TADHANA KABANATA 16

11 3 0
                                    

[Kabanata 16 - Kasiyahan]

TUMIGIL ang aking mga hakbang sa tapat ng isang matandang puno ng narra na malapit lang sa tulay ng Santa Prinsesa, marahang sumasayaw ang sanga ng puno dahil sa marahan ding pagsimoy ng hangin. Dumapo ang aking mga mata kay Khalil na nakaupo sa isang bangko na gawa sa kahoy, paparating pa lang ako ngunit nang matanaw ay dumapo na sa akin ang mga mata nya.

Tumayo na sya mula sa bangko at sumandal na lang sa malaking puno ng narra habang ang mga mata ay pasulyap-sulyap sa akin, muli akong napalunok bago maingat na naglakad patungo sa bangko at umupo roon.

Kaharap ko sya ngayon, hindi ko na inalis pa ang aking mga mata sa kanya dahil baka sa susunod na araw ay lumisan muli sya nang walang pasabi. Umihip ang malamig na hangin, magkahalong kahel at asul ang kulay ng kalangitan.

"Ayos ka lang ba?" Naramdaman ko ang dahan-dahang pagkabog ng aking puso nang marinig ang kanyang boses, tila bigla akong kinilabutan ngunit agad kong linabanan ang aking nararamdaman.

"Oo?" Patanong na sagot ko, ang kanyang mga mata ay nasa aking kamay ngayon na namumula. Hindi naman ako nagkasugat dahil tanging ang palad ko lang ang sumalo sa lahat.

Hahakbang sana sya papalapit sa akin ngunit agad nyang pinigilan ang kanyang sarili, napatulala sya sa akin at tila may naisip. Ilang sandali lang ay umiwas na sya ng tingin at ilinibot ang kanyang paningin, natatakot ako dahil baka bigla nya na lang akong iwan muli.

Nagbaba ako ng tingin sa namumula kong palad, hindi naman ako nadulas sa pagtumba. Namumula lang talaga ang aking kamay at namamaga ngunit hindi ko iyon masyado maramdaman dahil sa presensya ni Khalil. Kinapit ko na lang ang magkabila kong kamay sa magkabila ko ring siko.

Ito na nga ba ang sinasabi ko at nagsimula na syang maglakad paalis, agad akong tumayo. Tatawagin ko na sana sya sa pangalan nya ngunit napunta iyon sa dulo ng aking dila nang maalala ang naging pag-uusap namin ni Doña Cecilia noong nakaraang araw, naalala ko ang kanyang sinabi na ako lang ang tumatawag kay Khalil sa una nyang pangalan.

Kaya naman... "L-leviano," hindi siguradong pagsambit ko sa ikalawa nyang pangalan na itinatawag sa kanya ng lahat, hindi na nya sana ako lilingunin ngunit nang marinig ang itinawag ko sa kanya at dahan-dahan nya akong nilingon at tumingin ng diretso sa mga mata ko.

Napalunok na naman ako dahil sa paraan ng kanyang pagtitig, tila hinihigop nito ang aking enerhiya sa katawan. Sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang paglipas ng mahabang panahon, nagawa ko muli syang tawagin sa pangalanan nyang Leviano.

Unang beses kaming nagkakilala noong tinawag ko sya sa pangalan nyang iyon at iyon na rin ang naging huli nang kanyang sinabi na 'Khalil' ang itawag ko sa kanya. Ngayon naman, muli ko syang tinawag sa ikalawa nyang pangalan na tila hindi nya nagustuhan.

Bigla ay pinagsisihan ko ang pagtawag ko sa kanya sa pangalan nyang iyon nang magawa nya akong tignan nang diretso sa mga mata ko. "Ano ang itinawag mo sa akin? Taciang?" Tanong nya, kalmado lang ang kanyang boses ngunit mas lalo akong kinabahan dahil ngayon lang naging ganito ang tono ng kanyang boses.

"H-ha? Ang sabi ko ay... K-khalil," kinakabahang pagbabawi ko at sinubukan syang ngitian ngunit nanginginig ang aking labi, hindi ko talaga kayang magsinungaling!

Nakahinga ako nang maluwag nang makitang mapangiti sya, ngunit nagulat ako nang tapikin nya ang aking ulo na tila nakababa nyang kapatid. "Mabuti naman, Taciang. Iyan lang ang tanging palatandaan natin sa isa't isa," nakangiting saad nya at napatango, nakasimangot ko syang tinignan.

Ang lalaki talagang ito, paiba-iba ng ugali!

"Palatandaan? Para saan naman?" Masama ang loob na tanong ko, mas matangkad sya sa akin kung kaya't ganoon lang kadali para sa kanya na tapikin ang aking ulo na tila isang aso.

"Basta, isang palatandaan sa ating dalawa. Na kapag may tumawag sa akin ng Khalil, alam kong ikaw iyon. Naiintindihan mo ba?" Tanong nya, habang nagsasalita sya ay dahan-dahan syang umupo sa dulo ng bangko kung kaya't muli na rin akong napaupo.

Iyon pala ang kanyang dahilan. Ngunit... "Paano ang iyong asawa? Malamang ay maninibugho iyon dahil may nag-iisang tao na tumatawag sa iyo ng Khalil," tanong at saad ko, nagtaka ako nang mapangiti sya at matawa saglit.

"Wala naman syang pakielam sa akin," nakangiting tanong nya, ang kanyang ngiti na puno ng pait. Tila unti-unting dinurog ang aking puso habang nakikita ang ikinukubli ng kanyang damdamin, nasasaktan din pala sya.

Habang tinatanaw nya ang kahel na kalangitan ay dahan-dahan kong itinaas ang aking kamay at tinapik iyon sa kanyang likod, napalingon sya sa akin. "Hayaan mo na..." Kung ako lang sana ang iyong pinakasalan, magiging makulay sana ang iyong buhay at mundo. Ipagluluto kita ng paborito mong pagkain, aasikasuhin kita palagi, ipaparamdam ko sa iyo na mahal kita araw-araw.

Ngunit hindi, hindi ako ang kanyang mapapangasawa.

Napahinga ako ng malalim at sinubukan syang ngitian. "M-malay mo, matutunan ka rin nyang mahalin kapag kayo ay nasa iisang bubong na. Lalo na kapag kayo ay nagkaroon na ng pamilya," mapait na pagpapagaan ko sa loob nya kahit ang kapalit pa no'n ay ang pagbigat ng aking dibdib.

Nginitian ko sya, ngiti na puno ng pait tulad nya. Pinipigilan ko ang panginginig ng aking labi at pangingilid ng aking luha, pilit na itinatago ang ikinukubli ng aking mapagpanggap na ngiti.

Nakita ko nang mapangiti sya habang pinagmamasdan ako, ang aking kamay ay nasa kanyang likod pa rin. Kahit papaano ay gumaan ang aking dibdib nang makita syang ngumiti, masaya akong makita syang masaya. Tulad ng sinasabi ng aking puso, ang kanyang kasiyahan ay akin ding kasiyahan.

Pambihirang pag-ibig talaga ito, nagagawa pa rin akong pangitiin kahit na ang kasiyahan nya naman ay nagmumula sa iba. Pambihira ring Tadhana ito, itinadhana pa ako sa isang lalaking iba ang isinisigaw ng puso. At pambihirang mundo ito, kailan ka ba magiging masaya at hindi mapait?

"Isa kang natatangi at nag-iisang binibini, Anastacia." Napatigil ako at gulat na nag-angat ng tingin kay Khalil nang sabihin nya ang mga salitang diretsong tumama sa aking dibdib.

Napatingin ako ng diretso sa mga mata nyang diretso ring nakatingin sa akin ngayon, may isinisigaw ang kanyang mga mata ngunit hindi nya iyon magawang sabihin. Habang nararamdaman ang mabilis na pagtibok ng aking puso ay napatigil ako nang maramdaman ang maingat nyang paghawak sa aking kamay na nakakapit sa kanyang likod at yakapin ko.

Tila naistatwa ako sa aking kinauupuan hanggang sa marinig ko ang kanyang boses na malapit lang sa aking tainga. "Paumanhin at maraming salamat din, sa lahat..." Ang bulong nya sa aking tainga bago tuluyang damhin ang pagyakap nya sa akin.

Bumilis muli ang pagkabog ng aking puso dahil sa kanyang sinabi at yakap na nagdudulot ng pagwawala ng aking buong sistema ngayon, napangiti ako habang tinatanaw ang kahel na kalangitan. Ipinikit ko na ang aking mga mata at yinakap sya pabalik.

Bilang kaibigan man ito, ngunit sa sandaling ito ay naging masaya na muli ang aking sandali habang kasama ang paglubog ng araw. Sa pagkakataong ito, palubog man na ang araw, hindi naman tulad ko na nag-uumapaw ngayon ang puso dahil sa labis na saya.

Habang hinahagkan ngayon ang isinisigaw ng aking puso, habang yakap ngayon si Khalil Leviano Santiago.

********************
#Tadhana #PagIbigSerye

Pag-ibig Serye #3: TadhanaWhere stories live. Discover now