay hindi ko na nasauli ito sa kanya, noong araw na iyon ay tinakbuhan ko sya at iniwan sa gitna ng kalsada.

Hindi ko rin alam kung bakit ko ginawa iyon, wala na akong mukha na maihaharap pa sa kanya dahil sa sobrang hiya. Bata pa kami noong huli akong tumakbo sa harapan nya, ngayong malaki na ako ay hindi na iyon kaaya-aya pa at sobrang nakakahiya!

"Bakit mo ba kasi ginawa iyon?" Nanlulumong tanong ko sa aking sarili habang pinagmamasdan ang isang pirasong talulot, narito ako ngayon sa tapat ng bintana ng aking silid at dapit-hapon na.

Itinapat ko sa kalangitan ang talulot na hawak ko, kakulay na kakulay nito ang kahel na kalangitan. Inihalintulad ko na ito sa rosas na nakaipit sa aking talaarawan at magkaamoy ito, mas lalong nanaig ang katotohanang sya nga ang nag-iwan ng rosas sa bangko noong isang araw.

Ngunit bakit naman? May nais talaga syang iparating ngunit hindi ko maunawaan kung ano, kung naiintindihan ko lang sana ang salitang nakasulat sa kapirasong papel na kasama ng rosas. Hindi nya na lang kasi ako diretsuhin.

Galit kaya sya? Nagtatampo? Naiinis sa akin? Ngunit bakit may kasamang rosas? Hindi ba't binibigay lang ito sa taong iyong iniibig? Ngunit imposible rin, ang sabi ni Sergio ay si Khalil ang nagpasimula ng kasal na kanyang kinahaharap ngayon. Ang binibining pakakasalan nya ang tunay nyang iniibig at hindi ako.

Napabuntong hininga na lang ako at idinikit na sa aking kwaderno ang talulot na ito, sa tabi no'n ay isinulat ko ang aking nararamdaman at iba pa tungkol sa talulot na ito. Sa totoong lang ay halos si Khalil na ang nilalaman ng talaarawan kong ito, irinegalo sa akin ito ni ina bago sya mawala kung kaya't ang talaarawang ito ay labis kong pinahahalagahan.

Pumunta ako sa pinakadulong pahina kung saan nakaguhit doon si Khalil, sa likod no'n ay nakaguhit naman kaming dalawa. Nakasuot ng unipormeng pang heneral si Khalil habang ako naman ay nasa kanyang tabi. Noon ko pa iginuhit ito, nagkatotoo na ang kanyang pangarap na maging heneral ngunit hindi ang pangarap kong maikasal sa kanya.

Ang ibigin nya rin ako.

ARAW ng linggo, kinakabahan akong naglalakad ngayon papasok sa loob ng simbahan at kasama si ama. Umaabot na sa aking lalamunan ang pagkabog ng puso ko dahil sa labis na kaba, nababalisa na ako ngayon dahil sa kanya. Sya talaga ang perwisyo ngunit saya rin ng aking buhay.

"Aking kerubin, ayos ka lang ba?" Nag-aalalang tanong sa akin ni ama nang makitang kanina pa ako palingon-lingon, agad ko namang nginitian si ama upang hindi sya maghinala.

"Ah, wala po ama! Ayos lang po ako," nakangiting pagsisinungaling ko ngunit napakamot ako sa aking tainga nang tinignan ako ni ama nang hindi mo ako maloloko na tingin.

"Hinahanap mo ba ang mga Santiago?" Nakangiting tanong ni ama na ikinagulat ko, hindi ko akalaing malalaman ni ama kung sino ang hinahanap ko!

"P-po? H-hindi po," pagtatanggi ko habang ang aking ngiti ay nanginginig na, natawa lang si ama at ilinibot ang kanyang paningin. Napapikit na lang ako habang nakakapit sa braso ni ama, kinakabahan ako dahil baka tawagin nya ang mga Santiago na kalapit ng aming pamilya!

"Mi amigo! (Aking kaibigan!)" Rinig kong tawag ni ama kay Don Flavio, nais ko nang magpalamon ngayon sa lupa dahil sa sobrang hiya.

"Amigo! Cómo estás? (Kaibigan! Kumusta?)" Rinig kong tanong ni Don Flavio, pigil ang hiningang nag-angat ako ng tingin sa pamilya Santiago.

Pag-ibig Serye #3: TadhanaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon